ANG UMIILAW NA TALI

0 0 0
                                    


Noong bata pa ako madalas akong mag sleepwalk. Sobrang lala. Yung una ay nagising na lang ako na nasa kakahuyan na.
Takot na takot ako nun dahil sobrang dilim. Tapos kung ano ano pang ingay ang naririnig ko.

Paiyak na ko nang makita akong umiilaw na tali. Syempre bata ako non e kaya amazed na amazed ako sa pag-ilaw nun.
Nakalimutan ko ng umiyak nung pulutin ko ang tali at nalaman kong ang haba nun.

Sinundan ko yung tali. Tapos napatalon talon ako nung matanaw na yung bahay namin. Tumakbo na ko.
Pagdating sa harap ng bahay nakita ko si mama na kausap ang dalawang pulis at umiiyak si mama.

Binitawan ko na yung tali at patakbo na kay mama. Niyakap ko sya ng mahigpit. Gulat na gulat si mama. Habang yung dalawang pulis, nakangiti pero pinagsabihan nila kong wag na kasi akong lumabas sa bahay pag gabi na para hindi na iiyak si mama.

Nangako ako sakanila. Pero hindi ko natupad. Nagtuloy tuloy ang pag iisleepwalk ko. Hanggang sa nalaman sa school. Nag-ambagan yung mga pta officers at mga teachers para maipatingin ako sa espesyalista.

Kaya lang walang nagbago. Halos gabi gabi pa rin akong nag iisleepwalk. Pinapangako ako ni mama na wag na wag kong sasabihin kahit na kanino na tuloy pa rin ang pag iisleepwalk ko.
Nangako ako. Mahal na mahal ko si mama e. Ayokong umiiyak sya ng dahil sakin.

Kaso isang gabi, imbes na sa kakahuyan ako magising ay sa gitna na ng kalsada. May apat ding aso na tinatahulan ako kaya ako nagising.
Ang laki pa man din ng takot ko sa aso. Ilang beses na kasi akong nakagat.

Hindi ko alam ang gagawin ko sa totoo lang. Pa isa isa rin ang paghinga ko kasi natatakot talaga ako.
Tapos may narinig akong parang nalaglag sa gilid ko. Paglingon nanlalaki ang mga mata ko sa tuwa. Yung umiilaw na tali!

Kinuha ko agad yun. Yung mga aso naman bigla na lang umalis. Para silang natakot na ewan.
Yung tali na naman ang ginawa kong gabay para makauwi.
Ang problema nga lang, mukhang napalayo talaga ako. Masakit na kasi ang mga paa ko pero hindi ko pa rin natatanaw ang bahay namin.

Umiiyak na ko nung umaga na, hindi pa rin ako nakakauwi. Pinigilan ko lang umatungal nung mapagtanto kong nasa palengke na ko.
Hawak ko pa rin yung sinusundan kong tali. Pero siguro dahil umaga na, hindi na ito umiilaw.

Tapos may nabangga ako. Pagtingala ko, nakilala ko yung babae. Teacher sya sa school pero di ko alam kung anong grade. Nakasiksik sa bag nya yung dulo ng taling sinusundan ko.
Nakilala nya ako at mabuti na lang. Sya ang nag-uwi sakin sa bahay. Naabutan namin si mama na nagluluto ng almusal.
Yumakap agad ako kay mama at nagsorry. Pero hindi umiimik si mama.

Yung teacher ang nag-utos sakin na maligo at mag-ayos na ko para makapasok ako.
Naririnig kong nag-uusap sila ni mama pero hindi ko maintindihan kung anong sinasabi nila dahil nasa banyo ako.

Pero tanda ko ang araw na yun kasi, sa araw na yun natigil ng apat na taon ang pag-iisleepwalk ko.

Nung magkatorse na ko saka na naulit. At yun na rin ang huli.

Periodical namin kinabukasan kaya sabi ko sa sarili ko, magrereview ako buong gabi. Kaso pagkatapos kong kumain, nakaramdam agad ako ng antok.
Kahit anong gawin kong balentong hindi ko malabanan ang antok.
Nang magising ay nilalamig ako. Basang basa ang pakiramdam. Mejo sabog sabog pa ko dahil kagigising lang. Ang buong akala ko nag isleepwalk ako papunta ng banyo at nadulas kaya ganoon ang pakiramdam ko.
Kaya lang ng lumubog ako sa tubig ay doon ko nalamang wala ako sa banyo kundi nasa ilog.
Marunong akong maglangoy aso pero madali lang akong mapagod at dahil sa nagpanic ako, napunta agad ako sa ilalim.
Ang nasa utak ko kasi nun baka lingkisin ako ng mga sawa na tambay sa ilog pag malalim ang tubig.
Mas nagpanic tuloy ako nung may maramdaman akong pumulupot sa bewang ko. Akala ko katapusan ko na. Sinusubukan kong sumigaw.

Tapos mayamaya naramdaman ko na lang na nasa pampang na ko. Pagtingin ko sa katawan ko, nakapulupot sa bewang ko ang umiilaw na tali.

Pinilit kong tumayo. Nahihilo kasi ako tapos nasusuka. Nakailang tumba ako nang maisip kong gumapang na lang. Sinusundan ko ang umiilaw na tali.
Malapit lang ang bahay namin sa ilog pero parang ang layo layo ko na naman. Nang maabot ko ang dulo, pagtingala ay nagtaka ako nung malamang hindi ako sa bahay namin dinala ng tali. Kundi sa bahay nila lolo.
Nakaisang katok lang ako sa pinto bago ako mawalan ng ulirat.

Nagising ako sa ospital na. Umiiyak sila lolo at lola. Ewan ko kung bakit hindi ako nagtanong o umangal nang sabihin nila sakin na sakanila na ako titira.

Saka na lang ako nagtanong paglipas ng labing limang taon. Nang makita ko yung kaputol ng umiilaw na tali sa drawer ng gamot ni lolo. Hindi umiilaw pero sigurado akong yun yun.

Hindi ako totoong nag iisleepwalk noon. Si mama ang nagdadala sakin sa mga lugar kung saan ako nagigising noong bata pa ako. Itinigil nya lang ng mahuli sya nung teacher na relax na relax habang nawawala ako.

Nung katorse ako, nilagyan nya ng ilang pirasong sleeping pills ang inumin ko ng gabing yun para hindi ako magising kahit kaladkarin nya ko.
Kaya nahihilo at nasusuka ako non.
Nang dumating sya sa ospital nagwala sya. Bakit daw hindi ako mawalawala sa buhay nya?
Bakit ako yung nabuhay at hindi si papa.
Doon na napagtagnitagni nila lola lahat.
Ako ang sinisisi ni mama sa pagkamatay ni papa.

Dalawang taon pa lang kasi ako ng magkaroon ng flashflood sa dati naming tinitirhan. Natangay kami ni papa.
Pero malaki ang pag-asa nila lola na makakaligtas kaming mag-ama dahil magaling lumangoy si papa at rescuer sya. Alam nilang makakahanap sya ng paraan.
Kaya matapos ang halos isang araw, ng makita nila kami. Ako nakatali sa likod ni papa, akala nila pareho kaming buhay.
Tumatawatawa pa raw kasi ako nun ng makita sila.

Pagka angat nga lang nila samin sa tubig baha, nalaman nilang wala na si papa.
May sugat sya sa ulo na syang dahilan kung bakit sya nalunod. Sabi nila nawalan syang malay.
Yung taling pinangtali sakin ni papa sa likod nya sabi ni lolo katulad nung taling nakita nilang nakapulupot sa bewang ko nung gabing muntikan na kong malunod sa ilog.

Sa kabila ng mga nalaman ko, hindi ako nagalit kay mama. Kasi mama ko sya e kahit anong mangyari. Mahal na mahal ko si mama.

Paglipas ng ilang taon matapos kong malaman ang totoo, nagkasakit si mama. Inalagaan ko sya kahit itinataboy nya ko.
Tapos nung okay na sya, sinamahan ko namang umuwi dito sa pilipinas sila lolo.

Iilang araw pa lang ako dito nun, tinawagan ako ng kaibigan ko. Sabi nya patay na si mama. Yung bakasyon nila lolo pinutol agad nila. Bumalik kami agad agad sa amerika.
Nagbigti si mama. Nang ipakita nila samin yung taling ginamit nya sabay kaming naiyak nila lola.
Katulad yun ng umiilaw na tali. Sinisisi ko ang sarili ko kung bakit nya yun nagawa. Kasi nung may sakit sya. Kwinento ko sakanya yung tungkol sa umiilaw na tali.
Sabi ko naniniwala akong si papa yun. Umiyak nun si mama.
Sana hindi ko na lang kwinento sakanya. At ngayon, hindi ko na alam kung gusto ko pa bang paniwalaan na si papa ang nagliligtas sakin noon.
Kasi kung sya, bakit nya pinatay si mama?

Pyoks S.

SINDAK CHRONICLES THE COLLECTION Where stories live. Discover now