Setenta y Kuwatro: Halik sa Hiliraw

972 44 16
                                    

Hi guys! Late ang pag-post ko ng update. Dapat noong Sabado ito pero dahil nanggaling ako sa Manila noon, nawalan na ako ng lakas upang ipost ang update. Nagpahinga ako kahapon kaya ngayon ko pa lamang ilalathala ang huling kabanata ng Dayanghirang. Muli, salamat sa inyong lahat! Sama-sama tayo muli sa Book 2!

Inaalay ko ang huling chapter na ito sa inyong lahat, kaya wala akong isusulat na dedication para dito. Salamat sa inyong lahat! :)

-Kuya Lawrence =)

-----                                                        

Nagwala ang mga kulintang, agong, tugo, nabir, kudyapi, luntang, gandang at kubing noong tumayo si Lilagretha mula sa kanyang kinauupuan. Mabilis na nagtungo ang rani sa gitna ng entablado at nagpahayag ng isang malakas na mensahe. “Umpisahan na ang pag-apir! Ipamahagi ang mga pamaymay sa mga kababaihan!”

Mabilis na nagtungo sa entablado ang mga katiwala ng reyna at nagbigay ng isang pares ng malalaking pamaymay na kulay pula at dilaw, puspos ng ginto at pilak na disenyo sa mga dalaga. Umalis sandali ang ma lalaki sa sayawan sapagkat sayaw ng mga binibini ang pag-apir. Matapos maibigay ang natatanging pamaymay sa rani, siya ang nagsimula sa pagsayaw ng pag-apir. Ang pag-apir ay isang sayaw na ginagawa sa mga kasiyahan, partikular sa mga pagtitipon at sa kasalan. Elegante, banayad, makulay; ito marahil ang makakapaglarawan sa sayaw ng mga kababaihan sa pangunguna ng rani ng Minolo. Sa bawat kumpas at indayog ng mga kamay ng mga kababaihan na sa mga pamaymay na tangan-tangan nila, nabuo ang isang patimpalak na bumusog sa mga mata hindi lamang ng mga kalalakihan maging pati na din ang lahat ng naroroon sa pagdiriwang.

Hindi maitago ni Sidapa ang kanyang pagkamangha sa husay ni Haliya sa pagsayaw. Bawat kibot at hakbang ng dalaga sa saliw ng musika ay nanuot sa memorya ng lakan. Tila nahuhumaling ang puso ni Sidapa habang tumatagal ang pagpapamalas ni Iya ng kanyang talento sa pagsayaw. Hindi sukat-akalain ng lakan na may taglay na husay at dunong sa sining ng organisadong pag-indak ang dalaga. Sa mga mata niya, si Iya lamang ang bukod-tanging babaeng nakikita ng lakan na nagtatanghal sa kanya. Lubhang natuwa ang binatang lakan sa pagsayaw ni Haliya.

 Ang mga matatamis na ngiti ni Sidapa ay hindi nakawala sa atensyon ni Haliya. Lalong ginanahan ang dalaga matapos niyang maramdaman na sa kanya lamang nakatingin ang lakan. Nanghingi na nang mas mabilis na galaw ang awitin ngunit hindi ito naging dahilan para mawala sa postura ang dalaga.

 Pabilis nang pabilis ang tugtog mula sa mga musikero kaya’t mula sa isang tuwid na linya ay hinati ni Lilagretha ang mga kababaihan sa dalawang pangkat. Tila lumilipad ang isang grupong habang pinaaalon naman ng kabila ang kanilang mga kamay na bumuo ng isang wangis ng balangay na naglalakbay sa asul na karagatan. Magaling na ginabayan ng rani ang lahat na umikot-ikot habang winawasiwas sa hangin ang kanilang mga pamaypay at makalipas ang ilang sandali, nagwakas ang pagtatanghal ng mga kababaihan. Naghiyawan at umulan ang masigabong palakpakan sa buong kapaligiran, gawa na din na kasiyahang nabigay ng kanilang sayaw sa madla.

Napatayo si Simeon mula sa kanyang kinauupuan at dumakot ng mga dahon mula sa piging. Bumulong siya sa mga ito at hinipan papunta sa entablo. “Bigyan pa natin ng kulay ang palabas na ito.”

Mula sa sayawan ay tumubo ang mga kawayan na naghanap ng mga kabiyak. Maayos na lumatag sa sahig ang halaman na matapos makahanap ng kaparehas ay sinamahan pa ito ng isa pang pares upang bumuo ng isang pa-krus na hugis. Kusang gumalaw ang mga ito gamit ang kapangyarihan ni Simeon sa halaman sa tulong ni Sfedat.

Imbis na matakot ay nagsitakbuhan patungo sa entablado ang mga kalalakihan upang magyaya sa mga dalaga sa sayawan. Mula pa lamang sa tono ng pagsasalpukan ng mga kawayan ay nabatid nila kung ito; ang himno ng singkil, isang sayaw na ginagawa ng mga prinsepe’t prinsesa. Kinakailangan ang talento sa pagsayaw at listo sa paghakbang sa mga kawayan sapagkat maiipit ang paa ng sino man kung sila ay maging pabaya.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon