Ikalawang Kabanata: At Tinawag Siyang Dayanghirang

3.9K 90 21
                                    

“Doon naman tayo, Venus!” nananabik na wika ni Iya habang hatak-hatak niya ang kanyang BFF na mukhang nasusuka na magmula pa noong matapos silang sumakay sa roller coaster.

            “Iya….” nanghihinang tugon naman ni Venus na lupaypay na sa sobrang pagod. Kung maari lang ay kakaladkarin na niya ang kanyang mga paa para lang makalakad. Hindi niya ma-take na na-wasted siya sa mga pinagsasakyan nila. “Iya, hindi ka pa ba pagod? Lupit mo naman, ang dami na nating napuntahan sa carnival eh. Pack up na tayo!” nagmamaktol na reklamo nito.

“Ay, ano ba ‘yan! Birthday na birthday ko ang KJ mo!” sagot naman ni Iya habang hinahatak ang kaibigan niya.

“Umuwi na tayo…” nagmamakaawang sagot naman ni Venus na halos magpabigat na para lang hindi madala ni Iya sa kung saan pa nito gusto pumunta.

Napukaw ang atensyon ni Iya sa isang stall sa hindi kalayuan. Pakiramdam ng dalaga ay hinahalina siya ng kanyang nakita upang ito ay kanyang puntahan.

“Ateng! Kumain na tayo kanina ah, wala ka bang pakielam sa figure mo?” banat naman ni Venus sabay sabi, “Hay naku; paupuin mo muna ako dito, pahinga muna ako.” habang nakakapit pa sa bench na nagmistulang malambot na unan sa mabango na kama.

“Ewan ko sa iyo, Venus! Eh hindi naman ako kakain ulit eh!” depensa naman ni Iya sabay turo, “Doon, doon ko gusto pumunta! Saan ka ba kasi nakatingin kanina ah?”

Zenaida Latomas…” nagtataka namang basa ni Venus sabay isip. Mula kasi sa disenyo ng stall ay mababakas ng kahit sino man na makakakita nito na iyon ay isang lugar ng manghuhula. “Ateng, masasayang lang anda mo diyan. Mabuti pa ibili mo na lang ng pagkain ni Lolo T 'yang pera mo. Giba ka doon kapag wala kang panuhol sa kanya! Naku, ginabi ka pa naman ngayon.” pananakot pang dagdag nito.

“Ano ka ba, Venus! Bitter ka naman masyado. Hindi naman ako kakainin ni Lolo T ngayon, birthday ko kaya,” pagbibida namang tugon ni Iya. “Saka once in a while lang naman ‘to no, baka magkaroon na ako ng love life this year.” pahabol pa niya habang pangisi-ngisi pa.

“Bahala ka nga, Iya! Don’t tell me later na hindi kita pinigilan! Touch move ‘yan!” sagot naman ni Venus sabay bugaw sa kaibigan gamit ang kanyang kanang kamay. “Go ahead! Lumalalim na ang gabi, may curfew pa ako!”

“Oo na, ito na nga oh naglalakad na!” sagot naman ni Iya na dali-daling nagtungo sa stall.

 ----

Kapansin-pansin ang mga kakaibang simbolo sa loob ng stall. Matagpuan dito ang iba’t-ibang ornamento na kakaiba sa mata katulad ng mga bungo ng hayop; mga buto na mistulang nanggaling sa tao; mga kakaibang halaman na hindi pangkaraniwang nakikita at mga librong nakalimbag sa isang wikang hindi maintindihan. Napapalibutan ang loob ng silid ng mga itim at puti na kandila na tila sumasayaw ang mga apoy nito sa indayog ng masayang musika na bumalot sa buong karnibal. Matatagpuan sa loob ang isang maliit na lamesa at ang isang matandang babae na nakabis manghuhula na tila inaabangan ang pagdating ni Iya na may kandong pang itim na pusa na napakasarap pa ng tulog sa kanyang hita.

“Uhm, magandang gabi po —”

“Halika, maupo ka.” wika bigla ng matanda. Itinuro niya ang upuan at naupo naman si Iya dito. “Ako si Zenaida Latomas. Alam ko ang dahilan kung bakit ka naparito.” mahinahon niyang sabi habang hinihimas ang alaga niyang pusa na tila naaliw sa kanyang ginagawa. “Sige, ilapit mo sa akin ang iyong mga kamay.”

Iniabot naman ni Iya ang kanyang kamay sa matanda. Napansin niya na tila nabalisa ang matandang babae matapos nitong hawakan ang kanyang kamay. Si Zenaida ay umiiling habang nakapikit na mistulang may mga nakikitang hindi kaaya-kaya sa pagkakasara ng kanyang mga mata. Biglang nakadama si Iya ng matalas na pagdaloy sa kanyang kamay na tila siya ay nakuryente sa hindi malamang dahilan. Nais man niyang hatakin ang kanyang kamay papalayo ay hindi niya ito magawa dahil sa higpit ng pagkakahawak sa kanya ng manghuhula. Pakiramdam niya ay naka-posas ito sa lamesa. Biglang nagising ang itim na pusa sa hita ni Zenaida. Napatalon ito sa sahig at dali-daling tumakbo papalabas. Lalo itong nakadagdag sa takot ni Iya.

Narinig ni Iya na nagbibigkas ng mga salitang hindi maintindihan si Zenaida. Gumatong pa ito sa takot niya. Hindi niya maipaliwanag ang mga sumunod na naganap.

            “Decem et octo annorum somni…. Decem et octo annorum vigilans vim…. Frigidus et dura sub velo a noctesque…. Naturam ipsam videre, da mihi caelum oculos!”

            Winasak ng isang hiyaw ng babae na tila galing sa ilalim ng lupa ang ingay ng kasiyahan. Natahimik ang kapaligiran. Dumagungdong ang puso ni Iya sa kaba. Sinabayan pa ito ng pagtakip ng kadiliman sa kalangitan, kahit ang liwanag ng buwan ay hindi nito pinalagpas. Umihip ang malamig na hangin na dahan-dahang dumampi sa batok niya. Lalo siyang hinawakan nang mahigpit ni Zenaida at hinatak siya nito papalapit.

            Nang dumilat si Zenaida ay wala na ang itim na parte ng kanyang mata. Nagmistulang salamin ang kanyang mata na tila nakikita na ni Iya ang kanyang kaluluwa. Bigla itong nagsalita na ibang-iba sa tono sa boses ng manghuhula kanina:

            “Parating na ang katuparan sa napagkasunduan…. Ihanda ang daanan ng dayanghirang…. Ang pangako ng mga babaylan ay maisasakatuparan…. Lakan at Lakambini, magbigay-galang!”

            Nagsimatayan ang mga kandila ng sabay-sabay kasunod ng pagkahimatay ni Zenaida. Napasigaw si Iya sa sobrang takot at napatakbo papalabas. Bumangga siya kay Venus na nagulat sa aligaga at balisang hitsura ng kanyang kaibigan.

            “Ateng, bakit, anong nangyari?” tanong ni Venus sa kaibigan habang inaalog niya si Iya upang mawala ang pagkataranta nito at maibalik siya sa katinuan.

            Hindi naman nakasagot si Iya na ang tanging tugon lamang ay balde-baldeng luha. Kumawala siya sa pagkakahawak ni Venus at tumatakbo papalayo. Hindi niya malimutan ang nakita niya sa mga mata ng matandang manghuhula.

            Sa mga mata ni Zenaida, nakita ni Iya na hawak-hawak niya ang kanyang Lolo Tacio na naliligo sa sarili niyang dugo at wala nang buhay.

            Nagdiriwang ang dalawang aninong ikinubli ng kadiliman ng gabi. “Sa wakas, natagpuan na natin ang dayanghirang….”

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon