ADHIKA KABANATA 4

122 12 25
                                    

[Kabanata 4 - Kamalian]

NAKATULALA kong pinagmamasdan ang buwan na nagbibigay liwanag ngayon sa madilim na kapaligiran, may isang lampara sa aking silid kung kaya't hindi ganoong kadilim sa loob ng aking cuarto. Payapa na ang gabi, nakabukas pa rin ang isang bintana sa aking silid kung saan doon ko sinisilip ang buwan.

"Gasuklay..." Wala sa sariling sambit ko habang pinagmamasdan ko ang buwan na gasuklay ang hugis ngayon, itinaas ko ang aking kamay at itinapat sa buwan na tila nais kong hawakan jyon. Kay bilis ng pangyayari, si Danyiel ngayon ang nasa isipan ko kahit pa hindi naman sya ang nais kong isipin. Nag-iisip ako ngayon ng paraan sa kung paano ko matitigil ang kasal, kung hindi ako nais tulungan ni Danyiel ay ako na lang ang bahala.

Iyon ang isa pang tumatakbo sa aking isipan ngunit hanggang ngayon ay wala pa ring tama na pumapasok sa aking isipan. Sa tuwing may naiisip ako, taliwas naman iyon sa aking nais na matigil ang kasal ng mapayapa. Alam ko namang kapag sinabi ko kay Ama na tutol ako sa kasal, hindi sya papayag. Hindi nya nais na tumanda akong mag-isa, naiintindihan ko naman ang punto ni Ama. Na kung sakaling dumating ang panahon na wala na sya, hindi nya nais na ako'y maging mag isa.

Napahinga ako ng malalim, isa pa sa gumugulo sa aking isipan ay ang pagkatao ni Danyiel. Nagawa nyang ibahin ang aking emosyon ng hindi ko namamalayan, ang mas nagpapangamba pa sa akin ay dahil gumuhit ang aking emosyon sa aking mukha. Marahil ngayon ay ipinagmamalaki na nya ang kanyang sarili dahil may nagawa syang isang bahay na kahit sino ay hindi magagawa sa isang Gwenaelle na walang emosyon.

Ngunit sa kabilang banda ay inisip ko na lang na hindi na malaking bagay pa iyon. Puro pagsusungit lang naman ang aking ipinamalas sa kanya, hindi nya naman ako nakitang ngumiti. Ang aking totoong ngiti. Sa totoo lang ay madali lang namang ngumiti ngunit hindi madali ang pagngiti ng totoo, napahinga na lang ako ng malalim at isinara na ang bintana. Pinatay ko na ang ilaw mula sa lampara bago humiga sa kama, alam kong ilang oras bago ako makatulog ng tuluyan ngunit ipipikit ko na lamang ang aking mga mata.

KINABUKASAN, nagising ang aking diwa dahil nagising ito. Bumangon na ako at binuksan ang pinto upang bumaba, nagulat ako nang bumungad sa aking harapan si Puring na nakangiti ngayon. Alam kong hindi nya naman nahalata ang aking pagkagulat, minsan talaga ay tila nasobrahan sa pagngiti si Puring kung kaya't nagmumukha na syang nakakatakot.

"Magandang tanghali po Señora Gwenaelle! Ililigpit ko na po ang inyong pinaghigaan," nakangiting sabi ni Puring at pumasok na sa loob, hindi ko alam kung saan nya nakukuha ang lakas ng loob para ngitian ako gayong hindi ko naman sya nginingitian pabalik. Nagkabit balikat na lamang ako at nagsimula nang maglakad pababa ng hagdan, may narinig akong nag-uusap mula sa hindi kalayuan. May bisita si Ama?

Nagpatuloy na ako sa pagbaba, hindi naman malaking bagay sa akin kung may bisita si Ama dahil hindi ko naman sila pagtutuunan ng pansin. Ngunit napatigil ako ng makita si Don Samuel at Danyiel na nakaupo ngayon sa kanape at nakatingin si akin, maging si ama ay napatingin sa akin at nagulat nang makita ang aking hitsura.

Dali-dali syang tumayo at pinatalikod ako sa mag-amang Villanueva, nagtataka kong tinignan si Ama. "Anak, hindi ka man lang nag-abalang mag-ayos? Kagigising mo lang ba?" Pabulong na tanong sa akin ni Ama, tumango lang ako. Napatingin ako kay Puring na nagmamadaling bumaba ngayon sa hagdan. "Puring. Ikaw na ang bahala sa kanya," utos ni ama, magalang naman na tumango si Puring at mabilis akong isinama papanik sa aking silid.

Nanatili akong naguguluhan, bakit ba ganoon ang naging kilos ni Ama? Napatingin ako sa salamin matapos akong paupuan ni Puring sa silya, nanlaki ang mga mata ko nang makita ang aking hitsura ngayon. "Señora, paumanhin po kung hinayaan ko kayong bumaba. Nakalimutan kong sabihin na narito ang mag-amang Villanueva upang bisitahin ka," wika ni Puring, nanatili akong tulala sa salamin habang pinagmamasdan ang sarili ko. Buhaghag ang buhok ko, may panis na laway, at mukha akong isang trabahador na nagtrabaho buong araw!

"IYAN! Maayos na po muli ang inyong hitsura," nakangiting saad ni Puring, dahan-dahan kong tinignan ang aking sarili sa salamin. Nakahinga ako ng maluwag matapos makita na bumalik na ang aking maaliwalas na hitsura, wala na ang binagyong Gwenaelle.

Kulay itim na baro at pulang saya ang kulay ng suot ko ngayon dahil masama ang aking loob sa aking nakatakdang kasal. Itinirintas ni Puring ang aking buhok papunta sa gilid ng aking tainga, nag iwan din sya ng ilang hibla ng buhok na tumatama sa aking pisngi. Hindi nya naman ako linagyan ng kalorete sa mukha dahil sapat na raw ang aking natural na ganda.

"Bumaba na tayo," saad ko at nauna sa paglabas ng cuarto, sumunod naman sya sa akin. Pagkababa ko ay napatigil ako nang makitang mag-isa na lang si Danyiel, nasaan si Ama at Don Samuel? "Umalis na si Ama at si Don Gillermo na syang aking pangalawang Ama," saad nya nang mapansin na may hinahanap ako, napataas ang aking kilay dahil tila ipinamumukha nya talaga sa akin na Ama na nya rin si Ama dahil nakatakda kaming ikasal.

"Anong kailangan mo? Sumasang-ayon ka na ba sa aking balak?" Tanong ko, tinutukoy ang tungkol sa pagtigil ng kasal. "A-ano pong balak?" Napatingin ako kay Puring nang magtanong sya, marahil ay kung anu-ano na ngayon ang pumapasok sa kanyang isipan. "Wala. Sa susunod ay huwag kang makisali sa usapan ng matatanda," pangaral ko sa kanya, napayuko naman sya at tumango. Nararapat lamang na disiplinahin at pangaralan ang mga taong hindi namamalayan ang kanilang maling kilos, hindi palaging tama ang isang tao.

"Hindi. Narito ako upang makausap ka," sagot naman ni Danyiel. "Tungkol?" Tipid na tanong ko, inayos ko na rin ang paraan ng aking pagtatanong dahil baka pilosopohin na naman nya ako. "Sa iyo at sa atin," tipid nya ring sagot, inis ko naman syang tinignan. Talagang sinusubok nya ang aking pasensya, kung nais nyang makipaglaro ay makikipaglaro rin ako sa kanya.

"Anong meron sa iyo at sa atin?" Tanong ko ulit. "Maaari mo ba akong igala sa inyong hacienda?" Imbis na sagot, isang pakiusap ang bumalik sa akin. Hindi ko naman sya makapaniwalang tinignan, sigurado ba si Doña Luzvimida na mabait at maginoo ang kanyang anak?

Huminga ako ng malalim at labag sa loob na tumango, nakita ko nang pasimple syang napangiti. Marahil ay may sayad na nga sa utak ang lalaking ito, ipadala ko na kaya sya sa ospital?

Nauna na akong maglakad palabas, bago ako tuluyang makalabas sa loob ng mansyon ay may narinig akong sumigaw. "Sandali po!" Napalingon ako kay Puring nang marinig ang boses nya, mabilis syang naglakad papalapit sa akin at inabot ang isang abanikong kulay itim. "Paumanhin po sa aking nagawa kanina," mahina nyang bulong, sa aking loob-loob ay napangiti ako ngunit tinanguhan ko na lang sya bago magpatuloy sa paglalakad paalis sa loob.

Nagkamali man si Purificasion, ang mahalaga ay alam niya ang kanyang pagkakamali at hindi na muli pang dadagdagan ng isa pang pagkakamali, taos-pusong humingi ng tawad at tatanggapin ang kanyang kamalian.

Habang patuloy ako sa paglalakad ay may naramdaman na akong presensya na sumusunod sa akin, at alam ko sya iyon.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now