BABAE SA VIDEOKE

0 0 0
                                    


Ako po si Delia! Tuwing gabi ay palagi akong naghihintay dito ng update para sa bagong stories at nagbabasa muna ako dito bago ako matulog.

High school po kami ng ate ko nang mangyari itong kababalaghan sa buhay ko. First year high school naman ako at fourth year naman yung ate ko. Dahil bagong estudyante palang ako sa school na pinag-aaralan niya ay wala pa akong mga kaibigan. Kinikilala ko palang ang mga kaklase ko. Dahil may kalayuan po ang school sa aming bahay, nag bedspace po kami ni ate. Tuwing linggo ay gumagala ang ate ko kasama ang mga kabarkada niya, dahil ayaw nya akong mag-isa sa boarding house, isinama niya po ako. Pumunta po kami sa videoke house. Mahilig kasi kumanta ang barkada ni ate . Eto na ang naging bonding nila.

Kaunti lang ang tao sa videoke house dahil maaga pa naman. Sabi kasi na kapag lumalim na yung gabi ay dumadami na yung mga taong dumadating, karamihan ay mga lalaki dahil nagiinom sila. Kaya habang maaga pa ay sinolo na nila yung videoke. Bumili pa sila ng maraming token at pagkatapos nilang makapili ng kanta ay pinuno nila ito sa videoke. Talagang ayaw po nilang magpasingit.

Noong mga panahong po yun ay masasabi ko na pasaway yung barkada ng ate ko pero masaya naman silang kasama. Lima po sila.
Tatlong babae, isang lalaki at yung isa naman ay bakla. Mas maingay at mas masaya kapag may baklang kaibigan.

Habang nagkakantahan sila ay paunti unti na rin dumarating ang mga tao. Ang iba ay nakiki asosyo dahil talagang mahusay kumanta ang bakla nilang kaibigan. Nagulat ako ng makita na marami na palang nanonood sa pagkanta nila. Narinig ko kasi ang bulongan ng mga nakikinood na kumakanta na naman daw ang magaling na bakla. Kilala na pala yung kaibigan ng ate ko sa videoke house dahil sa husay niyang kumanta.

Mayamaya ay napansin ko na may dumaan sa harap na isang babae. Nakaputi sya  at may mahabang buhok. Nakayuko syang dumaan sa harap ng videoke na para bang nag excuse, pero nagulat ako nang bumagal yung lakad nya na parang naka slow
motion yung galaw. Nang bahagya siyang nakalampas sa videoke ay nakita ko ang screen na parang nawalan ng signal. Sandali itong nagloko. Nagtawanan ang mga nanonood dahil kanchaw nila ay hindi na kinaya ng videoke ang husay sa pagkanta ni bakla.

Sinundan ko po ng tingin yung babaeng dumaan. Pumwesto po sya sa may dulo ng mesa (bakante ang mesang yun), doon sya umupo. Parang napakaseryoso niya. Nakatungo yung ulo niya kaya halos nakabagsak ang buhok nya sa mukha.
Mahaba ang bangs niya kapantayan ng ilong. Ang tanging nakita ko lang ay ang kanyang labi na sa tingin ko ay itim na lipstick ang ginamit.
Nagtataka ako doon sa babae dahil  napakaputi niya, manghang mangha ako sa kutis niya (morena po kasi ako at gusto kong pumuti pero kahit anong gamit ko ng papaya soap at whitening lotion ay hindi naman umeeffect sa akin).

Bigla akong napatakip ng tenga dahil biglang nag ground ang mic. Napakatinis ng tunog nito, napakasakit sa tenga. Biglang nilapag ni bakla yung mic sa ibabaw ng mesa. Nawala naman kaagad yung matinis na tunog nito. Ilang sandali ay dinampot nya ulit yung mic dahil inutusan sya ng isa sa kaibigan ng ate ko na kumanta ulit, baka lang daw nagalaw ang mic.

Itinulot ni bakla ang pagkanta, mayamaya ay biglang nagloko yung kanta sa videoke, para itong pirated cd na tumalon talon. Agad naman pinuntahan ng may-ari ang videoke machine para tingnan. Inayos nya yung loob ng videoke, pagkatapos ay sinabing 'okay naman daw'. Iniabot nya ang mic kay bakla at sinabing subukan ulit. Pinahinto nila yung kanta para ang sunod na lang na kanta ang magplay, pero nagulat na lang kaming lahat na ang tumugtog ay yung kanta na inihinto.
Sinabi pa ng kabarkada ng ate ko na paki-stop dahil tapos na nga ang kantang yun. Nang pindutin ang stop ay nagulat kami dahil yun na naman yung kantang nagplay. Tiningnan namin ang nakareserve na numero. Isang numero lang ang nakareserve . Inistop ulit ito pero nandon parin. Hindi naalis yung nakareserve na kanta.

Nagtataka kami kasi alam naming may sampu pa kaming kanta na nakareserve pero isang kanta lang ang nandon at paulit ulit lang na bumabalik. Pinatay ng may-ari ang videoke at muling sinetup. Nang gumana na ito ay nakita namin na puno ang reserve at iisang numero lang ang naroon.

Kinilabutan na kaming lahat, mayamaya lang ay may bigla akong narinig na tumatawa sa may likuran. Lumingon ako at nakita ko yung babaeng nakaputi na sya pala yung tumatawa habang nakaturo pa yung kamay sa videoke. Napahawak pa ako sa damit ng ate ko at sinabihan ko syang umuwi na kami dahil hindi ko na gusto yung nangyayari.
Inginuso ko sa kanya yung nakita kong babae sa may dulo ng mesa pero nagtaka ako dahil ang sabi nya ay wala naman nakaupo roon pero KITANG KITA ko yung babaeng nakaupo sa mesang yun.

Hinatak ko na yung ate ko palabas ng videoke house at pagkatapos ay kasunod na pala namin yung barkada niya. Narinig pa namin yung mga taong nanood na bumalik daw kami sa susunod, nagloloko lang daw ang videoke. Gumala muna kami sa palengke at kumain sa karinderya bago kami umuwi ng boarding house. Nang nakauwi na kami, saka ko ikwenento ang nakita ko.

Hindi naman naniwala yung ate ko dahil hindi naman nya nakita. Nagkibit balikat na lang ako pero yung ate ko ay nanghihinayang dahil may natitira pa kaming kanta doon na hindi nila nagamit. Pero masaya na rin ako dahil baka kung nagtagal pa kami ay baka mas lalo pang magalit yung babaeng nakita ko. Inisip ko na baka ayaw na nyang kumanta si bakla, pero kung ano man ang dahilan nya... basta umalis na kami at ligtas kaming nakauwi.

Ngayon po mga kasindak ay may sarili na akong pamilya. Marami nang usong kagamitan ngayon kaya hindi na kailangan pang pumunta ng videoke house. Ang kaibigan pong bakla ng ate ko noon ay lagi nang naiimbita para maghost sa mga event ngayon. Mahilig parin po syang kumanta.

Hanggang dito na lamang po mga kasindak at marami pong salamat sa inyo!

SINDAK CHRONICLES THE COLLECTION Where stories live. Discover now