Sesenta y Nuwebe: Ang Unang Bertud

903 43 27
                                    

Hi guys! 85k reads na pala tayo! Salamat po sa suporta ninyong lahat sa Dayanghirang! :) I am giving out this update to @iyaktawalang; ayan, wish granted ;-) Salamat po sa walang-sawang suporta ninyo sa akin at sa Dayanghirang! Malapit na ang inaabangan nating pagsasalpukan ng kabutihan at kasamaan! PARATING NA ANG KATUPARAN SA NAPAGKASUNDUAN!

----

            “Halika, lumapit ka sa akin, dayanghirang…”

            Ang loob ng aserong palasyo ay puno ng iba’t-ibang sandata na yari sa bakal at ginto. Marahil yayaman ang kahit sinong mangangahas nakawin ang lahat ng mga ito kung hindi dahil sa mga sumpang nilapat sa mga yaman ng mausoleo. Taliwas sa malawak na palasyo sa labas, ang totoong laki ng mausoleo ay katulad lamang ng isang maliit na silid. Makakapal ang mga ginamit na materyal sa palasyo kaya’t nagmukhang magarbo ang naturang gusali. Mula sa hindi kalayuan ay natanaw ni Haliya ang isang malaking estatwa na gawa sa asero na may hawak na malaking martilyo habang nakaupo at tila nagpapanday ng isang sandata. Napuno din ng kakatwang awit ng mga babaylan ang silid ni Kadakalan ngunit may bahid ng lungkot at pighati ang bawat tinig na namumutawi mula sa labi ng lakan.

            Nilapitan ni Haliya ang anito at marahang hinawakan ang katawan nito. “Kadaklan.” sambit ng dalaga sa estatwa na biglang gumalaw at pinalo ang ginagawang sandata gamit ang martilyong hawak nito. Mula sa sandata ay kuminang ang isang puting liwanag at doon ay nabuo ang isang lalaki na malaki at matipuno ang katawan, moreno, balbas-sarado, walang pantaas na saplot at tanging bahag lamang ang pambaba na kulay pula at ginto. Maraming suot na ginto at pilak na ornamento sa braso, balikat, leeg, tenga, dibdib, tiyan, hita at paa ang naturang lakan at tangan ng kanyang kanang kamay ang isang dambuhalang martilyo na yari sa pilak at tinumbaga.

            “Kadaklan…” bulalas ni Sidapa sa lakan ng mga asero matapos mabuo ang katawan nito mula sa puting liwanag ng anito.

            “Sidapa, nakikita ko sa iyong mga mata na hindi mo pa naaalala ang tunay na dahilan kung bakit pa din tayo nabubuhay sa mundong ito.” umpisa ni Kadaklan na matapos magsalita ay tila nanghina at unti-unting nabawasan ang brilyo mula sa ilaw ng kanyang anito.

            “Anong nangyayari, Kadaklan?” nag-aalalang tanong ni Haliya sa lakan ng asero.

            “Mahina na ako, dayanghirang. Matagal kong pinagtanggol mula sa mga nangahas pumasok sa aking mausoleo ang aking martilyo. Marahil ngayon ay naisip na ninyo na isa akong panday. Bukod sa pagiging panday, ako, kasama ang iba pang mga lakan at lakambini, ay lumikha ng mga mahiwaga at makapangyarihang mga sandata na puspos ng espiritwal na kapangyarihan. At ang mga ito ay ang bertud.” pahayag ni Kadaklan na biglang napaluhod matapos magsalita.

            Inalalayan nina Haliya at Sidapa ang katawan ni Kadaklan ngunit tumagos lamang ang dalawa sa kaluluwa ng lakan. “Magpahinga ka muna, Kadaklan. Kailangan pa—” at hindi na natapos ni Haliya ang kanyang sasabihin dahil pinutol na siya ng lakan ng asero.

            “Hindi maari, dayanghirang. Ito na ang huling pagkakataon na makakapag-katawang tao ako gamit ang lakas ko. Sa katunayan, wala na akong kakayahang biyayaan ka pa ng kapangyarihan sa mga asero. Mawawalan ako ng kakayahang magbahagi ng lakas kay Bidasari kung ibibigay ko din sa iyo ang aking kapangyarihan. Isang halmista; isang pagkakataon mo lamang ako maaaring matawag, dayanghirang. Tanging isang bertud na lamang ang maibibigay ko sa iyo. Mula sa aking martilyo, makikita ninyo ito sa loob ng hawakan na may lihim na sisidlan. Iyon ang unang-unang bertud na aming ginawa. Gamitin mo ang bertud na nakuha mo mula kay Sirinan upang matuklasan mo mga gunitang nakatago doon.” pagpapatuloy ni Kadaklan na unti-unti nang nalulusaw patungo sa kawalan.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon