ADHIKA KABANATA 29

51 5 0
                                    

[Kabanata 29 - Pag-aalala]

NANG makarating kami sa pagamutan ay lumibot ang aking paningin sa limang kubo, naririto kami ngayon malapit sa entrada ng Santa Prinsesa. Napatulala na lang ako, minsan na akong dinala rito ni Danyiel at pinakilala sa kanyang mga kaibigan. Ang pagamutang ito ay pinamumunuan nya, narito kaya sya?

"Binibini, paumanhin kung hindi na kita maihahatid pa sa loob. Kami ay may mahalagang pupuntahan, paumanhin muli sa aming natamong sugat sa iyo. Paalam," pamamaalam nya, tila kumirot ang aking puso nang marinig ang salitang paalam. Ayoko sa pamamaalam na tila ito na ang huli.

Tumango na lang ako, ngumiti sya at nagbigay galang sa akin. Bago sya muling sumakay ng kalesa ay nilingon nya ako. "Huwag kang mag-alala, babalikan ko ang aking kasalanan sa 'yo. Paalam muli... Binibining Gwenaelle," nakangiting pamamaalam nya at kumaway bago tuluyang sumampa sa kalesa at umalis. Napatulala na lang ako, nalaman nya ang aking pangalan kahit hindi ko pa ito sinasabi.

Napahinga na lang ako ng malalim at muling humarap sa mga kubong nakahilera, may mga tao sa loob ngunit hindi ko alam kung sino. Nakakaramdam ako ngayon ng kakaibang kaba at pag-asa na baka makita ko sya rito. Kinakabahan ako sa oras na makita ko sya at magtama ang aming paningin, papansinin nya kaya ako? O iiwasan tulad noong nakaraan?

Namalayan ko na lang ang aking sarili na dumiretso sa pinakaunang kubo, napatingin ako sa lalaking nakasandal sa tabi ng pintuan. ibubuga na nya sana ang usok ngunit nabitawan nya ang hawak na tobacco nang makita ako, dali-dali nya iyong dinampot at gulat pa ring nakatingin sa akin. Kinuha ang kanyang sumbrelo at itinapat iyon sa kanyang dibdib, mas lalo syang nagulat nang makita ang aking sugat.

"B-binibining Gwenaelle? Anong nangyari sa iyo?" Tanong nya, napagtanto ko na ang lalaking aking nasa harap pala ngayon ay si Sergio. Si Sergio Santiago na syang kapatid ni Heneral Leviano, minsan ko na syang nakita sa pagdiriwang. Sa aking palagay ay kaibigan din sya ni Danyiel.

"P-pumasok ka," saad nya at iginayak ako papasok sa loob, natagpuan ko ang isang lalaking nakatayo sa gilid at nagbabasa ng libro. Likod pa lang ang aking nakikita sa lalaking iyon ngunit nakilala ko agad sya, nakasandal sya sa pader at tutok na tutok sa kanyang binabasa. Suot nya rin ang kanyang salamin na minsang sinuot nya rin noong inalagaan nya ako dahil ako'y linagnat.

"Danyiel," pagtawag ni Sergio kay Danyiel, mukhang nag-aalinlangan pa syang tawagin ang kaibigan. Sinulyapan nya ang kaibigan ngunit agad dumapo ang kanyang tingin sa akin, napatigil sya at napatingin sa akin mula ulo hanggang paa. Nakaisang hakbang sya papalapit sa akin ngunit napatigil agad sya at napigilan ang sarili na lapitan ako lalo na't narito ang kapatid ni Leviano na syang nakatakdang ikasal sa akin.

"Ikaw na lang ang gumamot sa kanya," malamig na sabi ni Danyiel at ibinalik ang librong binabasa nya sa kinalalagyan nito, tila piniga ang aking puso matapos marinig ang sinabi nya. Patuloy nya pa rin akong iniiwasan. Wala akong ibang nagawa kung hindi ang pagmasdan ang kanyang pag-alis.

Akala ko ay doon na nagtatapos ang lahat ngunit nagsalita si Sergio at pinigilan si Danyiel sa pag-alis. "Kailangan pa ako sa imbakan," saad ni Sergio at naunahang lumabas si Danyiel at dumiretso sa kabilang kubo. Napatingin ako kay Danyiel na nanatiling nakatalikod sa akin, mukhang nagdadalawang isip sya kung dapat nya ba akong tulungan.

Upang hindi na sya mahirapan, masakit man, ngunit pinili ko na lang na pabayaan ang kanyang nais. "H-hindi mo naman ako kailangang gamutin, dinala lang talaga ako ng hangin dito. Huwag kang mag-alala... A-aalis na ako," nasasaktan na sabi ko at huminga ng malalim upang pigilan ang pagtulo ng aking namumuong luha, mabuti na lang at nakatalikod sya sa akin kung kaya't hindi nya nakikita ang pamumuo ng aking luha na sya ang dahilan.

Nagsimula na akong maglakad paalis, sa bawat hakbang na aking ginagawa ay ang pagbigat ng aking loob. Akala ko ay doon na magtatapos ang aming pagtatagpo ngunit nagulat ako nang hawakan nya ang aking palapulsuhan, dahan-dahan akong nag-angat ng tingin sa kanya. Napaiwas sya ng tingin nang makita ang namumuong luha sa aking mga mata, dinala nya muli ako sa loob at pinaupo sa silya.

Lumabas sya, pumunta sa kabilang kubo at may kinuha roon. Napatingin ako sa aking pulso na hinawakan nya, napangiti ako dahil sa katotohanang hindi nya ako magawang tiisin. Ngayon ko lang ikinatutuwa ang mga sugat na aking natamo, dahil sa kanila ay magagawa kong makasama si Danyiel. Kabaliwan man ito ngunit ito ang tanging magpapasaya sa akin, ang makasama sya.

Ilang sandali pa ay bumalik na sya at may mga dala, kaming dalawa lang ang naririto. May tao sa bawat isang kubo ngunit sa tingin ko ay hindi naman ganoong karami, kaonti lang ang tao ngayon kung kaya't mukhang wala namang magrereklamo kung makita nilang magkasama ang nakatakdang ikasal noon.

Hinawakan nya muli ang aking pulso at sinuri ang aking mga sugat, hiwa-hiwalay ang sugat ko at nagdurugo. Natuyo na ata ito sa sobrang bagal magpatakbo ng kutsero kanina. Sinimulan na nyang linisin ito, hindi maalis ang aking tingin sa kanyang mga mata. Ang lalaking ito ay syang itinitibok ng aking puso, sa kauna-unahang pagkakataon ay may nagawa akong aminin sa aking sarili.

Matapos nyang malinis at malagyan ng gamot ay tinapalan na nya ito ng tela, hindi ko maramdaman ang sakit ng aking sugat dahil mas nararamdaman ko ang kirot sa akin puso dahil hindi nya man lang ako nagawang sulyapan. Tutok lang ang kanyang mga mata sa aking sugat, sana naging sugat na lang ako.

Umihip ang malamig na hangin, sa aking palagay ay alas-singko na. Kasing lamig ni Danyiel ang ihip ng hangin, nakagiginaw. "A-ang lamig," wala sa sariling sambit ko, pinatatamaan sya. Muli akong nag-angat ng tingin sa kanya, napatigil sya sandali ngunit nagpatuloy din naman.

Itinali na nya ang huling tela sa pagitan ng aking hinlalaki at hintuturo, nababalot na ngayon ng tela ang aking buong kamay. Mabuti na lang at hindi ako nagkasugat sa aking ibabang katawan dahil nakasuot ako ng saya, hindi rin naman nagkasugat aking aking mukha dahil sinalo ng aking kamay ang lahat.

Binitawan na nya ako at umatras ng kaonti, ilinigpit na nya ang mga gamit sa lamesa. Nanatili akong nakatitig sa kanya, malapit na ata syang matunaw dahil sa aking nangungulilang titig. Habang pinagmamasdan ang kanyang galaw ay patuloy na nahuhulog ang aking puso sa kanya, kay lakas ng kanyang dating.

Ang kanyang maputing balat, makisig na pangangatawan, makakapal na kilay, nakahahalinang mga mata, matangos na ilong, at manipis na labi ay hindi ko kailanman pagsasawaang pagmasdan. Ang pagmasdan sya ay nagdadala ng ngiti sa aking labi, ang kanyang mga titig ay nagdudulot ng paglukso ng aking puso.

Humakbang na sya papalayo sa akin, akala ko ay tuluyan na syang aalis ngunit napatigil ako nang magsalita sya. "Mag-iingat ka. May mga taong wala na sa tabi mo ngunit patuloy pa ring nag-aalala sa 'yo," rinig kong saad nya, nakatalikod sya sa akin nang sabihin iyon kung kaya't hindi ko nakita ang emosyong namutawi sa kanyang mga mata ngunit malinaw sa akin na ako ang sinabihan nya no'n.

Tuluyan na syang nawala sa aking paningin ngunit ang mga salitang binitawan nya ay nagdulot ng emosyon sa aking puso, masaya ako dahil patuloy pa rin syang nag-aalala sa akin. Masaya ako dahil kahit hindi nya sabihin kung sino ang taong iyon, alam ko naman na ang kanyang tinutukoy ay walang iba kung hindi sya.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWaar verhalen tot leven komen. Ontdek het nu