CREMATORIUM 2012

2 0 0
                                    


It was around April 2012 when I experienced this. Please hide my identity.

Just call me Vanessa. So here's my story...

Just right before my graduation on April 2012, I was hired as an Auditor sa isang Accounting and Auditing firm. Syangapala, meron na rin akong classmate na mas naunang na-hire sa same firm for about 3 months na rin bago ako na-hire. Let's call him Michael. Si Michael ang nagrefer sa akin sa firm na yun.

For the first two weeks there, ok naman. Everything was normal. Busy lang sa office works, compute dito, compute doon. Naghahabol ng deadline for tax submission. Our boss that time had assigned respective companies na tatapusin namin ang paper works - and that includes going to their actual offices and dun na mismo namin gagawin yung pag-o-audit . Isa sa mga companies na naassign sa akin at kay Michael ay itong Crematorium located in ****g City. Isa itong kilalang crematorium ngayon ngunit nung mga panahong yun ay nagsisimula pa lamang makilala.

Itong crematorium na ito ay may katamtamang laki (that time), maganda at masasabe mong may kaya lamang ang makaka-avail ng serbisyo. Pagpasok mo pa lamang sa gate ay napakaganda. Maging ang kanilang office ay maganda.Ngunit mapapansin mo din yung ilang bahagi ng lugar na iniimprove pa. Dumating kami sa kanilang office ng mag-aalas 3 na ng hapon dahil may mga nauna pa kaming clients na pinuntahan kasama si Michael.

Sinalubong kami ng guard at inabisuhang dumiretso sa main office building. Tila alam naman ni Michael kung saan. Nakarating kami doon at sinalubong kami ng Secretary sabay dumating rin ang may-ari. Kami ay pinakilala sa iba nilang empleyado at inilibot sa ilang offices nila - kabilang ang chapels nila maging ang crematorium kung saan nagaganap ang actual na pagkecremate. Ngayon lamang ako nakakita nun. Hindi mo rin magugustuhan ang amoy, dahil tila nangingibabaw yung amoy ng nasusunog na buhok ngunit malinis naman ang lugar ng kami ay dumating. Hindi kami aktwal na nakapasok hanggang bungad lng pero maamoy mo tlga ung kakaibang yun. Sa sobrang curious ni ate mo ghirl ay tinanong ko na din yung may-ari (napakabait namang sumasagot ng may-ari sa mga tanong namin) kung kelan huling ginamit ang crematorium room. Sinabe nyang may katatapos lang na icremate ng 1PM ng hapong yun. Maliban pala sa cremation, sila rin nag ooffer ng karaniwang burol at libing. Matapos ang mabilisang paglilibot ay inakala kong babalik na kami sa office building kung nasan ang kanyang Secretary, kung saan kami magtatrabaho at tatapusin ang pag-o-audit.

Ngunit dinala nya kami sa medyo tago at di naman kalayuan na building mula sa pinaka-main. Dito daw talaga yung office ng mga Accounting Staffs nya. Sa pagtataka ko ay wala namang tao doon. Yung office ay maliit lang pero modern. Di mo aakalaing nasa loob ka ng lugar kung nasan andun din nakalibing ang mga patay. May desks at dalawang computers na mga bago pa. I complimented the place. Natuwa yung may ari at sinabe nyang pinagawa nya talaga yun para daw hindi naman magmukhang "patay" yung lugar. Yun nga lang daw, nagresign yung dalawang accountant ng sabay isang buwan bago yung takda naming punta. Nakalimutan ko palang banggitin, yung may-ari na kausap namin was an Expat (hindi ko maalala kung ang asawa nya ba ay isang Pinay). Niloloko pa nga nya kami na baka raw pwede nya kami i-hire maging Accountant na lang ng business nya. Sa isip ko, pwede pero parang mas ayoko. Ewan ko, bigla akong kinilabutan. Back to the story, iniwan nya na kami at sinabing babalikan kasama ng mga papers na hinihingi namin para tapusin yung audit.

Naupo kaming dalawa ni Michael. Habang naghihintay na bumalik yung may-ari ay lumibot ako sa paligid ng office. Yung inaakala kong mga typical vases na nakadisplay ay sya palang mga urns na binebenta rin nila sa mga customers na may namayapang kamag-anak. Maganda ang pagkakadisplay roon at aakalain mong ito ay mga precious jewels na nakakahon sa mga clear glass at naroon din ang ilang mga necklaces at other jems na kasama sa mga binebenta na karaniwang isinasama sa mga namatay na kaanak. Masasabe mong pang mayaman nga ang nag-aavail ng services dito.

Dumating ang secretary at nagbigay ng meryenda  (na di ko kinain kasi ewan ko iba nasa isip ko- siraulo ko din noh?)at sinabihang babalik ang may ari after 10 min.

Napatanong ako kay Michael kung nasan ang mga kabaong sapagkat amin itong bibilangin. Yes, tama kau. bibilangin namin. Dahil ito ay kasama sa mga inventories ng kumpanya. Nagkasabay namang ako'y naiihi at tinanong ko c Michael kung nasan ang CR. Itinuro nya ako sa pinto na nasa sulok ng office. Hindi ko alam kung bakit ako nilalamig. Hindi ko alam kung dahil ba sa aircon na nakatutok sa amin o sa kung ano anong pumapasok sa isip ko. Lumapit ako sa pinto at ito'y binuksan. Laking gulat ko ng nakasunod pala sa akin si Michael at itinulak ako ng marahan. Napasigaw ako ng malakas. Dahil ang laman ng kwartong iyon ay mga kabaong.... Naaninag ko yun mula sa liwanag na nanggaling sa office. Tawa ng tawa si Michael sa akin. Pinagtripan ako ng mokong. Nakapag-audit na pala syang minsan at alam nya na mga kabaong ang laman nun. Umurong bigla yung ihi ko. Sinara ko na ulit yung pinto at bumalik na lang ako sa upuan ko. Pero di ko na maalis yung kaba ko na makita yung mga kabaong. Iba na yung naimagine ko dun. Naisip ko kung may laman ba yun o gamit na ba ang mga yun.

Habang inaalis ko sa isip ko yun ay tawang tawa pa rin c Michael sa akin. Para daw kasi akong nakakita ng chanak! Sabay namang dumating ang may ari at napansing tinatawanan ako ni Michael. Nagkwento naman c Michael at nakitawa na rin ang may-ari (mabait talaga sya). Sinabihan nya pa ako na mas matakot dapat ako sa buhay. Umalis din naman sya agad pgkabigay ng mga kailangan namin.

Hindi na rin ako pumayag na ako yung magbilang ng kabaong at sinabihan si Michael na sya na ang magbilang ng kabaong bilang ganti sa pang-gugoodtime nya sa akin.

Natapos nya ang pagbibilang at napansin nyang seryoso na ako sa pagtatrabaho. Para di na daw ako matakot at magsasounds na lang sya. Sinasabayan namin yung mga kanta pero alam kong di ako mapakali habang nagtatrabaho.May ibang lamig akong nararamdaman pero binalewala ko na lang. Sinabihan ko syang umuwi na kami agad pagsapit ng alas 5.

Sa kalagitnaan ng kantang “just the way you are”(o, di ba naalala ko talaga yung kanta) may tila humahalong hikbi akong narinig...Tumingin ako ke Michael, napatingin din sya sa akin. At kami’y nagka inlaban (joke), tila iisa ang nasa isip namin pero tumawa na naman c Michael ( weird na lalaking yun o nagtatapang tapangan lang). Pinagpatuloy namin yung pagtatrabaho, hanggang sa malapit ng matapos yung kanta.. Talagang lumakas yung paghikbi at malinaw na malinaw na sa pandinig ko...na parang humihikbi na mismo sa tenga ko..palakas ng palakas..Sarado yung main door, pati yung pinto kung nasan yung mga kabaong.

Hindi namin alam kung saan nanggaling yung hikbi ng babae...Bumibilang na ako sa isip ko sabay tayo at takbo palabas ng main door. Sumunod din sa akin c Michael. Kinonfirm ko sa kanya kung narinig nya din ba yung hikbi at umo-o sya. Nakita pala kami ng guard na tumatakbo palabas nun dahil ang office ay glass wall lamang.

Nung sinabe namin sa guard ang dahilan, hindi man lang sya nagulat. Sinabe pa nga nyang minsan sa pagroronda nya sa gabi ay may nakita sya minsang babae sa opisinang yun ng disoras ng gabi.

Nakiusap lng kami na kunin yung aming mga gamit at sinabeng babalik na lamang kinabukasan. Pero hindi na ako muling sumama dun. Nakiusap na lang ako na magpalit kami ng isang client. Hindi na rin sila nag-o-audit dun na aabutin ng hapon o takipsilim. Madalas ay umaga na lamang.

Hindi ko na din alam kung hanggang ngayon ay client pa rin yun ng dati kong boss dahil nagresign na rin ako after 7 months nun at sumubok sa corporate world.

Pasensya na sa mahabang kwento. Madame pa akong baong kwentong kababalaghan. Sa susunod na pagkakataon na lamang siguro. Salamat sa pagbabasa.

SINDAK CHRONICLES THE COLLECTION Where stories live. Discover now