ADHIKA KABANATA 19

60 7 7
                                    

[Kabanata 19 - Kapalaran]

TAPOS na ang misa ngayong umaga, pinili kong umupo sa pinakadulo ng isang pahabang upuan kung saan isa lang ang makakatabi ko at iyon ay si Ama. Tatanungin na sana ako kanina ni Ama kung bakit tila ako'y napopoot ngunit nagsimula na ang misa, nasa hilera rin namin ang pamilya Villanueva ngunit hindi ko sila nilingon sa buong misa. Katabi ni Ama si Don Samuel, katabi naman ni Don Samuel si Doña Luzvimida at katabi naman ni Doña Luzvimida si Danyiel na syang nasa pinakadulo rin ng kabilang dulo ng upuan.

Tumayo na ako at nagdire-diretso palabas ng simbahan, nais ko nang umuwi. Samahan nya na lang si Carolina kung gusto nya. Nagdire-diretso ako hanggang sa makababa na ako sa mahabang hagdanan ng simbahan sa labas, sumulyap ako sa simbahan at aalisin na sana ang aking paningin doon ngunit laking gulat ko nang makita si Danyiel na patakbong lumabas ng simbahan at bumaba na rin ng mabilis.

Nakita na nya ako, nagtama na ang aming paningin. Hindi ko nais na maabutan nya pa ako ngunit tila napako ang aking paa mula sa aking kinatatayuan, ang sinasabi ng utak ko ay iwan ko na sya ngunit ang sinasabi ng puso ko ay manatili ako't hintayin sya.

Kaya naman ako'y naabutan na nya, napahawak sya sa mabatong pader at hinabol ang kanyang hininga. Mukhang napagod sya sa katatakbo para lang mahabol ako, hindi mo tuloy mapigilang makunsensya. "A-ayos ka lang ba?" Pinilit kong hindi mamutawi ang pag-aalala sa aking mukha, napatingin na sya sa akin habang hawak ang kanyang pusong hindi mapigil sa pagtibok.

"A-ayos lang," hinihilingal na sagot nya at sinubukang ngumiti, napatulala na lang ako sa kanya. Palagi syang ngumingiti upang hindi na ako mag-alala pa. Napansin ko ang mga butil ng pawis sa kanyang noo, kinuha ko sa aking bulsa ang puti kong panyo kung saan binurda ko roon ang buwan at iniabot sa kanya.

Napatigil sya at napatingin ng diretso sa mga mata ko, dahan-dahan syang napangiti at tinanggap ang panyong inilahad ko. Paborito ko ang panyong iyon dahil nakaburda roon ang paborito kong buwan ngunit sa kanya muna iyon, tutal ay sya rin naman na ang naaalala ko sa buwan.

"Maraming salamat," nakangiting sabi nya at sumandal sa batong pader na parte ng simbahan, sumandal na rin ako roon ngunit may malaking distansya sa pagitan namin. Napatingin ako sa agos ng tao na ngayon ay palabas ng simbahan, hindi ko alam kung nasaan na ngayon si Ama at ang mag-asawang Villanueva. Baka hinahanap na nila kami ngayon.

Napatingin ako kay Danyiel at kumunot ang aking noo dahil ang lawak ng ngiti nya, para syang nanalo sa isang palaro at sya ang bida dahil sya ang nanalo. Mukhang naramdaman nyang nakatingin ako sa kanya dahil tumingin na rin sya sa akin.

"Anong iningingiti mo riyan?" Taas kilay na tanong ko, baka si Carolina na naman ang tumatakbo sa isipan ng lalaking ito. Malapit ko na talaga syang kalbuhin, pinigilan nya ang kanyang pagngiti ngunit patuloy itong kumakawala. Malapit ko na syang hawakan sa magkabilang balikat at yugyugin upang magising sa katotohanan.

"Wala, nais ko lang muling magpasalamat... Kaibigan," ngisi nya, tila gumuho ang aking namumuong kasiyahan dahil sa sinabi nya. Kaibigan. Magaling! Marahil ay mahalaga nga ako sa kanya dahil kaibigan nya ako, magaling.

"Hindi tayo magkaibigan," masama ang loob na pagtatama ko at inalis na ang tingin sa kanya, malamig ang kapaligiran dahil kay lakas ng hangin ngayon. Ito ang isa sa paborito kong panahon, tila yinayakap ako ng hangin.

"Hindi naman talaga tayo magkaibigan." Nanlaki ang mata ko at hindi makapaniwalang nilingon sya dahil sa sinambit nya, naguguluhan na ako sa kanya!

"Ano?!" Inis na tanong ko sa kanya, hindi ko na rin napigilan ang pagtaas ng aking boses. Ako'y pinaglololoko na ng isang 'to, panahon na upang turuan sya ng leksyon.

"Tayo ay magkasintahan," dagdag nya, tila unti-unting nawala ang pagkakakunot ko ng noo dahil sa sinabi nya. Umihip muli ang malamig na hangin, nais ko sanang magreklamo na paano kami naging magkasintahan ngunit naalala ko na nakatakda nga pala kaming ikasal; na ang ibig sabihin ay magkasintahan na kami kahit pa wala namang romantikong ugnayan sa pagitan namin.

Napahinga ako ng malalim at napahalukipkip, sumandal na muli ako sa pader. "Kay swerte mo nga dahil naging kasintahan mo ako nang ganoong kadali at kabilis dahil nakatakda tayong ikasal. Hindi ka nagpakahirap ligawan ang isang tulad ko at naging tayo sa isang iglap," nakasimangot na reklamo ko at tinignan sya, nakatingin lang sya sa akin at napakurap ng tatlong beses.

Umayos sya ng pagkakasandal at ngumiti sa akin, hindi na sya pinagpapawisan ngayon dahil sa malakas na ihip ng hangin ngunit maaari syang magkasakit dahil natuyuan sya ng pawis. Sa mukha nya lang pinunas ang panyong ibinigay ko dahil hindi nya naman maaaring itaas ang kahit anong parte ng kanyang damit dahil nasa pampublikong lugar kami. Ako na lang kaya ang gumawa no'n para sa kanya?

"Kung gayon... Liligawan kita kung iyong nanaisin," nakangiting sabi nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko. Hindi ko maintindihan kung bakit nya sinabi iyon ngunit ang tanging alam ko lang ay naging masaya ang aking puso dahil sa sinabi nya, tumibok ito ng mabilis na palaging nangyayari sa tuwing kasama ko sya. Sa tuwing kasama ko si Danyiel Villanueva.

GABI na, narito kami ngayon sa Hacienda Villanueva. Kaninang hapon ay nagkaayaan si Ama at Don Samuel na maghapunan dito sa Hacienda Villanueva. Ang akala ko ay hapunan lang ngunit sa paglipas ng oras, nagulat na lamang ako dahil may alak na sa lamesa at nag-inuman na si Ama at Don Samuel. Pinabayaan ko na lang sila sa kung saan sila masaya, naroon naman si Doña Luzvimida upang alalayan ang kanyang asawa.

Narito ako ngayon sa itaas na palapag ng kanilang mansyon, kung saan-saang parte ng kanilang mansyon na ako lumibot at napagod na ako kaiikot. Si Danyiel ang gumabay sa akin at nagtungo muna sya sa kanyang cuarto ngayon dahil nagbihis na sya, nagpaiwan na lang ako sa labas dahil ayoko namang sumama sa cuarto nya.

Naglakad ako papunta sa balkonahe, pagkapunta ko roon ay sumalubong sa akin ang malakas at malamig na hangin. Humawak ako sa baranda at pinagmasdan ang buwan na namumutawi ngayon sa kalangitan, ipinikit ko muna ang aking mga mata. Ilang saglit pa ay inimulat ko na ang aking mga mata ng may maramdamang presensya ka papalapit sa akin.

Hindi na ako nag-abalang lumingon pa nang maamoy ko ang pamilyar nyang pabango na nagmula pa sa Europa, humawak na rin sya sa baranda at tumingin sa akin. "Ika'y pagod na ba? Nais mo na bang umuwi?" Sinseryong tanong nya ngunit umiling ako at tinignan na rin sya, nakasuot na sya ng pantulog.

"Hihintayin ko si Ama," saad ko, tumango sya. Ang bawat disesyon ko ay inirerespeto nya. Sabay kaming napatingin sa buwan at kasabay din no'n ay ang pag-ihip ng malamig na hangin. "Napakaganda ng inyong Hacienda," wala sa sariling sambit ko at napangiti ng kaonti.

"Hindi magtatagal ay magiging tahanan mo na rin ito," rinig kong sabi nya, hindi ko alam kung nakatingin na sya sa akin ngayon dahil ang mata ko ay nasa buwan pa rin. Napapikit ako dahil sa sinabi nya, kinikilabutan na naman ako. Magbabago na ng tuluyan ang aking buhay sa oras na tumira kami sa iisang bubong, handa na ba ako?

"Nawa'y matanggap mo na ang nakatakdang kasal na ito. Dahil ako, tinatanggap ko na ito mula sa aking puso..." Napadilat ako at diretsong napatingin sa mga mata nya, ganoon din sya at mukhang kanina pa sya nakatingin ng ganyan sa akin. Umihip ang malamig na hangin na sumasabay sa pagkabog ng aking puso dahil sa sinabi nya.

Hindi ko maintindihan, hindi ko alam. Kaya ko na nga bang tanggapin ang kapalaran naming dalawa?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now