ADHIKA KABANATA 34

64 6 2
                                    

[Kabanata 34 - Kasalanan]

MALUNGKOT kong pinagmamasdan ang kalangitan na ngayon ay makulimlim, napakabigat sa damdamin. Narito ako ngayon sa labas ng aming Hacienda at nakaupo sa eksaktong bangko kung saan nakaupo ako noong araw na mawala si Ina sa aking buhay. Inipon ko ang lakas ng aking loob upang kausapin si Danyiel at upang magkaroon ng kapanatagan ngunit hindi, hindi ako nagkaroon ng kapanatagan.

Mas lalong pang dumami ang mga katanungan sa aking isipan, ang mga katanungan na humihingi ng katarungan ukol sa kamatayan ng aking Ina na wala pa ring hustisya. Napahawak na lang ako sa tapat ng aking puso dahil tila pinipiga ito sa sakit, naninikip ang aking dibdib na palagi kong nararamdaman kung kaya't nasanay na ako ngunit sa kabila noon ay nararamdaman ko pa rin ang salitang sakit.

Hindi rin mawala ang kaba sa aking dibdib dahil makulimlim ang kalangitan ngayon, pakiramdam ko ay may masamang mangyayari at nais itong ipahiwatag ng kalangitan kung saan alam kong nasaan si Ina. Napapikit na lang ako at muling napahinga ng malalim. Kung ano man ang aking maging desisyon sa maaaring mangyari sa hinaharap, sana ay hindi ako mabigo.

Nasa labas ako ngayon at mararamdaman ko ang malamig na pag-ihip ng hangin ngunit pakiramdam ko ay naninikip pa rin ang aking dibdib dahil sa mga nangyayari, lumabas ako upang magpahangin ngunit naroon pa rin ang kung anong bara sa aking dibdib.

Napatingin ako sa kalalabas lang ng tarangkahan, ang aming kutsero. "S-saan ka ho pupunta?" Nagugulumihanang tanong ko, napatingin sa akin si Mang Orlando at napatapat ang hawak na sumbrelong buri sa kanyang dibdib nang makita ako.

"Binibining Gwenaelle, kayo kayo ho pala. Ako'y tutungo ngayon sa daungan upang sunduin ang inyong ama," magalang na saad ni Mang Orlando, nagulat sya ng bigla akong mapatayo at tumingin ng diretso sa mga mata nya. "Sasama ako," ang aking tanging sinabi bago diretsong sumakay sa kalesa. Pakiramdam ko ay may maaaring mangyaring masama kay Ama, nais ko lang makasigurado kung kaya't sasama ako ngayon at sasalubungin ang pagdating ni Ama mula sa kabilang lungsod.

NASA tapat ng aking dibdib ang aking kamay upang hindi tangayin ang suot kong balabal, nasa byahe na kami ngayon patungo sa daungan at tulala lang ako sa kawalan. Sa aking labis na pagkabalisa ay hindi ko na nagawa pang ibaba na lang ang suot kong balabal sa aking balikat upang hindi na ako mahirapan pa.

Narito na kami ngayon sa daan patungong hukuman, malapit na kami sa daungan. Dumapo ang aking malungkot na mga mata sa labas ng hukuman dahil kay daming tao roon. Humigpit ang aking kamay sa pagkakahawak sa balabal at pilit na tinanaw kung anong mayroon doon, mukhang napansin iyon ni Mang Orlando dahil bumagal ang takbo ng kalesa.

Nagulat ako nang tuluyang makita ang mga taong nasa sentro, hindi ako sigurado ngunit ang pamilyar na taong iyon ay ang syang nagdudulot ng pagkababog ng aking puso. "Si Ginoong Danyiel ba iyon?" Napabitaw ako sa pagkakahawak sa aking balabal nang marinig ang tanong ng isang binibini na malapit lang sa gilid ng aming kalesa.

Hindi na ako nagdalawang isip pa at dali-daling lumundag pababa ng kalesa, dahil sa aking paglundag ay tuluyang natumba ang suot kong balabal sa lupa ngunit hindi na mahalaga pa sa akin iyon. Kahit pa ako'y nahihirapang huminga sa paligid kung saan sobrang daming tao ay hindi pa rin ako nag-alinlangan na makipagsiksikan sa mga taong nakikiusosyo sa kung anong nangyayari ngayon.

Nang tuluyan akong makapunta sa harapan ay tila nanigas ako sa aking kinatatayuan matapos makita si Danyiel na syang nasa sentro ng buong kapaligiran, sobrang daming tao ang nakatingin ngayon sa kanya at isa ako sa mga iyon. Nabitawan ko ang hawak kong abaniko nang itali ng isang guardia civil ang kamay ni Danyiel sa kanyang likod, nanatiling nakayuko si Danyiel.

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now