XL. The Other Side

264 17 1
                                    

Kabanata 40

Kamatayan. Ang kadalasang kinatatakutan ng mga tao, na hindi ka nakakasiguro kung kailan ba darating. Ika nga, Kung oras mo na, oras mo na.

Kaya nga gaya ng kasabihan, habang may oras ka pa, gawin mo na at sabihin mo na ang lahat ng gusto mo bago pa mahuli ang lahat, maikli lang ang buhay, subukan mong sumugal.

Ngunit, wala na yatang mas nakakatakot pa sa mahabang buhay at walang katandaan.

Wala na yatang mas nakakabahala pa sa buhay ng isang Carlos Salazar Candelaria, II. sa kanyang edad, ay dapat kulubot na ang kanyang balat at puti na ang kanyang kulay itim na buhok. Ngunit dahil sa dugong humalo sa kanyang katawan at dumadaloy sa kanyang ugat, hindi na niya mararanasan ang mga bagay na iyon.

Dahil nung oras na niyakap niya ang pagkatao ng pagiging isang imortal, kapalit ang makasama muli ang kanyang minamahal. Ang mahabang buhay niya ay mahihinto lamang ng kamatayan.

Nasaksihan niya kung paano nadapa ang bansang kanyang pinagmulan, nasaksihan niya rin kung paano bumangon ito. Nasaksihan niya lahat ng pagbabago, mula sa tradisyunal hanggang sa naging moderno. Mula sa malawak na taniman hanggang sa naging masiglang lungsod ng mga naglalakihang gusali.

Nasaksihan niyang tumanda at pumanaw ang kanyang mga kaibigan, naranasan nilang magpalipat-lipat ng mga lugar ng kanyang bagong itinuturing na pamilya.

Nasaksihan niya lahat ng pagbabago, ngunit hanggang ngayon ay hindi pa rin niya muling nakikita ang kanyang nagbalik na minamahal. Halos mahaluhog na niya ang mundo, makita lamang muli ito, ngunit siya'y umuuwing bigo.

"Where are you, mi amor?"

Isang sunod sunod na busina ng ambulansya ang dumaan sa kanyang harap, pagkalagpas saka lang nagpalit ng kulay berdeng ilaw ang stoplight. Bago pa niya maihakbang ang kanyang kanang paa, isang kamay na humatak sa kanyang bisig ang nagpigil sa kanya.

Sa lakas na biglaang hatak, nawalan siya ng balanse at bago pa pigilan ang sariling bumagsak sa taong humatak sa kanya ay huli na ang lahat, nadaganan na niya ito.

At huminto ang kanyang paligid nang makita ang mukha ng isang babaeng nasa ilalim niya ngayon. Sa pagdahan-dahan nitong pagbukas ng mata, lumabo sa paningin niya ang mga nasa paligid at nanatiling malinaw sa kanyang paningin ang babaeng nasa harapan niya.

Ang puso niyang matagal nang huminto sa pagtibok ay muling nabuhay nang magkatitigan sila ng babaeng may kulay kapeng mata.

Nabago man ang paligid at panahon, ngunit hindi ang kanyang damdamin. Hindi maging ang mukha ng babaeng kanyang matagal ng hinihintay.Tila isang aklat na matagal ng nakatago at muling binuksan ang nararamdaman ng kanyang puso ngayon.

Ingat na ingat siyang huwag madaganan ang babae, kahit na natulala siya ay siniguro niyang hindi ito naipit.

Masakit man ang kanyang magkabilang siko na nakatukod, mas masakit ang dumapong sampal sa kanyang pisngi na galing sa babaeng kanyang iniibig.

"Bastos!" sigaw ng babae kaya agad siyang tumayo at pinagpagan ang kanyang damit.

Isang matamis na ngiti ang sumilay sa kanyang labi. Nung araw rin 'yon, ang nagluluksa niyang mundo ay muling nabuhay. Dahil sa wakas, nagbalik na ang kanyang sinta.

"I'm sorry talaga! Nagulat lang kasi ako...akala ko kasi talaga eh hahalikan mo ako!" nakapikit pa rin ito sa kanyang harap simula nang lapitan siya sa kanyang lamesa.

Halos malunok na niya ang kanyang dila kakapigil sa kanyang ngiti para lang hindi mapansin ng babae na nasisiyahan siya sa atensyon binibigay nito sa kanya.

Tanaw (under editing)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon