Chapter 37

72.1K 1.7K 96
                                    

Chapter 37

"Millicent?"

Pagkabukas ko ng pinto ay ang mukha agad ng nanay ang bumungad sa akin. Hindi na rin ako nag-abala pang punasan ang mga luha ko dahil kahit anong tago ko ay alam kong mahahalata niya pa rin ang aking pag-iyak.

Ibang oras na pero hindi ko inaasahang gising pa siya. Nagmamadali akong lumapit sa kanya at mahigpit na yumakap.

Ito ang kailangan ko. Ang yakap ng isang ina.

"A-anong nangyari anak?"

"W-wala na kami, nay." Humikbi ako. "Ang sakit-sakit pala. Ang hirap pero para rin naman ito sa aming dalawa."

Kumawala siya at hinila ako paupo sa settee. Mas lalo akong naiyak nang inginuso niya ang kanyang kandungan. Humiga ako rito at yumakap sa kanyang baywang.

"Ayaw sa akin nila Mrs. Nata- ng mga magulang niya." Mabuti na lang ay napigil ko ang pagbanggit sa mga pangalang iyon. Kung hindi ay baka ang nanay naman ang masaktan. Hindi ko na iyon hahayaang mangyari pa. "Hindi ko na ho alam ang gagawin ko. Mahirap kalabanin ang pamilya niya."

Hinaplos niya ang aking buhok. "Ganyan naman ang ibang mayayaman. Hindi ko nilalahat ngunit karamihan ay ganyan ang pag-uugali. Kapag mahirap ka ay mababa ang tingin sa'yo. Ito na nga ba ang ikinatatakot ko Millicent." Pinunasan niya ang aking mga luha. Seryosong-seryoso ang maputla niyang mukha. "Naalala mo noong mamatay ang tatay mo?"

Kumabog ang dibdib ko sa bigla niyang pagbubukas ng usapan tungkol sa tatay. Ayaw na ayaw niyang balikan ang nangyari sa asawa at nakakapagtaka na mayroon na siyang lakas ng loob ngayon.

"Namatay siya na sinisi sa kanya ang aksidenteng nangyari." Malungkot siyang ngumiti. "Nasasaktan ako para sa iyo anak. Katulad ng kung paano ako nasaktan nang mamatay ang tatay mo. Ayokong may umaagrabyado sayo. Ngunit hindi ko akalaing mararanasan mo ito sa pamilya pa ni Phoenix." Napapikit siya.

Mas lalong nanikip ang aking dibdib nang tumulo ang kanyang luha. As expected, this would be painful to her. Lalo na't hindi rin niya napigilang kaligtaan ang nangyari sa tatay. Paano pa kaya kapag nalaman niya na pamilya ni Phoenix ang pamilyang dahilan kung bakit naging mailag siya sa mga may kaya sa buhay?

"Napakabait na bata ni Phoenix. Ang totoo ay mas gusto ko siya kesa kay Nigel dahil nagawa ka niyang aluhin noong mga panahong kailangang-kailangan mo ng makakapitan." Tinitigan niya ang aking mukha. "Ngunit kahit gaano ko pa siya kagusto para sayo ay mas mabuti na nga na naghiwalay kayo anak. Mas hindi ko kakayanin ang masaktan ka ng doble dahil sa maaaring pangungutya na matamo mo sa pamilya nila. Ayokong maranasan mo ang sakit na nadama ko noon sa tuwing ipinapamukha sa akin ng mga magulang ng tatay mo kung gaano ako kababa para maging nobya niya." Iniwas niya ang tingin sa akin. "Napakadami mo nang pinagdaanan. Hindi ko alam kung paano kita matutulungan. Alam ko ring wala akong magagawa para pahupain ang sakit dahil hindi naman ako si Phoenix. Hindi ako ang dahilan kung bakit ka nasasaktan nang ganyan."

Tuluyan na akong umupo at niyakap siya. Napahagulgol ako dahil sa tindi ng sakit na tumutusok sa aking dibdib. Mas lalo akong natatakot na malaman niya ang totoo. Baka kamuhian niya si Phoenix!

"K-kakayanin ko nay. Kahit mahirap... kahit masakit..." Para sa inyo. Para sa kanya. Para wala nang masaktan pa.

Tumango siya at hinaplos ang aking likod. Ilang sandali pa nang makarinig kami ng pagtigil ng sasakyan.

"Millicent! Millicent!" Boses niya iyon.

Napatayo kami ng nanay. Bago pa ako makapunta sa pinto ay bumukas na ito.

"Binibini..." Humihingal siya.

"Anong ginagawa mo rito?" Pinilit kong palamigin ang boses. Pinunasan ko ang mga luha.

SurrenderWhere stories live. Discover now