Trente y Singko: Dalangin ng Kapayapaan

2.2K 52 38
                                    

Hello po sa inyong lahat ulit! Naku, nakakatuwa naman kasi 12k reads na tayo! Salamat sa walang hanggan ninyo suporta at abot-langit ninyong pag-unawa sa aking kakulangan ng kakayahang mag-update ng mabalis. Mabuti na ang mabagal pero maayos kaysa naman sa mabilis subalit padalos-dalos hindi ba? (kapal ng mukha nagpalusot pa, haha).

Para kay @killua_chibi na napangakuan ko ng dedication na aking nakalimutan, ito na ah naalala ko na. Sana mabasa mo ang Dayanghirang at makahabol ka sana sa latest update. Sana maibigan mo. :-)

Thank you! Kapit kayong lahat ng matindi at malupit! Hindi na ako magtitimpi sa mga susunod na kabanata. Maghaharap-harap na silang lahat! Abangan!

--Kuya Lawrence :-) --

----

            “LAGUNA!” pabulahaw na sigaw ni Guadalupe sa pag-asang mapipigil niya ang matulin na pagtakbo ng kanyang kapatid.

            Pumikit si Ara at kinumpasan ang mga kulisap na lumilipad sa himpapawid. Sinundan ng mga insekto si Laguna. Lubos na nag-aalala ang mambabarang sapagkat ito ang unang pagkakataon na nakita niya na nawala ang kalmadong postura ng kanyang kapatid.

            Nabulag ng takot ang katauhan ni Laguna. Labis na nangangamba ang mananambal sa kalunos-lunos na sinapit ng kanyang mga kababayan. Bigla niyang naalala ang napag-awayan nila ni Guadalupe sapagkat ito ay lubhang nakabagabag sa kanya.

            “Wala na si Saturnina. Kalimutan na ninyo na mayroon kayong mas nakakatandang kapatid. Iniwan niya tayo. Pinabayaan niya ang Calamian at ngayon isa pa siya sa mamumuno na sirain ang bansang pinaghirapang itaguyod ng dating reyna, ang ating ina,” pagrarason ni Guadalupe. Madaling mapa-oo si Ara, ngunit iba ang usapan pagdating kay Laguna.

            “Gusto mo ba talagang ipagtanggol ang Calamian, o nais mo lang makaganti kay Ate Nina?” sambit ni Laguna na may kasamang seryosong titig ng pagtatanong.

            “LAGUNA!” nagngingitngit na sigaw ni Lupe na sinundan ng pagbulusok ng isang itim na harang sa paligid ng mangkukulam.

            “Ate Lupe, Laguna,” pagitna ni Ara. “Itigil natin ang walang-saysay na alitan na ito.”

            “Tama ka, Ate Ara. Itigil na natin ang walang katuturan na alitang ito. Kausapin natin si Ate Nina. Naniniwala ako makakausap natin siya ng maayos.” sagot ni Laguna na walang pakielam kung ang kanyang mga kataga ay lalo pang makakapagpasidhi sa inis ni Lupe.

            “LAGUNA! HANGGANG KAILAN KA BA MABUBUHAY SA PANAGINIP! HINDI NA MAGBABALIK PA SI SATURNINA! AT KUNG SA TINGIN HINDI MO KAYANG HUMARAP SA KANYA MAIWAN KA NA LAMANG DITO SA CALAMIAN!” marahas na sigaw ni Lupe na sinundan ng pagpapakawala niya ng itim na harang sa kanyang katawan na lumamon sa mangkukulam upang makaalis na siya sa wala nang direksyon na pag-uusap.

            “Ate Lupe, teka lang!” paghahabol ni Ara na biglang sumabog ang katawan na naging hindi mabilang na mariposa upang sundan si Guadalupe.

            Tutop-kamay at napapikit si Laguna habang nagmamadaling magtungo sa tinutupok na bayan. Kinakabahan ang mananambal sa kung ano man ang sinapit ng pupuntahan niya at lalo siyang binalot ng pagkabahala noong bigla niyang naalala ang huling habilin sa kanya ng dating reyna ng Calamian.

            “Laguna, makinig ka sa akin… May namumuong kadiliman sa puso ni Saturnina; natatakot ako para sa kanya… Mapusok si Guadalupe at madaling masira ng galit ang kanyang kakayahang magpasya ng maayos… Mahina ang loob ni Arayat; hindi niya kayang magdesisyon para sa kahit ano... Ikaw na ang bahala sa mga kapatid mo, Laguna… Ito, ang huling hiling ko sa iyo … Alagaan mo sila at ang bansang labis kong minahal…”

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon