Bente Siyete: Mananawal

2.5K 60 32
                                    

I dedicate this chapter to lostandfoundballpen :-) Sorry po sa delayed update, natali kasi ako sa trabaho. Sana magustuhan ninyo and will be waiting for your critics and constructive comments. Thanks :-)

 ----

            Kumakayod ang kinalawang na kadena sa luma at uugod-ugod na bakal na gulong ng tren. Nakakangilo ang nakakaasiwang tunog ng kiskisan at kung hindi dahil sa malalim na tulog nina Dr. Simeon at Selina, malamang naperwisyo ang dalawang babaylan sa nakakainis na ingay na likha ng dalawang hukluban at nanggigitatang makina.

            “Sarry, ano ang mga babaylan?” tanong ni Duja sa kay Sarry habang humihigop siya ng mainit na kape at taimtim na tumitinig sa kanyang kaibigan. Dumadalangin ang dalaga ng maayos at madaling maintindihan na kasagutan.

            “Ang mga babaylan ang mga dakilang tagapangalaga ng espiritwal at mortal na mundo. Nahahati daw ang sanlibutan natin sa tatlong kaparangan; ang langit o Kaluwalhatian na pinamamahayan ng mga kaluluwa, ang kalupaan na territoryo ng mga mortal at elemental, at ang impiyerno o Kasamaan na balwarte ng mga demonyo at lamanlupa. Pinaniniwalaan na ang lugar kung saan malayang nagtatagpo ang tatlong kaparangan ay ang ating mundo, ang mundo ng mga buhay. Ang responsibilidad ng mga babaylan ay panatilihin ang balanse sa pagitan ng tatlong kaparangan. Kaya’t biniyayaan tayo ng kapangyarihan ng mga magigiting na babaylan, ang mga lakan at lakambini, upang ipagtanggol ang mundo lahat sa pinakamasamang nilalang; ang dayanghirang, ang sinumpang babaylan. Tayo ang mga Tagapagbando ng mga Mundo, the Heralds of Heaven, Earth and Hell.

            “Dayanghirang?”

            “Oo, ang dayanghirang ang pinakamasamang babaylan na nabuhay. Siya ang madrasta ng langit, lupa at impiyerno. Isa siyang nilalang na lubhang makapangyarihan, sa sobra lakas niya ay nasakop niya ang tatlong kaparangan. Kung hindi dahil sa labing-anim na lakan at lakambini na pumigil sa kanya sa Bundok Haliya ay balot pa din siguro sa kadiliman ang sanlibutan.”

            Nanahimik si Duja at nakadama si Sarry ng mabilis na pagbabago mula sa kinikilos ng kaibigan. Naalala niya bigla ang dahilan kung bakit nagpalit kalagayan ang dalaga.

            “Urduja, bakit ba ‘di kayo magkasundo ng kapatid mo?” nang-uusisang tanong ni Sarry.

            “Siya ang dahilan kung bakit nasira ang pamilya ko. Kung hindi dahil sa katangahan niya buhay pa ang mga magulang namin. Kung hindi dahil sa kanya hindi naaksidente sina nanay at tatay para lang ipagtanggol siya. Kung hindi dahil sa kanya hindi ako nalayo sa Lolo Tacio ko. Na-adopt ako ni Tita Leena dahil wala daw kakayahang bumuhay ng dalawang bata si lolo. Pero ang totoo, sinulsulan ng demonyita kong kapatid ang lolo ko para siya ang kunin at hindi ako. Nainis ako kay lolo pero naiintindihan ko siya, ginulang siya ng demonyo kong kapatid. Napatawad ko na si lolo, pero kapag malaman-laman ko lang na may mangyari sa kanya--”

            Lumiyab ang upuan ni Duja. Nasunog ang goma sa armchair ng bangko at kung hindi dahil sa pagtawag ng yelo ng kanyang katabi na si Selina ay marahil natupok hindi lamang ang kinauupuan ni Urduja pati na din ang buong tren.

            “Mag-ingat ka, Urduja. Nakatali sa iyong emosyon ang lakambini ng apoy, si Lalahon. Bagamat siya ay ang lakambini ng kabutihan, nagagatungan din ng galit ang pagpapalakas sa kakayahan mong gumawa at magpasiklab ng apoy,” dagdag pa ni Selina. “Ito ang dahilan kung bakit ko gustong mawala ang kapangyarihan mo. Delikado na isa kang babaylan ng Panglima at kung hindi mo kayang mapangalagaan ito, malaki ang pagkakataon na masaktan mo ang sarili mo at maging na din ang ibang tao. Gagawin ko ito para na din sa iyong kabutihan.”

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon