Chapter Forty

20 0 0
                                    

MAALIWALAS ANG PANAHON. Hindi mababakasan ng kahit anong kulimlim at ulan kahit gabi na, malamig rin ang simoy ng hangin na humahampas sa mukha ni Avyanna. Katulad ng kalagayan ng panahon ang nararamdaman niya ngayon. Maaliwalas at magaan. Wala ng kahit anong bigat sa dibdib. Malayo sa nakasanayan niya sa lumipas na mga taon.

Ang buong akala niya ay wala ng katapusan pa ang mabigat na damdamin. Ang buong akala niya habambuhay na lamang siyang may linilihim sa kanyang pagkatao, na kahit sino ay walang sinuman ang makakaalam.

Tumingala siya at napapikit. Muling sumilay ang magandang ngiti sa labi. Hindi na praktisado at pagpapanggap. Ngayon ay makakangiti siya ng totoo at tunay.

Lumawak ang ngiti niya sa labi ng maramdaman ang mainit at malaking bisig na pumulupot sa kanyang bewang. Liningon niya ito at matamis na nginitian.

"Boss Chief..."

"Anong ginagawa mo rito? Dapat nasa loob ka. Baka sabihin na naman ni Kuya Darren inaaway kita," may halong pagsusumbong sa tinig.

Natawa siya at pinanggigilan ang pisngi nito na kinangiwi ni Kier.

Isa pa sa nagpapasaya sa puso ni Avyanna ang pagtatatanggap ng kapatid niya sa relasyon nilang dalawa ni Kier. Tuluyan ng tinanggap ng Kuya Darren niya si Kier. Sa katunayan ay matagal na pala nitong tinanggap si Kier para sa kanya. Sadyang siya na lamang ang hinihintay nitong bumalik at muling makausap si Kier.

"Aray ko naman, baby! Ang sakit ah!"

Hinaplos-haplos pa ni Kier ang pisngi.

"Ikaw talaga puro ka kalokohan! Alam mo namang binibiro ka lang ni Kuya D. Atsaka di ba bati na kayo? Para na nga kayong mag-kumpare."

Umiling-iling si Avyanna dahil nagiging close na nga ang dalawa at parang siya pa ang third wheel sa dalawang lalaki. Mas madalas ay nagtatawanan at nagbibiruan. May mga pagkakataon pa ngang nagkakaroon pala ng inuman session ang mga ito kasama sina Nicco, Marco, at ang dalawa pang lalaking Dela Cruz.

Ngumisi naman si Kier at mas hinapit pa siya.

"Nagpapalakas lang kay bayaw."

Uminit ang pisngi ni Avyanna kaya imbes na ipahalata ay inirapan niya ito. Tinawanan lang siya ni Kier at humalik sa kanyang noo. Muli na naman niyang naramdaman ang pamilyar na tambol sa kanyang dibdib na tanging si Kier lang ang makakagawa.

"Kung maka-bayaw ka akala mo naman kasal na tayo," pagsusungit niya.

Pumungay ang mga mata ni Kier at hindi matanggal ang ngiti sa labi. Hindi rin nito inalintana ang pagsusungit niya.

"Doon din naman tayo papunta, baby. Siguradong-sigurado na ako sa 'yo."

Kinagat ni Avyanna ang labi at sinubsob ang mukha sa dibdib ni Kier para hindi nito makita ang pamumula ng kanang pisngi. Natatawang yinakap ni Kier ang nobya.

"Ako rin, Boss Chief, siguradong-sigurado na ako sa 'yo," mahina ngunit sapat na para marinig ng nobyo.

Siguradong-sigurado na si Avyanna. Sa lahat ng pinagdaanan nilang dalawa ni Kier, magkasama man o magkahiwalay, alam niyang si Kier ang paulit-ulit niyang pipiliin. Sadyang natabunan lamang ang parehong nararamdaman nila ng mga negatibong emosyon dahilan para lumayo ang loob nila sa isa't-isa.

"Hoy, lovebirds! Tama na 'yan! Malapit ng mag-start ang gig nila Avy. Hinahanap na rin 'yan ng mga kabanda niya. Sina mama at papa nakarating na rin."

"Tss, istorbo," inis na bulong ni Kier dahilan para mapangiti si Avyanna. Mabilis na hinalikan niya ito sa labi para mabawasan ang inis nito. Effective nga dahil muli itong napangiti at ngumuso. Natawa siya kaya pinagbigyan niya ulit.

Chasing Secrets (Dela Cruz Series #3)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon