ADHIKA KABANATA 8

79 11 22
                                    

[Kabanata 8 - Ngiti]

INAANTOK kong tinusok ang lutong karne at kinain iyon, umaga na at papasikat pa lang ang araw. Nakaupo ako ngayon sa kabisera ng hapag kainan, inilibot ko ang aking paningin at napabuntong hininga. Tulad ng dati, narito ako at mag-isa pa rin. Pumasok sa aking isipan si Danyiel at ang mga salitang binitawan nya kahapon, totoo kaya ang kanyang mga salita? Totoo kayang nais nya akong samahan?

Napabuntong hininga muli ako, hindi ko nais umasa. Marahil ay sinabi nya lang iyon upang gumaan ang loob ko ngunit tulad ng lahat ay hindi nya rin ako nais samahan dahil sa ugali ko, kaawa-awang sarili. Napasulyap ako kay Puring na nakatayo sa gilid malapit sa akin, ang ibang mga kasambahay ay nasa kanya-kanyang gawain ngunit narito si Puring dahil sya ang aking tagasilbi.

Sabay kaming napatingin sa pintuan ng mansyon dahil may kumatok roon, agad namang naglakad si Puring papunta sa pinto upang pagbuksan ang kumatok. Si Ama kaya iyon? Sinundan ko ng tingin si Puring hanggang sa makalapit sya sa akin.

"Señora, narito po ngayon si Ginoong Danyiel. Nais nya daw po kayong bisitahin," nabitawan ko ang kubyertos na hawak ko matapos marinig ang sinabi nya, sa hindi malamang dahilan ay napaayos ako ng upo at inayos ang aking sarili nang mabilisan. Tinulungan naman ako ni Puring, nahawa na siguro ako kay Ama sa pagpapahalaga sa kung anong tingin sa iyo ng isang tao.

"Papapasukin ko po ba sya?" Pabulong na tanong sa akin ni Puring na tila ba may tinatago kaming isang malaking sikreto, gusto kong matawa ngunit hindi naman ako iyon kung kaya't tumango na lang ako. Naglakad na paalis si Puring upang pagbuksan ng pinto si Danyiel, hindi ko na sila tinignan pa at nanatiling nakayuko habang hawak ang aking kubyertos.

Hindi ko alam kung bakit tila may saya akong nararamdaman ngayon sa aking puso dahil may isang taong sasamahan ako ngayon sa kabila ng aking pag-uugaling mayroon, alam kong hindi ito maganda ngunit hindi ko naman nais magbago ng ugali para sa isang taong hindi kayang tanggapin ang tunay na ako. Narinig ko na ang yabag na papalapit sa akin. Sana ay magawa ko pa ring iwasan ang paglapit nya sa paglipas ng panahon.

"Magandang umaga... Binibining Gwen," nakangiting pagbati ni Danyiel sa akin, hinubad nya ang kanyang sumbrelo at itinapat iyon sa kanyang dibdib bilang pagbati. Tinignan ko lang sya, alam kong nararapat lang na magiliw ko syang batiin o magbigay galang man lang ngunit tinatamad talaga ako. Tumango na lang ako, ang totoong plano ay hindi ko sya dapat pansinin ngunit tinanguhan ko na sya kung kaya't wala na akong magagawa pa.

"Tulad ng aking sinabi sa iyo, narito ako upang samahan ka sa oras na ikaw ay mag-isa," ngiti nya at umupo sa upuang malapit sa kabisera na syang kinauupuan ko, hindi ko alam kung paano nya nagagawang ngumiti pa rin kahit hindi ko naman sya nginingitian pabalik. "Marahil ay may hangganan din ang iyong sinabi," walang emosyong saad ko at kakain na sana ngunit ang sagwa namang tignan kung ako ay kumakain habang sya ay nakatingin lang sa akin.

"Tama ka. May hangganan nga ito," saad nya na ikinatigil ko, kay tapat nya naman. Nag iwas na lang ako ng tingin at hindi na lang sana sya papansinin ngunit nagsalita ulit sya. "At ang hangganang iyon ay sa aking kamatayan," dagdag nya, pakiramdam ko ay may isa na namang kandado na kumawala sa aking puso na nababalot ng kadenang nakamamatay sa lungkot. Ang mga salitang binibitawan nya ay nagdudulot ng iba't ibang emosyon sa akin.

"K-kumain ka kung nais mo," tanging nasabi ko, nakita ko nang mapangiti sya at tumango-tango. Nagsimula na syang magsandok ng kanin at ulam na syang kinakain ko rin ngayon. "Kay sarap ng putaheng ito, sino ang nagluto nito?" Tanong ni Danyiel, napatigil ako at napakagat sa aking ibabang labi. Dapat ko bang sabihin na ako ang nagluto ng adobong iyon?

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now