Kabanata 17

304 12 27
                                    

"Siraulo ka talaga!"

Palihim kong siniko si Dos sa tabi ko at sinilip ang mga kasama namin. Tumawa na lamang ang tungaw na ito at nakipagkuwentuhan na kila Franco.

Paano kasi, todo ang asar nito sa akin na baka gusto ko raw siya yakapin dahil nakahubad daw siya kaya naman niyakap niya ako. Tutal naman din daw ay trip ko raw hawakan ang abs niya noon. Habang pabalik naman kami rito sa kubo, panay ang reklamo niya na ang bigat-bigat ko raw kahit na ang liit-liit kong tingnan. 

Sino ba ang nag alok na buhatin ako? Siya naman ah! Imbyerna 'tong si Dos eh. Panira talaga ng ganda.

Nasa iisang kubo na kami ngayon at nag-iinuman na matapos kumain. Halos ang nag-iingay ay sila Franco at Jared, habang ang tatlong babae naman ay nagsisi-tawanan. 

Hindi naman kami maka-imik ni Isha dahil hindi naman kami malapit sa kanila. 

Napasulyap muli ako kay Jared na nasa tapat ko na katabi naman ni Hannah. 

"O, Anda! Shot," ani Joanna, na pinsan ni Jared at ibinigay sa akin ang plastic cup.

Ngumiti naman ako sa kanya at tinanggap ito. 

Nilingon ko naman ang katabi ko pang si Isha na tahimik lang. Pansin ko na kinakausap siya ni Kuya Uno na nakaupo sa may gitna. 

Pinasadahan ko ng tingin ang mga kasama namin. Sa may gilid sa banda ni Dos ay magkatabi sina Trip at Lucianna. Sunod dito ay si Gian, Franco, Hannah, Jared at Joanna, na paikot ang puwesto namin.

Naging malalim ang gabi at nagtatawanan na kami. Kahit papaano ay napapasali rin ako sa usapan dahil kina Dos, Franco at Jared. Nakaramdam naman ako ng init sa pakiramdam. Hindi ko alam kung gaano na karami ang naiinom ko. 

Shuta kasi 'tong si Joanna eh. Panay abot tapos ang tataas pa ng bigay. 

"Anong type ka riyan? Hindi ka nga guwapo sa paningin ko!" reklamo ko kay Franco. 

Nagkuwento kasi ito na akala raw niya dati ay baka type ko raw siya. Ang lakas naman ng apog nito! Ni wala pa nga siya sa kalingkingan ni Jared.

Tumawa naman si Franco. "Sino ba ang type mo sa amin?"

Ngumuso ako at medyo mapungay na ang mga mata. 

"Wala! Wala!" nakapikit akong umiling-iling pero agad ding tumigil at nagmulat. "Ah! Siguro doon nalang ako kay Angelo! Tutal naman ay tahimik lang siya. Hindi ako masasaktan, panigurado!"

Hindi ko na alam kung ano na ang mga pinagsasabi ko. 

"Angelo?" rinig kong sambit ni Joanna. "Kumusta na kaya 'yon? Hindi man lang nagpaparamdam!"


Muling nagpatuloy ang kuwentuhan at si Angelo naman ang naging topic nila. Biniro ni Franco na baka raw ay nag-pari na talaga. 

Wala sa sariling kinuha ko ang nilagang itlog sa mesa at itinapat 'to sa mukha ko.

"Dos! Dos!" niyugyog ko ang katabi ko at ipinakita sa kanya ang itlog na hawak ko.

Kunot-noo'ng napatingin siya sa akin. 

"Alam mo ba kung saan galing ang itlog?" tanong ko.

"Sa manok," walang gana niyang sagot.

Ngumuso ako. "So, ano ang nauna? Manok o itlog?"

Napapikit ng mariin si Dos. "Sa itlog."

"Bakit? Sagot!" At halos isampal ko ang itlog sa pisngi niya. "Mukha kang itlog!" natawa naman ako. 

When the Two Collide (Numero Serye #DOS)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon