Prologue

304K 4.4K 214
  • इन्हें समर्पित: bluekisses
                                    

Prologue

Kanina ko pa tinitingnan ang cell phone ko sa paghihintay ng text ni Nigel, pero hanggang ngayon ay wala pa rin akong natatanggap ni isang text o tawag mula sa kanya.

Bumuntong-hininga ako at umupo sa kawayang settee sa sala. Kagagaling ko lang sa trabaho, at ramdam ko ang matinding pagod ng sariling katawan. Isa akong massage at reflexology therapist sa isang spa rito sa Manila.

Hindi ako nakapagtapos ng kolehiyo pero kinuha pa rin nila ako dahil kahit papaano ay nakapag-aral ako sa TESDA. Ang tanging ginastusan ko lang para makakuha ng NCII certificate ay libro, uniporme, at ang bayad sa exam.

"Oh, anak? Kumain ka na ba?"

Nilingon ko ang pinanggalingan ng boses. Sa boses pa lang niya ay naglaho na lang bigla ang pagod ko. Lumapit ako sa kanya na kalalabas lang ng kwarto. Marahan ko siyang hinalikan sa noo at niyakap naman niya ako na mas nakapagpagaan ng loob ko.

"Hindi pa ho, 'Nay. Kayo po? Gutom na po ba kayo?" Tumingin ako sa mukha niya, hindi pa rin niya ako pinakakawalan. "Nasaan po pati sila Neo at Nymph?"

"Nandito na po!"

Halos sabay naming nilingon ang direksyon ng pinto. Matamis ang ngiting nakapaskil sa mga labi ng bunso kong kapatid na lalaki, si Neo, at si Nymph, labinlimang taong gulang na dalagita na sumunod sa akin.

Humiwalay sa akin si nanay at lumapit sa amin ang dalawa. Humalik ang mga kapatid ko sa magkabilang pisngi ng nanay at sumunod sa akin.

"Ate, ano pong ulam?" Hinaplos ni Neo ang tiyan niya, halatang gutom na.

"Bumili ako ng fried chicken sa may kanto." Pinasadahan ko ng kamay ang buhok ni Neo at hinalikan ko siya rito.

Lumapit sila ni Nymph sa mesa at magkatulong na inihanda ang pagkain.

Apat na lang kaming magkakasama sa buhay. Limang taon na ang nakararaan simula nang pumanaw ang tatay namin dahil sa isang aksidente. Naging driver ang tatay ng isang mayamang pamilya. Mahirap dahil ako na lang ang bumubuhay sa aming pamilya, pero ayoko na rin namang pagtrabahuhin pa ang nanay.

Pinagmasdan ko sila na may ngiti sa mga labi habang kumakain. Nang natapos ay nagpresinta si Nymph sa paghuhugas ng mga kubyertos. Alam nila na bawal akong magbasa ng mga kamay dahil katatapos ko lang magmasahe.

Tumunog ang cell phone ko. Agad ko itong inilabas sa bulsa ng jacket ko. Kumunot ang noo ko dahil sa rumehistrong pangalan sa maliit na screen nito. Galing sa kaklase ko noong highschool ang message.

Phoenix:
Are you free tonight? Let's go out for dinner.

Agad akong nag-type sa mumurahin kong cell phone.

Me:
May boyfriend ako.

Saglit lang ay tumunog na ulit ang phone ko.

Phoenix:
I don't care.

Nakaramdam ako ng inis. Buong buhay ko ay nakita ko kung paano niya paikutin sa kamay ang mga babae simula noong high school. Sikat siya dahil player siya ng basketball noon at galing sa mayamang pamilya. Hindi ko rin ikakaila ang isa pang katotohanan sa kasikatang natatamasa niya noon—ang pisikal na anyo niya na mas lalo pang nadepina ngayon.

Napailing ako dahil sa pagpuring iyon na sumagi sa isip ko.

Muntik na akong mapatalon sa gulat nang may bumusina sa labas. Agad akong tumayo mula sa upuan. Hindi ko napigil ang pagngiti nang nakita ang itim na kotse. Inayos ko ang buhok ko. Mahigpit kong niyakap ang jacket na suot at nagmamadaling lumabas ng bahay.

Surrenderजहाँ कहानियाँ रहती हैं। अभी खोजें