ADHIKA SIMULA

445 28 77
                                    

[Ang Simula]

Pilipinas, 1880

"SEÑORA, saan nyo ho nais magtungo?" Walang emosyon akong napatingin kay Mang Eduardo, ang aming kutsero. Matagal na syang naninilbihan bilang kutsero ng aming pamilya kung kaya't katiwa-tiwala naman sya, ngunit hindi sapat ang mahabang panahon na iyon upang ibigay ko sa kanya ang aking tiwala. Kailanman ay hindi ako magtitiwala sa isang tao.

"Sa palengke," tipid na sagot ko, tumango naman si Mang Eduardo bago iliko ang kalesa patungo sa pamilihan ng Santa Prinsesa. Ipinikit ko ang aking mga mata at dinama ang marahang pag-ihip ng hangin na tumatama ngayon sa aking balat, sa loob ng mahabang panahon ay naging ganito ang aking pagkatao.

Iwas sa mga tao, walang emosyon kung tumingin, at walang paki sa kung ano man ang nangyayari sa isang tao. Naging ganito ako... Simula nang mawala ang aking Ina sa aking tabi, ang tao na tanging pinagkakatiwalaan ko.

Nang tumigil ang kalesa na aming sinasakyan ay inimulat ko na ang mata ko, napatingin ako kay Mang Eduardo bago lumundag pababa ng kalesa. Alam nya naman na hindi ako magpapaalalay pababa dahil hindi ko kailangan ng tulong ng sino man, kailanman ay hindi ko tinanggap ang mga tulong ng iba.

Nagsimula na akong maglakad papasok sa loob ng pamilihan, naiwan naman doon si Mang Eduardo upang bantayan ang kalesa na pagmamay-ari ni Ama. Binuksan ko na ang aking abaniko na kulay lila bago iyon ipaypay sa aking sarili, pinagpapawisan ako rito sa loob dahil kay init at kay rami ring tao.

Narito na ako ngayon sa hilera ng mga prutas, nais ko sanang iutos na lang ito sa aking tagasilbi ngunit nagsasawa na akong manatili sa loob ng aming tahanan at tanawin ang buwan tuwing sasapit ang gabi. Nais ko rin namang lumabas at makalanghap ng sariwang hangin.

Hindi ako mahilig sa alahas o kung ano man, ang nais ko ay pagkain. Kung reregaluhan man ako ng isang tao, pagkain na lang at huwag kung ano-ano. Mukha bang makakain ko ang alahas?

"Ubas nga ho," saad ko at itinuro ang ubas na nais ko, walang emosyon kong tinignan ang aleng nagtitinda na namamanghang nakatingin sa akin ngayon. Napatingin din ako sa paligid at nakatingin ang ilan sa akin habang nakangiting nagbubulungan, nakaramdam tuloy ako ng hiya.

Ganyan sila sa tuwing nakikita ang anak ni Don Gillermo Fernandez, namamanghang pagmamasdan ako na tila isang ginto. Ito rin ang isa sa dahilan kung bakit hindi ko nais lumabas, nakakaramdam ako ng hiya sa tuwing pinagtitinginan ako ng mga tao. Ayokong maging sentro ng usapin, ayoko.

Si Don Gillermo na syang aking ama ay ang pinakamaimpluwensyang Don sa bayan ng Santa Prinsesa, kaya marahil ganoon na lamang nila ako tingalain. Wala naman sa akin ang bagay na iyon, ano naman kung ako ay nagmula sa maimpluwensya at mayamang pamilya?

Diretso kong tinignan ang ale na may katandaan na, natauhan naman sya at ibinalot na ang ubas na aking nais. Kung si ama ay kilala bilang palangiti at matulungin sa kapwa, ako naman ang kabaligtaran no'n. Kailanman ay hindi ko ibinahagi ang aking totoong ngiti, hindi ko rin naman kaya dahil hindi naman ako masaya. Nababalot ako ng lungkot at poot sa loob ng mahabang panahon.

"Maraming salamat hija," ngiti ng ale bago i-abot sa akin ang ubas, kay ganda ng kanyang ngiti ngunit hindi ko magawang sabayan. Iaabot ko na sana ang aking bayad ngunit may naramdaman akong pwersa na tumama sa aking balikat, dahilan upang mabitawan ko ang hawak kong ubas at maging ang barya na ibabayad ko sana. Muntik na akong mawalan ng balanse ngunit mabuti na lang at mabilis na nahawakan ng lalaking iyon ang aking likod na ikinagulat naming dalawa, mabilis nya rin akong binitawan at napayuko.

"P-paumanhin sa aking kapangahasan, hindi ko sinasadya," paghingi nya ng tawad, nanatili akong nakatulala. Hindi ako makapaniwala, sa kauna-unahang pagkakataon ay may humawak sa aking likod at isang estranghero!

Ilinibot ko ang aking paningin, maging ang mga ale na nakakita sa pangyayari ay nagulat. Kukuhanin ko na sana ang barya na nahulog ngunit naunahan na nya ako, kukuhanin ko na lang sana dapat ang mga ubas ngunit pinigilan nya ako na syang ikinagulat ko. Ako'y nanggigigil na sa ginoong ito!

"H-huwag mo nang kuhanin ang mga ubas na iyan, nahulog na sila sa sahig kung kaya't nadapuan na sila ng dumi. Babayaran ko na lamang ito bilang kapalit sa kasalanang nagawa ko," wika ng ginoong iyon, sa kauna-unahang pagkakataon ay nagtama ang aming paningin. Ngayon ko lamang sya nakita sa bayang ito, ibinigay na nya sa akin ang barya na tumapon kanina dahil din sa kagagawan nya.

Kunot noo ko syang pinagmasdan, napakarami nyang kasalanan na nagawa sa akin. Una, dahil sa paghawak nya sa aking likod na isang kapangahasan sa paningin ng lahat. Pangalawa, nabunggo nya ako at tumapon ang aking pinakamamahal na pagkain. Sa tingin nya ay matatanggap ko ang paghingi nya ng tawad at kanyang bayad?!

"Habulin si Señor Danyiel!" Sisigawan ko na sana sya ngunit napatingin ang lahat sa sumigaw, nanlaki ang mga mata nya. Tumakbo na muli sya ngunit bago iyon at tumingin muna sya sa akin sandali, hinabol na muli nila ang pasaway na ginoo.

Naiwan naman akong tulala habang patuloy na pinopriseso sa aking isipan ang mga nangyari, hindi ko akalaing tatakasan nya ako. Sa huling pagkakataon ay matalim kong tinanaw ang ginoong iyon na sa aking palagay ay nagngangalang Danyiel.

Sa oras na makita ko syang muli, mananagot sya sa akin!

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaNơi câu chuyện tồn tại. Hãy khám phá bây giờ