ADHIKA KABANATA 5

96 11 38
                                    

[Kabanata 5 - Pamilihan]

"ANO ba ang iyong nais tanungin?" Walang emosyon kong tanong, narito kami ngayon sa labas ng mansyon. Hindi ko pinaunlakan ang kanyang pakiusap na igala ko sya sa aming hacienda dahil ayoko, sino ba sya? "Tungkol sa iyo at sa atin," pag-uulit nya sa kanyang sinagot kanina, dahan-dahang naging masama ang timpla ng mukha ko. Sya talaga ang panira ng aking araw.

"Anong meron sa iyo at sa atin?" Pag-uulit ko naman sa tinanong ko kanina at tinaas sya ng kilay, narito na pala kami ngayon sa gilid ng mansyon kung saan nakatanim ang mga rosas na iba't iba ang kulay tulad ng pula, luntian, at lila. "Nakalimutan mo na ba na tayo'y nakatakdang ikasal?" Patanong na sagot nya, sa totoo lang ay nakararamdam ako ng kilabot sa tuwing naririnig ko ang salitang kasal.

Pinanatili ko na lamang na walang emosyon ang aking mukha tulad ng dati, nakaupo ako ngayon sa isang bangkong gawa sa bato habang sya naman ay nakatayo lang sa harap ko. Diretso ko syang tinitignan at hindi naman sya nagpapatalo na syang kinaiinis ko, hindi na pala sya nasisindak sa aking matatalim na titig ngayon.

"Bakit ko sasagutin ang iyong katanungan? Sino ka ba upang dalawin ako sa aming tahanan?" Mataray na tanong ko, kay lakas talaga ng loob nyang tumapak sa aking teretoryo kahit alam nyang kinaiinisan ko sya. "Ako ang iyong mapapangasawa. Sa aking palagay ay makakalimutan ka sa mga makabuluhang bagay, Binibining Gwen," sagot nya, kumunot naman ang aking noo. Sinasabi nya ba na ako'y matanda na?

"Anong makabuluhang bagay sa iyong mga sinasabi? At huwag mo nga akong tawaging Gwen. Hindi naman kita kilala," masungit na saad ko at ikinumpas ang aking abaniko, napatigil ako nang maalala na nagpakilala na nga pala sya sa akin. Muling pumasok sa aking isipan ang sinabi nya kagabi.

"Hindi ka na estranghera sa akin dahil kilala na kita, ikaw si Gwanaelle Fernandez na nakatakdang ikasal sa akin. Kung hindi mo pa alam ang aking ngalan, hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili sa iyo. Ako nga pala si Danyiel Villanueva, ikinagagalak kong makilala ka... Binibining Gwen."

"Maaari kitang tawaging Gwen dahil nalaman ko ang iyong palayaw ng hindi mo sinasabi," nakangiti nyang saad na tila isang napakatalinong tao, nais kong sumandal sa aking kinauupuan ngunit wala namang sandalan. "Bahala ka sa buhay mo," tanging nasabi ko na lang at hindi na sya tinignan, nakakainis ang pagmumukha nya. Nakababa man ang aking tingin ngunit nakita ko nang tumalikod sya at nagsimulang maglakad papalayo sa akin.

"Saan ka pupunta," saad ko at tulad ng dati ay walang bakas na pagtatanong sa tono ng boses ko, dahan-dahan syang napalingon sa akin. Sa kauna-unahang pagkakataon ay nabigyang pansin ko ang kanyang pisikal na anyo. Matangkad, maputi ang balat, nakakahalina ang mga mata, matangos ang ilong, at manipis ang labi. Kayumanggi ang kulay ng mga mata nya at sa tingin ko ay hanggang leeg nya lang ako, hindi ko namalayang tinitigan ko na pala sya ng matagal.

Umiwas na ako ng tingin, umihip ang malamig na hangin. "Bakit? Ikaw ay interesado ano?" Nakangiting tanong nya, ang ngiti ay nang-aasar na ang dahilan upang muling mag-init ang ulo ko sa kanya. Tumayo ako at naglakad papalapit sa kanya bago muling itinapat sa kanyang mukha ang abaniko ko, napatigil naman sya at napataas pa ang kamay. "Ikaw...." Matalim ang tingin na sabi ko. "Kaonti na lang at kakalbuhin na kita!" Sigaw ko sa kanya, akala ko ay masisindak sya ngunit nakita ko nang pinigilan nyang matawa.

Huminga ako ng sobrang lalim at nanlulumong tinalikuran sya, hindi ko na alam kung paano makakatakas sa dilim na ito. "Hindi ko alam kung paano ang magiging buhay ko kasama ka, malamang ay magiging miserable ang buhay ko!" Nanlulumong saad ko, buwan ng Hunyo na ngayon at tatlong buwan na lang ay ikakasal na kami. Kailangan ko na talagang matakasan ang nakatakdang kasal na ito.

"Sa totoo lang ay ako nga ang kawawa rito. Malamang ay magiging alipin mo ako sa oras na maging asawa kita," nanlaki ang mata ko at hindi makapaniwalang nilingon si Danyiel nang magsalita sya, hindi ko na alam ang mararamdaman ko!

"Ako kaya ang kawawa rito! Magkakaroon ako ng asawa— makakasama habang buhay na pilyo at hindi marunong makonsensya sa kasalanang ginawa nya sa akin!" Sigaw ko naman pabalik, napahawak naman sya sa kanyang puso na para bang tinatanong nya kung bakit sya pa ang may kasalanan ngayon. "Humingi naman ako ng tawad ah? Babayaran ko naman ang mga ubas na nahulog ngunit ayaw mo namang tanggapin," saad nya, naalala ko kagabi na bibigyan nya ako ng salapi bilang kapalit sa mga ubas na nahulog ngunit hindi ko tinanggap iyon.

"Hindi ko kailangan ng iyong salapi," tanging nasabi ko. Masama na ang aking loob kung kaya't linagpasan ko na sya at naglakad papalayo sa kanya, papalayo kay Danyiel Villanueva.

KINABUKASAN, maaga akong gumising dahil nais kong magtungo sa pamilihan. Papasok pa lang ako sa banyo ngunit narinig kong may kumatok at bumukas ng kaonti ang pinto, si Puring. "Maliligo na po ba kayo, Señora?" Magalang na tanong nya, hindi ko sya pinansin at naglakad na patungo sa banyo. "Nais nyo po bang tulungan ko kayo?" Tanong nya ulit, natatawa ako sa aking loob-loob dahil pinahihirapan nya pa ang kanyang sarili sa pagsilip at ayaw na lang buksan ang pinto.

Umiling ako at pumasok na sa banyo, napansin ko na kung kailan tumatanda si Puring ay lalo syang nagiging makulit. Baligtad ata ang kanyang isip, noong baguhan sya rito ay tahimik lang sya ngunit palangiti naman. Matapos kong maligo ay lumabas na ako sa banyo, nakasarado na ang pinto. Kinandado ko na iyon dahil magbibihis na ako, nakalimutan ko itong ikandado kagabi kung kaya't madaling nabuksan ni Puring ang aking pinto.

Nagsuot ako ng kulay kremang baro at asul na saya na binurdahan ng mga bulaklak, nais ko namang maging makulay ngayon. Sa tingin ko ay ang kulay ng suot ko kahapon ay syang nagdala ng malas sa akin, kailangan ko naman sigurong maging makulay ngayon. Pagbukas ko ng pinto upang lumabas na sana ay napatigil ako nang makita si Puring na nakangiti ngayon ng malawak sa akin at may hawak syang suklay, napagtanto ko na hindi pa ako nagsusuklay.

"Aayusan ko lang po kayo Señora ayon sa bilin ng inyong ama," ngiti ni Puring, tumango na lang ako at muling pumasok sa cuarto ko. Umupo na ako sa silya at pinagmasdan ang aking sarili sa salamin, palaging wala si Ama sa aming tahanan dahil abala sya sa kanyang trabaho. Sinimulan na nya akong suklayan at ayusan.

"Puring," tawag ko sa kanya habang nakatingin pa rin sa salamin, nakita ko sa salamin nang tumingin sya sa akin. "Po?" Tanong nya, huminga ako ng malalim bago magsalita. "Samahan mo ako mamaya," saad ko sa kauna-unahang pagkakataon, dahan-dahan namang napangiti si Puring at buong pusong tumango.

NAGLALAKAD kami ngayon ni Puring papunta sa pamilihan, natatanaw ko na ang pamilihan. May kalesa naman ang aming pamilya na maaari kong gamitin ngunit naisipan kong maglakad naman ngayon, hindi naman tumanggi si Puring sa aking nais. Mukhang sanay rin sya sa paglalakad kahit pa gaano kahaba habang ako ay hinihingal na ngayon, pakiramdam ko ay bigla kong pinagsisihan ang aking nais.

"Señora Gwenaelle, ayos lang po ba kayo?" Magalang na tanong ni Puring nang mapansin na hinihingal na ako, tumango ako ng hindi tumitingin sa kanya. Diretso lang sa daan ang aking tingin ngunit alam ko naman na nakasunod sya sa akin, muli na akong nagpatuloy sa paglalakad ngunit napatigil ako nang hindi ko na maramdaman pa ang presensya ni Puring na nakasunod sa akin.

"Binibining Gwenaelle!" Dahan-dahan akong napatingin sa tumawag sa akin, si Doña Luzvimida. Nakangiti sya sa akin ngayon, napagtanto ko na lulan sya sa kalesa ngayon at tumigil ang kanilang kalesa sa harapan ko. Napatingin ako sandali kay Puring, kaya pala sya tumigil ay dahil nandito ngayon si Doña Luzvimida Villanueva at nagbigay galang. "Sumama ka sa amin!" Nakangiting anyaya ni Doña Luzvimida na tila sya ay tuwang-tuwa kahit pa hindi ko naman sya nginitian o ano man.

Sa amin? May kasama sya? "Anak, alalayan mo nang sumakay sa kalesa ang iyong mapapangasawa," ngiti ni Doña Luzvimida, sumilip sa akin ang kasama ni Doña Luzvimida at doon ko napagtanto na kasama nya pala si Danyiel. Inilahad nya ang kanyang kamay sa akin upang alalayan akong sumakay sa kanilang kalesa tulad ng sinabi ng kanyang Ina, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pagtatama ng aming paningin.

Dapat ko bang tanggapin ang kamay nya?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now