Chapter 25: Kapag Napuno na ang Salop

46 4 0
                                    

"Heto 'yun order ni Ma'am Babush," pagbibigay ni Gladiator ng panuto sa kapatid na si Minerva. "Ipi-pickup daw niya bago magtanghalian. Ito rin yun resibo, dapat full payment 'yan, gaya ng napag-usapan namin kahapon."

"Yes, Kuya," tugon naman nito habang karga-karga ang pinakabunsong kapatid na sanggol pa. "Paano pala 'yun mga package sa Tuk-O? Hindi raw makukuha ng courier kasi walang kasabay 'yun sa atin na ipi-pick-up sa area. Baka ma-delay, kagalitan pa tayo ng clients at humanap ng ibang mapagkukuhanan ng supplies ng garlic lotion and soap."

"Ako na ang bahala roon, Sis," sinagot naman ni Spartan. Hinain na niya sa mesa ang nilutong agahan para sa mga pinsan na tinuturing niyang tunay na mga kapatid din. "Madali lang 'yan. Kabisado ko naman ang lugar kaya made-deliver ko rin mamaya."

"Kain na!" maligayang pag-aya naman niya. Wala man limang segundo ay nagsitungo na ang magkakasunod sa edad na mga kapatid ni Gladiator sa hapag-kainan. Kanya-kanya sila ng kuha ng fried rice at ulam na tila ba wala ng bukas kung kumain. Hindi naman sila ginugutom pero nasasarapan kasi sila sa mga hinahandang ulam ng Kuya Spartan nila. Simula nang manirahan ito sa kanila ay halos araw-araw silang nakakain ng mga pang-fine dining restaurant na putahe, kahit na mumurahin lang naman ang mg sangkap.

Habang masaya silang nag-aalmusal at nagkukuwentuhan ay natigilan sila nang may kumatok. Pagbukas ni Minerva ng pintuan ay bumungad ang ama na mukhang sabog na naman nang dahil sa kakainom kasama ang barkada kinagabihan. Pagpasok ay napaismid pa ito nang makita ang kinaiinisang pamangkin.

"Nandito pa pala ang baklang 'yan!" pailing-iling na pinaringgan pa nito si Spartan na naglaho ang ngiti nang marinig ang salbaheng tito. Napahinto tuloy siya sa pagkain sapagkat nabahala siya na baka akalain pa nito na malakas siyang kumain samantalang nakikitira lamang. "Kailan mo ba papaalisin 'yan?"

"Nabanggit ko na sa iyo na dito po muna siya kasi tinanggal sa trabaho ng amo niyang ewan," tugon ni Gladiator sa tatay na si Brando. "Hindi rin naman siya tatanggapin nina Tito Bruno kasi nga may tampuhan silang mag-ama."

"Tsk! Magkaroon ka ba naman ng anak na babakla-bakla, kung ako e itatakwil ko rin!" Nagtungo siya sa may refrigerator upang kumuha ng malamig na tubig. Pagkainom ay itinuon muli niya ang pansin sa pamangkin na hindi na alam kung paano ilulugar ang sarili sapagkat pakiramdam nito ay isang pabigat. "Imbis kasi na pagpapaganda ang atupagin mo, magbanat-banat ka ng buto katulad ng mga kuya mo. Baka kapag nakita nila na nagpapakalalaki ka, tanggapin ka pa ng kapatid ko!"

"'Tay, tinutulungan naman niya ako sa pagtitinda at pagdedeliver ng mga orders," pagdepensa na ni Gladiator sa nakababatang pinsan na hiyang-hiya na sa kinauupuan. Inakbayan na niya ito upang iparamdam na kakampi siya at wala dapat ikailang. "Pati nga paglalaba at pagluluto siya na rin ang gumagawa. Marami siyang naitutulong sa atin. At hindi naman siya bakla, tigil-tigilan niyo na nga ang pagdi-discriminate sa kanya!"

"Hindi siya bakla?" halos sabay-sabay na napabulalas ng mga kapatid niya na hindi makapaniwalang lalaki talaga si Spartan. May pagkamalamya kasi itong kumilos at may kadaldalan pa kaya sa tagal ng panahon na kakilala nila ito, akala nila talaga ay binabae.

"Sagutin mo nga!" binaling naman niya ang katanungan sa pinsan na hindi rin makapaniwala na ang tingin nila sa kaniya ay beki.

"H-Hindi." Napakamot pa siya ng ulo dahil na-feeling awkward pa siya sa paglantad ng tunay niyang gender preference. "Straight talaga ako, hehehe..."

"Sinungaling! Bakit kasi hindi mo na lang paalisin?" pasinghal na pinagalitan pa rin si Gladiator ng tatay. "Dagdag palamunin lang 'yan!"

"Ako po ang nagbabayad sa hulugan ng lupa kaya kahit sinong patirahin ko, pwede," may pagkainis na pinagsabihan na niya ang amang halos walang ambag sa pamilya. "Pati mga gastusin ay ako at si Minerva ang nag-aasikaso kaya huwag mo na masyadong isipin kung sinu-sino ang mga pinapalamon namin!"

Aswang Hunters Series: SpartanTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon