ADHIKA KABANATA 6

88 11 13
                                    

[Kabanata 6 - Totoong buhay]

"Anak, alalayan mo nang sumakay sa kalesa ang iyong mapapangasawa," nakangiting utos ni Doña Luzvimida, inilahad naman ni Danyiel ang kanyang kamay sa akin at kasabay din no'n ay ang pagtatama ng aming mga mata. Hindi ko alam ang aking gagawin, dapat ko bang tanggapin ang kamay nyang nakalahad sa akin ngayon?

Nagulat ako nang gumalaw na mismo ang kamay nya at hinawakan ng mahigpit kamay ko dahil nakatingin lang ako sa kanya, tila nakuryente ang aking buong katawan matapos magtama ng mga palad namin. Napakapusok talaga ng ginoong ito. Wala na akong nagawa pa at sumakay na sa kalesa sa tulong ni Danyiel, umupo na ako sa kanyang tabi. Agad akong umiwas ng tingin at tumingin kay Puring na nakangiti ngayon, natutuwa pa rin sya kahit na uuwi syang mag-isa ngayon matapos naming maglakad ng sobrang haba?

"Uuwi na po ako Señora. Paalam po," nakangiting pamamaalam ni Puring at nagbigay galang bago tuluyang umalis, sa hindi malamang dahilan, sa kauna-unahang ay nakaramdam ako ng awa para kay Puring dahil uuwi sya ng mag-isa. Malayo ang aming Hacienda sa pamilihan, napahinga ako ng malalim at umayos na ng upo. Agad akong dumistansya kay Danyiel, kahit pa mahulog ako ngayon sa kalesa ay wala akong pakielam basta ba ay hindi ko sya makadikit.

Nagsimula nang umandar ang kalesa, pasimple akong tumingin kay Danyiel at nakita kong nakatingin sya sa akin. "Magbitaw na ang inyong mga kamay. Hindi porket kayo'y nakatakda nang ikasal ay hahayaan ko na kayong maghawak kamay," sermon ni Doña Luzvimida. Nanlaki ang mga mata ko at gulat na napabitaw sa kamay ni Danyiel, hindi ko namalayang hawak ko pa rin ang kamay nya!

"P-paumanhin," nakayukong paghingi ko ng tawad na hindi ko naman gawain, napapikit pa ako sa inis dahil nautal ako. Tinalikuran ko na lang si Danyiel at pinagmasdan ang kalangitan. Mapusok na nga, hindi pa marunong humingi ng tawad. Napatigil ako nang magsimulang umalog ang kalesa dahil bako-bako ang aming dinadaanan ngayon, ito ang naging dahilan upang magtama ang mga balikat namin ni Danyiel.

Pakiramdam ko ay hindi ako makahinga ng maayos sa loob ng kalesang ito, nagsimulang magsalita si Doña Luzvimida. "Tayo'y pupunta ngayon sa aming tahanan. Nais ko namang makilala ng lubos ang magiging asawa ng aking anak," nakangiting wika ni Doña Luzvimida, kinilabutan na naman ako dahil narinig ko na naman ang bagay na nagdudulot ng kilabot sa akin. Mapapangasawa, magiging asawa, asawa. Ayoko sa salitang iyan!

Tumigil ang kalesa nang marating na namin ang Hacienda Villanueva, napakaganda ng kanilang Hacienda sa labas pa lang. Makulay itong tignan dahil sa mga bulaklak na nakatanim mula sa loob at labas, malamang ay inaalagaan ito ng maayos ni Doña Luzvimida. Bumaba na si Danyiel, inalalayan naman ng kutsero si Doña Luzvimida pababa ng kalesa. Alam ko na ang sunod na mangyayari, aalalayan akong pababa ni Danyiel na ayokong mangyari.

Kaya naman nang makita kong ilalahad na ni Danyiel ang kanyang kamay ay dali-dali akong bumaba sa direksyon kung saan bumaba si Doña Luzvimida, nagulat si Doña Luzvimida dahil sa aking ginawa na tila isang lalaking lumundag pababa ng kalesa. Hindi ko na lang sya pinansin at nagkunwaring walang nangyari, lumapit sa akin si Doña Luzvimida at hinawakan ang kamay ko bago ngumiti ng mayumi. Mahinhin talagang Doña si Doña Luzvimida, maging ang kanyang pagngiti ay mahinhin din.

"Pumasok na tayo sa loob. Ang tahanan na ito ay tahanan mo na rin kung kaya't maaari kang pumunta rito kung kailan mo gusto," ngiti ni Doña Luzvimida at iginayak ako papasok sa loob, sumunod naman sa amin si Danyiel. Malamang ay dahil tahanan nya ito.

Pagpasok namin sa loob ay nagbigay galang sa amin ang mga kasambahay, dumeretso kami sa salas at pinaupo ako ni Doña Luzvimida sa kanape bago umupo sa tabi ko. "Hindi ko talaga makita ang emosyon sa iyong mga mukha ngunit nakikita ko naman ito sa iyong mga mata," panimula nya habang pinagmamasdan ako, hindi ko tuloy mapigilang makaramdam ng pangungulila mula sa aking Ina. Noong nabubuhay pa sya, palagi nya rin akong pinagmamasdan ng ganyan.

"Ano ba ang iyong hilig? Mahilig ka bang magluto? Magbasa? Magburda?" Nakangiting tanong ni Doña Luzvimida, napansin ko na palangiti ang mga taong nasa paligid ko kahit pa hindi naman ako katulad nilang palangiti. "Mahilig akong mapag-isa," sagot ko na ikinatigil nya, sa una pa lang ay hindi ako nagdadalawang isip na ipakita kung sino ako at paano ako sumagot ng sa gayon ay malaman ko agad kung tanggap ba nila ako.

"Bakit naman? Malungkot maging mag-isa. Mayroong mga taong nais kang samahan kung iyong nanaisin," ngiti ni Doña Luzvimida at sumulyap kay Danyiel na kanina pa palipat-lipat ng pwesto ng kinauupuan, papansin talaga sya. Kung nais namang ipahiwatig ni Doña Luzvimida na si Danyiel ang tinutukoy nyang nais samahan ako, hindi ako maniniwala dahil hindi naman ito kapani-paniwala. Hindi nya nga ako nais mapangasawa eh, ngunit mas ayoko sa kanya.

"Iyon na nga po mismo ang aking buhay," pagiging matapat ko, binigyan ko sya ng isang peke at mapait na ngiti. Dahan-dahan namang namutawi ang lungkot sa mga mata ni Doña Luzvimida, pinagsisihan ko na ngayon na ibahagi sa kanya ang aking malungkot na buhay. Hindi ko nais na may malungkot dahil sa akin at hindi ko rin nais na kaawaan. "Maaari ka namang maging masaya at iwan ang iyong malungkot na buhay, hija. Hindi maaaring habang buhay kang malugmok sa kalungkutan, hindi iyan ang normal na buhay," wika ni Doña Luzvimida na tila ba pinaiintindi nya sa akin ang masayang buhay, hindi ko kailanman sya maintindihan dahil hindi ko alam ang tunay na kasiyahan.

"Tama po kayo, hindi ito ang normal na buhay ng isang tao. Dahil ito ang totoong buhay ng isang tao," walang emosyong saad ko, ito naman talaga ang totoong buhay ng isang tao. Walang masayang buhay, puno ito ng problema at lungkot.

"Ngunit maaari mo rin namang gawing normal ang iyong totoong buhay, hindi ba?" Rinig kong tanong ni Danyiel ngunit nanatili akong nakayuko, hindi nila naiintindihan ang nararamdaman ko. "Tama si Danyiel, Gwenaelle. Paumanhin kung sasabihin ko man ito ngunit kung ikaw ay nangungulila sa iyong Ina, narito naman ako upang iyong maging pangalawang Ina," rinig ko namang saad ni Doña Luzvimida, tila biglang hinaplos ang matigas kong puso. Dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanila, sinubukang ngumiti ni Doña Luzvimida mula sa usapin kung saan nabanggit ang aking tunay na Ina.

Dapat ko bang tanggapin sya bilang aking pangalawang Ina?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now