Unang Kabanata: Mga Babalang Dala ng Ihip ng Hangin

5.1K 111 27
                                    

“Noong unang panahon, noong nabalot ang mundo sa kadiliman, pinasiklaban ng mga babaylan ang liwanag na tumapos sa karimlam. Kaya —”

            “Kaya po natin pinagdiriwang ang Haliya Festival para po sa alaala ng mga dakilang babaylan na nagligtas sa mundo. Opo Lolo Tacio; alam ko na po, paulit-ulit ninyo na nga po kinukuwento sa akin yan eh.” nagmamadaling awat ni Iya sa Lolo Tacio niya habang sinasaksak ng puwersahan ang paa niya sa sapatos. “Oh siya Lolo T, gotta go na me, bye!” sabay talon para makatayo sabay takbo palabas ng bahay.

            “Te-te-teka teka! Maria Haliya Esmelar, BUMALIK KA DITO!” bulahaw naman ni Lolo  Tacio na wala nang nagawa para awatin ang kanyang apo na nagmamadali at kumarimot pa ng takbo.

            Bakas sa mukha ni Tacio ang matinding pagkabahala. Hindi maitago ng mga gusot ng kanyang pisngi ang namumugto niyang pangamba na tila mayroon siyang matinding kinatatakutan.

            Nakadama siya ng biglaang pagkahapo, kaya mabagal itong naglakad para lumapit sa paborito niyang tumba-tumba upang maupo at mailunod niya ang kanyang sarili sa pag-iisip. Bitbit ng kanyang kanang kamay ang kanyang ulo na nakakalumbaba na tila pasan ang lahat ng alalahanin sa mundo.

            “Anastacio, hindi natin maitatago ang katotohan sa kanya habambuhay.” sambit naman ng isang batang babaeng nakaupo na nabuo mula sa puting usok na kumawala sa mga pagitan ng sahig sa ilalim ng tumba-tumba ni Tacio. Dali-dali itong tumayo para punasan ang kanyang likuran upang matanggal ang mga dumi na dumikit sa kanyang maputing bestida. “Anastacio, handa ka na ba?” malamig na tanong niya habang nakatitig na may kasamang gigil sa matanda.

“Lira, alam ko na dadating ang araw na malalaman ni Iya ang katotohan.” mabilis namang sagot ni Tacio sabay ganti ng titig sa bata. “Malaki na siya. Total labing-walo na siya ngayon. Baka sakaling maintindihan niya na —”

“Na isa siyang anak ng babaylan?” patudyo namang sagot ng bata, matapos niyang bitiwan ang titig sa matanda at nanunuksong naglalakad ng paikot-ikot sa silid. “Anastacio, masyado kang kampante na maiintindihan ka ng apo mo. Ganyan na lamang ba katindi ang takot mo na mangyari kay Haliya ang sinapit ng mga magulang niya? Ha, tumatanda ka na yata! Ano na lang ang sasabihin sa iyo nina Bastian at Nyebes kapag may nangyaring masama sa anak nila?”

“Lira!” sabay sigaw ni Tacio na may kasamang pagturo sa bata. “Ipinapangako ko, ipagtatanggol ko si Haliya, ikamatay ko man ito!”

Dahan-dahang itinuturo pataas ni Tacio si Lira na unti-unti namang lumulutang pataas kakumpas ng kung saan nakaturo ang daliri ng matanda. Napangiti na lamang ang bata na tila tuwang-tuwa pa noong tinapat siya ni Tacio sa ibabaw ng basurahan.

“Tumatanda ka na talaga, Anastacio.” wika ni Lira sabay hinga ng malalim. Umihip siya sa kanyang bibig at unti-unti muling naging puting usok na biglang lumutang pataas bago pa man siya malaglag ng tuluyan sa basurahan. Nagpagala-gala pa siya sa tahanan ng matanda habang ginugulo ang mga kagamitan na may kasabay pang mapang-asar na halaklak.

Nagdikit ang kilay ni Tacio. Dali-dali siyang napatayo, pumikit, at nagsambit ng mga katagang nakapagpatigil at nagpakaba sa usok na nagpagala-gala sa pamamahay niya.

“Lakan ng nagwawalang bugso ng damdamin….”

“TACIO! MADAYA KANG MATANDA KA! WALANG TAWAGAN NG MGA LAKAN!” natataranta namang tugon ni Lira na bigla nag-anyong bata upang magmakaawa. “Anastacio; sinasabi ko sa iyo, magaganap na ang Pangangalap —”

“Umihip sa aking samo ang hanging walang-hanggan...” pagpapatuloy naman ni Tacio na hindi inalintana ang paalala ng bata.

“Anastacio, naparito ako upang magbabala! Ingatan mo ang apo mo! Ngayon natin malalaman kung siya ay babaylan kagaya ng anak mo o ang hinihintay natin na dayang —”

“Ialay sa aking palad ang kapangyarihan! Halina, Galura! pagtatapos naman ni Tacio sa kanyang orasyon, na sinundan ng malalakas na bugso ng hangin na dumaan sa lahat ng maaring lagusan papasok sa tahanan. Pabulusok itong humampas kay Lira, binayo nito ang bata hanggang sa maging usok siyang muli at tuluyang nawala. Kasabay ng kanyang pagkawala ang pagtila ng hambalos ng hangin.

“Bastian, Nyebes, gabayan ninyo ang anak ninyo.” nagsusumamong bulong ni Tacio sa sarili habang nakatitig sa kalangitang madalim, simbolo ng pagpasok ng gabi.

Kabilugan ng buwan; tila isang sagisag ng isang hudyat para sa mga susunod na kaganapan.

May dalawang aninong naglalakad sa kubli ng kadiliman. Naghahanap, nagkukumahog, nagmamadali….

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon