Chapter 26: Hinala

44 4 0
                                    

"Handa ko siyang ipaglaban ng patayan, tatandaan mo rin 'yan!" nanlilisik ang mga matang pahayag ni Spartan habang mahigpit na nakahawak sa kwelyo ng suot na polo shirt ni Samson.

Hindi makapaniwala si Delilah sa narinig mula sa nakilalang lalaki na may pusong mamon. Nasanay kasi siya na kalmado, masayahin, malambing at may pagkaiyakin pa nga ito kaya nabigla siya sa akto nitong palaban at bayolente. Batid man niya na sumailalim ito sa pagsasanay bilang aswang hunter, hindi pa rin niya inaasahan na may potensyal pala itong maging delikado kapag nasagad na ang pagtitimpi.

"Spartan, itigil niyo na 'yan! Huwag na kayong mag-away!" nanunuyo ang lalamunan na pag-awat niya upang maiwasan na maging mas marahas pa ang alitan ng dalawang lalaki na parehong may gusto sa kanya. Ang pagkakaiba nga lang ay tunay ang pag-ibig ng kaibigan at handa pa siyang ipaglaban samantalang ang kay Samson naman ay makasarili at may halong obsession.

"Oo, Delilah," tugon naman nito sa panawagan niya. "Tapos na ang usapan namin. OK na ang lahat."

Nagdidilim man ang paningin sa galit ay sinikap ni Spartan na huminahon. Huminga siya nang malalim upang mawala na ang sama ng loob na sumakop sa kabuuan niya kanina lamang. Nang mahimasmasan, nahiya pa siya at nakunsensya sa nagawang pananakit kay Samson na magpasahanggang ngayon ay matalas pa rin ang tingin sa kanya.

"Sorry, P're. Nabigla lang ako," paghingi niya pa ng paumanhin kahit na nauna naman na naghamon ng away ang kausap. Akmang makikipagkamay pa sana siya subalit tinalikuran naman siya nito. Isinawalang-bahala na lang niya ang pagtanggi nito sa alok na pakikipag-ayos upang hindi na lumaki ang gulo. "Sana lang, pakiusap ko rin sa iyo, hindi na ito mauulit pa. Idaan natin ang 'di pagkakaunawaan sa matinong usapan."

Pinakaiiwas-iwasan man sana niyang gamitan ito ng dahas ay sadyang naubos na ang kanyang pasensya sapagkat ininsulto na nga ni Samson ang pagkatao niya, narinig pa na pag-aari lang pala ang tingin nito sa pinakamamahal niya at nais pang agawin. Para sa kanya, nararapat na irespeto ang dalaga at hindi nito deserve ang ganoong klaseng pagtrato na angkop lang sa mga hayop.

"Kanina ka pa ba riyan?" namimilog ang mga matang pag-uusisa naman niya kay Delilah na medyo namumutla pa at nanghihina ang mga tuhod nang dahil sa nasaksihang karahasan. Hindi nakawala sa kanyang paningin ang pagiging aligaga nito kaya sinubok niyang kalmahin na. "Boys fight lang ito...nagkapikunan...alam mo na, hehe! Huwag ka nang mag-worry..."

Pinunasan na niya ang dugo sa mga sugat gamit ang laylayan ng itim na t-shirt. Ilang sandali lang ay ngumiti na siya sa dalaga upang siguruhin na maayos na ang lahat.

"Nakaka-shookt lang kaming tignan, pero hindi naman ito malala..."

"Naiwasan sana na umabot sa ganito kung kanina pa ako namagitan!" hiyaw ng isipan ni Delilah habang pinagmamasdan ang dalawa na kapwa may mga pasa at sugat sa mukha at katawan. Kahit mukhang wala lang kay Spartan ang natamong mga pinsala, alam niya ang hapdi ng mga iyon at paniguradong matatagalan din bago tuluyang maghilom.

Batid man niya na ipinagtatanggol lang siya nito mula kay Samson, aminadong nangilabot at nakaramdam pa siya ng takot sa marahas na naging akto mula sa binata. Kitang-kita niya kung paano nito naihampas ang ulo ng kaalitan sa hood ng kotse at ibinalibag pa na tila ba manikin lang.

"Parang lumalabas ang bad side siya kapag kasama ako. Nadadawit lang naman siya sa problema ko kay Samson!" pagsisisi pa niya nang maalala na kaya lang naman napag-initan si Spartan ng dating masugid na manliligaw ay dahil pinagpanggap niya ito na nobyo. Hindi niya inaasahan na aabot sa ganito ang lahat at magkakasakitan pa nang dahil lang sa kanya.

"Pero naiintindihan ko na may dahilan ang galit niya. Kung ako rin ang nasa sitwasyon niya, baka higit pa ang nagawa ko," tahimik na pag-aanalisa ni Delilah habang nakatitig sa mga mata nito na kung kanina ay nanlilisik sa galit, ngayon ay inosente na muli. Pakurap-kurap pa itong tinitigan siya na para bang binabasa rin nito ang laman ng kanyang isipan. "May mga nangyayari na sa palagay ko nga ay may kinalaman si Samson. Kailangan kong makaisip ng paraan upang matigil na rin ang panggigipit niya kay Spartan..."

Aswang Hunters Series: SpartanDonde viven las historias. Descúbrelo ahora