Sinkuenta y Kuwatro: Ang Halimaw sa Banga

1.3K 46 9
                                    

Hiya guys! Gagawin ko ang lahat ng aking makakaya upang maipagpatuloy ang mabilis at maayos na pag-update sa Dayanghirang. Sorry for any typos I may have missed out habang nagsusulat ako, sana i-note ninyo sa comment kung may makita kayo para matulungan din ninyo akong mag-edit in the future. :)

Para ito kay Siniphayo na walang-sawa na nagkokomento at tumutulong sa akin na mag-edit sa Dayanghirang. Salamat salamat salamat sa lahat ng pagbabasa, pagboto, pagkomento at pagsuporta ninyong lahat!

-KUya Lawrence

----

            “ATAKE.” utos ni Sa-O sa mga mala-demonyong mga kamay na mabilis na bumulusok pasugod kina Haliya.

            “Manahan sa aking katawan; gagamitin ka panandalian, Galura!sambit ni Haliya sa orasyon upang mag-halmista gamit ang lakan ng hangin. Lumabas ang batang Haliya na mayroong ipit na balahibo ng manok sa kanang tenga at nakasuot ng mahaba at maluwag na puting pantaas at pambabang kasuotan na mayroong mga pahapyaw na butas sa iba’t-ibang bahagi nito. Lulan ng ipo-ipo na hugis agila, lumipad papunta sa langit ang dayanghirang at kumumpas ng malalakas na hambalos ng buhawi patungo kay Sa-O.

            “HARANG.” kalmadong wika ni Sa-O sa ibang mga mala-halimaw na kamay na tinakpan ang batang Kibaan sa pamamagitan ng pagsangga ng mga ito gamit ang kanilang mga palad. Nagkandaputol-putol ang mga kamay na ginamit bilang baluti ni Sao ngunit ang isang naputol na kamay ay napalitan ng dalawa pa; kaya’t imbis na mabawasan ay lalong nadagdagan ang mga kamay ng mahiwagang banga ng batang Kibaan.

            “Haliya!” na sinundan ng wasiwas ni Sidapa sa kanyang mga kadena sa kanyang kanang kamay upang igapos ang ibang mga malalaking kamay na pasugod sa dayanghirang. “Tignan natin ang galing mo!” sigaw ng lakan na marahas na pumadyak sa lupa at nagpakawala ng madaming kadena mula sa kailaliman ng mundo.

            Nilapag ni Sa-O ang banga na kanyang kalong-kalong at biglang lumiwanag ng matingkad na pula ang lupa. Nabigong lumabas ang mga kadena ni Sidapa! Labis na nagtaka nag lakan ngunit hindi na siya nagkaroon ng pagkakataong mag-isip kung ano ang nangyari dahil bigla siyang inatake ng mga kamay mula sa banga na maagap naman niyang naiwasan sa pamamagitan ng pagtalon ng mataas.

“Siya si Sa-O ng Mahiwagang Banga, isa sa mga miyembro ng Konseho. Mag-ingat kayo,” babala ni Simeon matapos dumampot ng buto ng halaman sa kanyang kaliwang blusa. Nilaro niya sa kanyang mga kamay ang mga butil at bigla itong tinapon patungo sa batang Kibaan. Gamit ang kanyang pulseras na bertud, ang Taphagan, inutusan niya ang mga halaman. “Igapos ninyo!” sigaw ng doktor.

Mabilis na tumubo at naging higanteng mga ahas ang mga halaman ni Simeon. Pumulupot ang mga ito sa mga kamay na mula sa banga at biglang nilabasan ng mga tinik sa katawan nito. Lubhang napinsala ang mga kamay at tila nalason mula sa dagta ng makamandag na halaman ng babaylan ni Sfedat.

This is one battle after another!” reklamo ni Selina na nakalahad ang mga kamay sa kanyang bibig. Sinundan ito ng pamumuno ng isang maliit na bloke ng yelo sa kanyang palad. “Oh well, no use complaining anyway!” pagtatapos ni Leena sabay titig sa tipak ng yelo. Kuminang ito at makalipas ang ilang sandali, hinipan ito ng babaylan ni Amansinaya. Nalusaw ito at mabilis na naging mga dambuhalang punyal na niyebe na walang-habas na nilusob si Sa-O.

“Ipagkatiwala na ninyo sa amin ang halimaw na ito; may mas mahalaga kayong misyon na dapat gampanan, Haliya.” Utos ni Lilagretha sa dayanghirang. Labis na naging kakaiba ang presensya ng rani; ito ang unang pagkakataon na nakita nina Iya, Rosendo, Venus at Sidapa na nawala ang malamig na disposisyon ng reyna ng Minolo sa isang laban. Dumagungdong ang langit at bigla itong nagbagsak ng malaking tore ng kidlat mula sa alapaap. Nagmistulang dragon ang hugis ng kidlat at sinakyan ito ni Lilagretha. “Umalis kayong lahat sa dadaanan ko; bubuksan ko ang lagusan patungo sa mausoleo ni Amansiya!”

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon