Chapter 4: Aswang in the City

74 4 0
                                    

Nang masigurong nakapasok na rin ang kasama, sinubukan ni Delilah na paandarin ang sasakyan. Tagumpay naman na gumana ang makina subalit kakaabante pa lamang, may humarang na sa harapan.

"Lumihis ka!" may pagkabahalang sinabi ni Spartan kasabay nang pagtabig sa manibela ng sasakyan bago pa man tumama ang malaking bato na ihinagis ng estrangero sa harapang salamin. Mabuti na lamang at nasabihan siya kaagad dahil pihadong masusugatan siya kapag tumama iyon ng direkta sa kanya.

Isang impit na hiyaw ang nagmula sa kanya nang mapuruhan pa rin ang tuktok ng salamin at sumabog at nagkalat ang mga bubog sa loob. Maya't maya ay may malalakas na brasong humatak sa kanyang buhok. Sinikap niyang magpreno nang malakas sa pag-aakalang matutumba ito subalit marahas pa rin siyang hinila. Muntikan na siyang makaladkad palabas kung hindi lang siya kaagad nahawakan ng kasama.

"Bitiwan mo siya!" mariin na inutos ni Spartan sa lalaki na isa pala sa mga aswang. Sinadya ng mga ito na lagyan ng pako ang daan upang mabutas ang gulong ng kotse ni Delilah. Kanina pa nila pinagmamasdan ang dalaga dahil malayo pa lamang, amoy na amoy na nila ang samyo ng dugo nito na tila ba napakasarap na ulam.

Nang magmatigas ang halimaw, inabot niya ang piraso ng basag na salamin at walang pagdadalawang-isip na isinaksak sa kamay nito. Napahiyaw ang aswang sa sakit at napabitiw nang bumaon ang bubog sa kanyang laman.

"Bilis! Abante!" instruksyon naman ni Spartan kay Delilah.

Agad-agad, pinaharurot niya ang sasakyan kaya tumilapon sa malayo ang halimaw at nasagasaan naman ang isa na nakaharang sa daanan nila. Nangilabot pa siya nang maramdaman mula sa ilalim ng gulong ang pagkabali ng buto ng aswang.

Subalit, mas tumindig ang mga balahibo niya nang makita sa rearview mirror na bumangon muli ang kalaban. Nabali man ang leeg nito nang dahil sa pagkakasagasa, tinangka pa rin nito na habulin sila.

"G-Grabe naman!" maluha-luhang nasabi na lang ni Delilah na na-trauma sa muntikang pagkabiktima ng mga aswang. Ganoon pa man, kahit na takot na takot ay pinilit pa rin niyang ituon ang atensyon sa mabilisang pagmamaneho.

"OK ka lang ba? Hindi ka ba nila nasaktan?" pangungumusta ni Spartan nang mapansin na nanginginig pa rin sa nerbiyos ang dalaga.

"Mukha ba akong OK?" nagawa pa niyang manuplada. Tuluyan nang dumaloy ang luha sa mga pisngi niya. Kahit anong pilit niyang huwag umiyak, pinagtrayduran naman siya ng mga mata. "Muntik na akong naging adobo express ng mga aswang, pagkatapos, tatanungin mo kung OK ako?"

"Sorry na," paghingi ng kasama ng paumanhin. Nakunsensya pa siya dahil tama nga naman ang kausap, mali ang pamamaraan ng pagtatanong niya. Upang kumalma na ang katabi, marahan niyang hinaplos ang balikat nito. "'Di bale, akong bahala sa iyo, hindi ka naman nila masasaktan. Pramis! Huwag ka nang mag-cry..."

"Promise, ha?" lumuluhang paniniguro pa rin nito sa kanya. "Kapag iniwan mo ako, iha-hunting kita para ma-chop-chop lang 'yan betlogs mo!"

"Aray ko naman!" Napasinghap pa si Spartan nang dahil sa karumal-dumal na pagbabanta. Inabot na niya ang tissue sa dalaga upang makapagpunas ng luha at sipon na nagkahalo-halo na nang dahil sa pag-iyak. "'Yun mga aswang ang i-chop-chop natin, huwag naman 'yun tamagotchi ko!"

"Ikaw kasi e!" paninisi pa rin ni Delilah sa kanya kahit na deep inside ay na-touched siya sa sinabi nito na hindi siya hahayaang masaktan ng mga aswang. "Ini-stress mo ako e. Kita mo na ngang hindi ako OK, nagtanong ka pa!"

Sa wakas ay natunton na ni Delilah ang tamang daan patungo sa bayan. Nakahinga na siya nang maluwag nang mapansin na marami na ang mga tao roon at malayo sa kagubatang pinaglalagian pala ng mga aswang.

"Finally!" nakangiting sinambit na niya nang mahanap na niya ang mga tamang kanto patungo sa kanilang tahanan. Tumila na rin ang ulan at nagka-signal na ang kanyang cellphone kaya nakalimutan na niya ang takot na naramdaman kanina lamang.

Aswang Hunters Series: SpartanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon