Spartan 20: Love and Obsession

52 6 0
                                    

Maingat na sinusuklayan ni Spartan ang mahabang buhok ni Delilah habang nasa harap sila ng malaki at antigong salamin na nakadikit sa magarbong sala ng mga Catacutan. Maya't maya ay tinirintas niya iyon gaya ng special request ng kinagigiliwan. Nang matapos ayusin ang buhok ay pinahiran naman niya ng liptint ang namumutla pang labi nito.

"Ang ganda-ganda mo talaga, Besh!" tuwang-tuwa na paghanga niya. Marahan pa niyang dinampian ang labi nito ng loose powder upang hindi masyadong maging matingkad ang pagkapula at magmukhang natural ang tint.

"Wow!" hindi makapaniwalang napabulalas ni Delilah habang pinagmamasdan ang sarili.

"Ang cute ko nga! Mukha akong Korean idol, mwehehe!" paghanga niya sa sarili.  "Artistahin na ba ako? Idol na ba ang datingan ko?"

"Hindi man," pailing-iling na pagtutol ni Spartan.

"Hmph! Basag-trip ka naman!" nakanguso na panunuplada niya. Bahagya pa siyang napikon dahil akala niya, hindi nga nagagandahan ang binata sa kanya.

"Level up ka pa, girl," pagpapatuloy naman ng kausap kaya napangiti na siya at naglaho na parang bula ang pagtatampo. May paglalambing na tinapik pa siya nito sa ilong gamit ang makeup brush.

"Para sa akin, ikaw ang pinakamagandang babae sa balat ng Earth, maging sa kalawakan. Angat sa outer space ang beauty mo! Maging mga aliens, mapapalingon sa iyo!"

"Awww," touched na touched na nasambit na lang niya kasabay ng paghawak ng nag-iinit na mga pisngi. Pakiramdam nga niya ay nasa alapaap siya lalo na at narinig mismo sa iniibig na maganda nga siya. Alam naman niya na may itsura siyang maipagmamalaki pero iba talaga ang feeling kapag mismong si Spartan ang nagsabi sa kanya.

"Pinapakilig mo naman ako masyado," pahayag niya. "Dahil diyan, pakilagyan mo na rin ako ng nail polish! Wait ka lang, kukunin ko muna sa cabinet ko!"

Excited pa siya na nagtungo sa silid at hinalungkat ang vanity cabinet niya. Subalit, habang pabalik sa sala, biglang umikot ang kanyang paningin.

"A-Anong nangyayari?" pagtataka niya.

Nasa huling hakbang na siya ng hagdanan nang tuluyan nang magdilim ang natatanaw niya. Hindi na niya namalayan na matutumba na pala siya kung hindi lang siya nasalo at tinapik-tapik ni Spartan sa balikat upang matauhan.

"Delilah!" aligagang pagtawag nito sa kanya.

"H-Ha?" tulirong tugon niya. Kumurap-kurap siya at pilit na ginising pa rin ang diwa kahit na bumibigat na ang talukap ng mga mata at nanghihina ang mga tuhod. Naramdaman na lang niya na binubuhat siya ng binata at inaalalayan na makaupo sa sofa.

"Ano ba 'yun? Parang bigla akong nag-blackout!" litong-lito na pag-uusisa niya.

Nabahala si Spartan nang dahil sa nasaksihan. Malakas ang kutob niya na hindi pa rin tumitigil ang kalaban at pinagbabalakan pa rin ng masama ang dalaga. Nakaramdam din siya ng takot dahil mukhang napakalakas ng magkukulam at mabagsik na kaaway. Naglalagay na nga siya ng asin at nagpapausok din ng insenso sa paligid ng bahay pero hindi niya matanggap na nagagawa pa rin nito na atakihin si Delilah.

Kabado man ay hindi niya pinahalata upang maiwasan na matakot din ang kaibigan. Nababahala man, sinikap pa rin niya na huminahon. Para sa kanya, hindi ito ang panahon para magpatalo sa sa takot lalo na at si Delilah pa ang ipinagtatanggol niya.

"Ano ang pakiramdam mo?" pangungumusta niya. "May masakit ba?"

"Wala naman. Medyo nahihilo lang."

Umupo siya sa tabi ng dalaga at marahan na sinalat ang noo nito.

"Hindi normal ang temperature niya," tahimik na pakikiramdam niya sa kalagayan nito. "Bakit malamig ang balat niya at namamawis pa siya nang malapot? Parang yelong natutunaw ang salat ko..."

Aswang Hunters Series: SpartanOnde as histórias ganham vida. Descobre agora