Kuwarenta y Tres: Ginoong Ganay

2.1K 59 36
                                    

Yes! Nakapag-update din ako! Dapat kahapon ko pa ito ilalagay ngunit dahil isang buong araw kaming nawalan ng internet connection ay nahuli tuloy at ngayon ko lamang siya nailagay. Kahit holiday walang day-off (shrug).

Wow, 27k reads na pala tayo! Salamat po sa suporta ninyong lahat! So far, ito ang PINAKAMAHABANG update ko sa dayanghirang kaya't sana ito ay inyong maibigan.

Muli, ipapaalala ko lang, may writing contest dito sa Wattpad. Magandang pagkakataon ito upang malinang ang ating kakayahang magsulat, bukod pa sa maganda ang mga premyo, hehe. I-follow ninyo si TheGreatFive (followed ko siya) for more detail. Till 19 April na lang ang submission of entries! Pasa tayo! :)

Inaalay ko ang aking akda kay@ErolRics; salamat sa paglagay ng Dayanghirang sa iyong recommended list!

Oh siya, update na, now na!

-Kuya Lawrence

----

            “Rani…”

            “Sabihin mo ang totoo, mananambal.” Madiin na utos ni Lilagretha habang masidhing nakatitig ang kanyang mga mata sa pinakamataas na manggagamot ng Minolo.

            “Opo, rani. Ikinalulungkot ko po, ngunit ang inyong edad ay hindi na katulad noong panahon na kayo ay lubhang makapangyarihan pa. Sa kasalukuyang kalagayan po ninyo ay maari po ninyong ikamatay ang paggamit ng halmista, kahit isang beses lamang. Ang sanhi po nito ay ang paggamit ninyo ng inyong kapangyarihan, ang kurtinang kidlat ang Minolo, araw-araw ng walang hinto upang ipagtanggol ang ating bansa. Maaring hindi na po kayanin ng inyong katawan ang lahat ng bugbog na natatamo nito sa pag-abuso po ninyo sa inyong lakas pisikal, mental at espiritwal.”

            Umiling ang ulo ni Lilagretha upang makalimutan niya ang gunitang bigla na lamang niya naalala. Taon. Tatlong taon na niyang ginagamit ng walang tigil ang kanyang kapangyarihan upang mapanatili ang kurtinang kidlat ng Minolo. Ito ay isang harang na kanyang ginawa upang hindi basta-basta mapapasok ng kahit na sinong masamang nilalang ang kanyang bansa. Kapalit ng pagtatanggol sa Minolo ang malaking dagok sa kanyang espiritwal na lakas. Naging maamong tupa ang mabagsik na halimaw ng Minolo. Hindi ito pinahahalata ng rani ngunit lubhang naapektuhan ang kanyang kapangyarihan. Kung naroon lamang ang isa pa niyang anak upang tulungan siyang ipagtanggol ang Minolo. Marahil hindi masasadlak sa ganitong klaseng suliranin ang rani.

            “Hanggang kailan ka tutulala sa hangin, rani!” sigaw ni Kasimira habang marahang tinataas pahalang ang kanyang mga kamay. Namuo ang isang malaking butas sa likod ng heneral na biglang nagliyab. “Lipad! Sunugin ninyo lahat!” utos ng Apoy ng Silangan na sinundan ng pagpapakawala ng hindi mabilang na nag-aalab na palaso.

            “Hindi dahil sa bawal akong mag-halmista ay hindi na ako makakalaban! Nakakapagtaka ang diyamante sa dibdib mo, Mira. Sarangay? Hindi kaya—? Pero upang makasigurado ako,” maingay na pag-iisip ni Lilagretha sa sarili habang nag-iisip ng paraan kung paano tutugon sa pag-atake ni Kasimira. Umusal na lamang ang rani. “Kidu.”

            Bumagsak ang malaking tore ng kidlat mula sa kalangitan. Mula sa nakakasilaw na pagbaha ng liwanag ay lumabas ang isang binatang may tamang katangkaran at moreno ang kutis. Hanggang balikat ang kanyang tuwid at itim na buhok at matalas ang kanyang mga mata na tila nagkukuryente sa lisik. Mula sa batling na matatagpuan sa pareho niyang tenga ay umaagos pababa ang telang yari sa ginto na bumuo sa kanyang pantaas na damit samantalang pantalong kulay tanso naman ang kanyang pambaba. Winasiwas ng nilalang ang malaki at mahaba niyang tansong sibat na gumawa ng pader ng kidlat upang hadlangan ang mga palasong apoy ni Kasimira.

DayanghirangTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon