Trente y Otso: Oh Aking Laguna

2.1K 60 40
                                    

Hiya! Happy 16k reads sa Dayanghirang! Dahil na-inspire ako ng mga komento and naka-inspire pala ako ng mga manunulat na magsulat, na-energized tuloy ako kaya't napaaga ang aking update! Salamat po sa lahat ng suporta ninyong lahat mga giliw kong voters, commentators at readers! I am really anticipating your comments and suggestions to help me improve Dayanghirang further. Kaya't ito ang isang mahabang update para sa inyong lahat, pambawi sa bitin na Chap. 37 :-)

Inaalay ko ang aking update sa isang bagong reader, si deniceerin (I am referring to the boyfriend reader, not the girlfriend who owns the account :p).

Teka, i-plug ko muna ang bagong akda ng aking kaibigan, si Siniphayo A.K.A. DakilangMandirigma. Kung gusto ninyo ng bagong bitaminang maglilinang sa inyong mga kamalayan, basahin ninyo ang kanyang akdang Bagwis Ni Paglaya. Hindi kayo magsisisi, pangako.

Oh siya, ito na ang update! :p

-Kuya Lawrence-

----

            Maingay pa sa pagsabog ng kanyon at mainit pa sa naglalagamlab na apoy ang pumupuno sa puso ni Laguna, na hindi lubos matanggap na nagpapatayan ang kanyang mga kapatid. Nais mang niyang awatin ang mga prinsesa ng Calamian ay hindi niya magawa.

            Mabilis na lumipad si Guadalupe sa langit at nagpaulan siya ng hindi mabilang na birada ng pinikpikan. Hindi pa nakuntento ang mangkukulam at kasabay ng pagtatapos ng kanyang atake ay lumikha siya ng bolang itim sa kanyang kanang palad. “Saturnina, hindi ka pa din nagbabago! Sakim ka pa din!” pagwawakas niya na sinundan ng pagbato ng bolang itim sa lupa. Dahan-dahang lumambot ang kinatatayuan ni Nina; nabitag siya sa isang kumunoy.

            Sumipol ng malakas si Ara; biglang pumutok ang kanyang katawan at naging isang kulumpon ng nakakalasong bubuyog. “Ate Nina, tama na!” mahina at sabay-sabay na wika ng mga maliit na insektong nagtataglay ng lasong pampatulog. Astang kukuyugin ni Ara si Nina.

            Hindi makagalaw si Nina; ulo na lamang niya ang nakalitaw sa kumunoy na mabilis na hinahatak pababa ang kanyang katawan. Papalapit na sa mukha niya ang mga nakakalasong bubuyog. Sa kahit saang angulo, sigurado na ang tagumpay nina Lupe at Ara.

            Isang orasyon lamang; ito ang pumawi sa kanilang tiyak  na pagkapanalo.

            “Manahan sa aking katawan; gagamitin ka panandalian, Loos Klagan!

            Pumutok ang lupa at niluwa nito si Saturnina. Sa sobrang lakas ng puwersa ng espiritwal na kapangyarihan ay nataboy ni Nina ang kulumpon ng bubuyog na katawan ni Ara. Lumilipad si Saturnina sakay ng isang malaking dahon ng bayabas. Walang saplot si Nina; naging kulay pilak ang buo niyang katawan at tanging makakapal na diyamante ang tumakip sa kanyang dibdib. Kulay graba ang kanyang bewang pababa at isang nagliliyab na kulay pulang rubi ang nagtago sa kanyang maselang bahagi. Lumilipad sa hangin ang kanyang buhok na naging purong kristal habang hawak-hawak ng babaylan ang isang punyal na kulay itim.

            “Mga kapatid ko kayo subalit hindi ko kayo maunawaan. Iyan,” habang nakaturo ang naka-halmistang Saturnina sa Calamian. “Wawakasan ko na ang mapait na tadhanang tumali sa ating angkan sa pinagkanulong bayang iyan!” at nagwakas si Nina sa pagsambit ng isang orasyong pumuno ng takot sa puso nina Lupe, Ara at Laguna.

            “Lakan ng pagpapatawad at kagalingan… Ibalot mo ako sa kapangyarihang walang-hanggan…”

            “Dito kayo sa likod ko, dali!” pagmamadaling utos ni Guadalupe sa mga kapatid.

            “Talikuran ang pagpapainam ng kalamnan; bigyang pagdudusa aking kalaban!”

            Winasiwas ni Saturnina ang kanyang punyal patungo kina Lupe na may hatid na isang puro at nakakakilabot na espiritwal na atake. Sakto namang gumawa ng matatag na itim na harang ang mangkukulam. Hiram ang kapangyarihan nina Laguna at Ara, nagawang mabuhay ng mga Tresmaria laban sa pagsalakay ni Nina. Tila humukay ng malaking butas sa paligid ng mga Tresmaria si Nina at tanging ang lupang kinatatayuan ng kanyang mga kapatid ang naligtas mula sa makapangyarihan niyang paglusob. Marahil kung hindi gumawa ng harang si Lupe ay naging sapat ang atake ni Nina upang umabot at wasakin ang kasunod na bayan sa hindi kalayuan.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon