Trenta: Halmista at Saturnina

2.5K 59 35
                                    

Wow! 6k reads na ang Dayanghirang! Salamat po sa inyong suporta at sana 'wag po kayong bibitiw! Sa kabila ng bagal ko sa pag-update sana maintindihan ninyo po ako at salamat sa masusi at walang-sawang paghihintay! I will make sure that your wait will always be worth it! Inaalay ko ito sa isang taong matagal nawala sa aking kuwento, si nicnicnicnic, sana maibigan mo ito aking kaibigan! Enjoy!

----

            “Walang mangyayari sa atin. Tawagin mo ako upang makita mo ang kapaligiran…”

            Tumango si Haliya at nagsambit ng, “Kidu.”

            Mula sa trono ay nabanaag nina Haliya at Sidapa ang babaeng nakaupo dito gamit ang pagpapailaw ng kapaligiran sa papamagitan ng kidlat ni Kidu. Binasag ng mga kidlat ang kisame at ang mga tore ng liwanag ang sumira sa kadilimang bumalot sa silid.

            “Nakakapagtaka… Hindi niya inuutusan ang mga lakan? Bagkus, sila ang kusang loob na nagpapahayag ng kanilang nais gawin. Nakakapagtaka talaga. Nais kong makita kung ano ang pinagkaiba mo sa ibang babaylan, dayanghirang.”

            Tumayo si Guadalupe mula sa trono at naglakad pababa patungo kay Haliya. Mahaba at umaalon ang kanyang itim na buhok na sumasayad sa lupa. Puspos ng itim na diyamante ang kanyang ipit na ornamento at tinatakpan ng kanyang kanang bangs ang kalahati ng kanyang mukha. Kakulay ng bilog na buwan ang kanyang mata at katulad ng hapis na buwan ang tabas ng kanyang ilong. Nakasuot ang mangkukulam ng itim na bestidang bumabagay sa kanyang mestiza at balingkinitan na katawan. Lumalawit mula sa kanyang hikaw at sa tawil ng kanyang kwintas ang tatlong bituin na magkakadikit. Hawak ni Guadalupe ang sutla ni Iya.

            “Magaling, dayanghirang. Pinapahanga mo ako sa iyong kapangyarihan. Ako si Guadalupe, ngunit maari mo akong tawaging Lupe. Hindi pa ako nagtatapos sa aking pagsukat sa iyong kapangyarihan,” na sinundan ng pagtaas ni Lupe ng sutla ni Iya sa hangin habang nagsasambit ng isang orasyon.

            “Iyan ang—Tumigil ka, mangkukulam!” sigaw ni Sidapa na mabilis tumakbo patungo kay Lupe na sinundan ng malakas na hambalos ng kanyang kadena patungo sa bruha.

            “Tawagin mo ako, dayanghirang…”

            “Galura,” sambit ni Haliya na sinundan ng pagbulusok ng malalakas na hambalos ng hangin papasok sa silid.

            “Inaalay ko sa inyo, mga kaluluwang gala at tuluyang naulila… Dugo’t laman ng nagmamay-ari nitong sutla… Basagin ang tanikala ng dimensyon at panahon… Pawalan ang lakas ng mga nangamuhay kahapon!”

            Matapos magsalmo ng orasyon ay pinalibutan ng itim na usok si Lupe. Bawat indayog ng kamay ng mangkukulam na tila bumabato ay sinasabayan ng paglipad ng mga kaluluwang itim na may hawak na butong punyal. Winasiwas ng batang Galura gamit ang hangin ang mga atake ng mangkukulam. Wala namang magawa si Sidapa habang hinahataw ng lakan ng kawalan at kawakasan si Guadalupe. Laging pinagtatanggol ng itim na harang ang mangkukulam kaya’t wala pa itong natatamo na kahit anong pinsala mula sa laban.

            “Hindi pa ako nagtatapos, dayanghirang!” na sinundan muli ng isang orasyon ni Lupe:

            “Ipamalas ang galit ng kamatayan… Bumangon muli sa mapait na himlayan… Iahon ang mga kamay ng kadiliman, hatakin ang dalaga patungo sa kanyang katapusan!”

            Isa-isang nagpulasan mula sa sahig ang maraming kamay na tila naghahanap ng hahatakin pababa sa ilalim ng lupa. Mabilis namang pinaulanan ng kidlat ang mga kamay ngunit tila hindi ito nauubos kahit madami nang atakeng ginawa mula sa kalangitan si Kidu.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon