ADHIKA KABANATA 26

43 5 2
                                    

[Kabanata 26 - Paglisan]

NANATILI akong tulala sa kanyang maaamong mukha ngunit kasabay din no'n ay ang pangingilid ng aking luha na hindi ko na mapigilan pa, nagulat sya nang makita ang pamumuo ng luha sa mga mata ko. Lumapit sya sa akin at pinunasan ang aking nangingilid na luha dahil sa wakas ay natupad na ang aking Adhika, at iyon ay ang makita sya.

Magsasalita pa lang sya ngunit dali-dali ko syang sinunggaban ng yakap, sa ilang buwan naming pagsasama ay ito ata ang unang beses na yakapin ko sya. Nagulat sya dahil sa aking ginawang pasunggab na yakap ngunit tinapik nya rin naman ang aking likod at 'di kalaunan ay yinakap din pabalik, sumandal ako sa kanyang mga balikat at doon inilabas ang aking luha't paghikbi na inilalabas ko lang sa tuwing ako'y mag-isa.

Nakapulupot ang kanyang kamay sa aking baywang ngunit hindi ako nakaramdam ng pagkailang, bagkos ay saya ang nararamdaman ko dahil nagawa ko na syang hagkan ngayon. Ang yakap na tanging nagpapagaan sa aking bumibigat na kalooban dahil sa mga problemang hindi matapos-tapos, hinayaan nya akong sumandal sa kanyang balikat at doon umiyak.

Hinayaan nya akong yakapin sya ng mahigpit at gaano man katagal, pakiramdam ko ay unti-unting natunaw ang aking puso habang yakap namin ang isa't isa. Naririnig ko ngayon ang tibok ng kanyang puso, ang kanyang puso na umaasa akong sa akin tumitibok. Sa kabila ng tinatawag nilang kasiyahan sa labas, narito ako ngayon sa aking silid at kasama ang aking tunay na kahulugan ng kasiyahan.

"H-huwag ka nang lumuha pa," pagpapatahan nya sa akin, nang marinig ang kanyang boses ay lalo akong naluha. Mukhang kinakabahan sya ngayon dahil naririnig nya ang aking paghikbi. Lumipas ang ilang sandali at dahan-dahan na akong tumahan, hindi ko na nais pang kumawala sa pagkakayap ko sa kanya ngunit naaawa naman ako sa kanya dahil baka hindi sya makahinga.

Dahan-dahan na akong bumitaw sa kanya, mabuti na lang at hindi sya nagreklamo. Ang tagal din naming nakatayo dahil ayokong bumitaw sa kanya, umupo na ako sa aking kama dahil nangangalay na ang aking paa. Umupo naman sya sa silya na katabi lang ng aking kama.

Bigla ay may naalala ako, mahalaga ang araw na ito sa kanya dahil ito ang araw kung kailan sya nabuhay. "M-maligayang kaarawan," punong-puno ng emosyon na pagbati ko sa kanya habang nakatingin ng diretso sa kanyang mga mata, nakita ko nang magulat sya. Mukhang hindi nya inaasahan na alam ko kung kailan ang kanyang kaarawan.

"S-salamat, paano mo nalaman ang aking kaarawan?" Tanong nya, tila natunaw ang aking puso nang marinig ang boses nya. Naalala ko ang araw na sinubukan kong tanungin si Doña Luzvimida tungkol sa kaarawan ni Danyiel at nagtagumpay naman ako, ang mga panahon noong nakatakda pa kaming ikasal...

Narito ako ngayon sa Hacienda Villanueva, buwan na ng hulyo ngayon. Hindi ako makapaniwalang malapit na ang kasal namin ni Danyiel. Oras ng siyesta at nagbuburda kami ngayon ni Doña Luzvimida tulad ng kanyang nais, nakakatuwa dahil unti-unti na akong natututo kung paano magburda ng magandang bulaklak.

Kailanman ay hindi sinabihan ni Doña Luzvimida na pangit ang aking mga ibinurda kung kaya't masaya akong sya ang aking kasama sa pagbuburda, para sa akin ay sya ang perpektong guro para sa pagbuburda.

Ilang sandali pa ay pumasok sa aking isipan si Danyiel, ayon kay Doña Luzvimida ay nasa klinika sya. Isang linggo na ang lumipas simula noong nagpunta kami sa teatro, sa tuwing naaalala ko iyon ay para akong baliw na napangingiti.

Naalala ko rin ang sinabi ni Doña Luzvimida na sa setyembre ang buwan ng kaarawan ni Danyiel, malapit na ito. Naisipan kong tanungin ito kay Doña Luzvimida. "Ina, hindi naman po sa interesado ako ngunit maaari ko po bang malaman kung kailan ang kaarawan ni D-danyiel?" Lakas loob na tanong ko, napatigil sa pagtatahi si Doña Luzvimida at sandaling napatulala. Unti-unti nyang prinosesa sa isip ang sinabi ko bago tuluyang matawa.

"Sa ika-dalawampu't isa ng setyembre ang kaarawan ng iyong mapapangasawa," nakangiting sagot ni Doña Luzvimida at natawa ulit, muli na syang bumalik sa pagtatahi habang ako naman ay wala sa sariling napangiti at napatango. Itatak ko iyan sa aking isipan!

Pinagmamasdan nya ako, bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. "Namumutla ka. Ikaw ba ay kumakain sa tamang oras?" Tanong nya at sinuri ang aking pulso, pinagmamasdan nya rin ang aking mukhang namumutla. May kinuha syang panyo sa kanyang bulsa at inabot iyon sa akin. "Punasan mo ang iyong luha," wika nya at umiwas ng tingin, tinanggap ko na iyon at pinunasan ang aking mukhang napupuno ng luha. Matapos kong punasan ang aking luha ay huminga na ako ng malalim.

"Paano mo nagawang akyatin ang aking silid?" Tanong ko sa kanya, muli na syang napatingin sa akin. Ang kanyang titig na nagdudulot ng kiliti sa aking puso, kakaiba talaga sya sa lahat.

"Totoo bang nakatakda ka nang ikasal sa iba?" Napatigil ako dahil sa tanong nya, dahan-dahan akong napayuko. Nauunlinigan pa namin ang musika mula sa ibaba ngunit mahina na ito sa amin dahil nasa pangalawang palapag kami at nakasara ang pinto, patuloy ang kasiyahan ngunit hindi ang puso naming dalawa.

Sa totoo lang ay nasasaktan ako dahil sa mismong kaarawan nya pa inanunsyo ang aking pagkakaroon ng bagong asawa at hindi kailanman magiging sya iyon, aking kinatatakutan pa noon ang pagsapit ng kanyang kaarawan dahil mag-asawa na sana kami sa araw na ito kung hindi natigil ang aming kasal. Malalim akong napabuntong hininga.

"Anong nangyari? Bakit ganoon? Bigla na lang natigil ang ating kasal," wala sa sariling tanong ko, mahihimigan sa aking boses ang labis na lungkot. Napatingin ako sa kalangitan at nakasilip sa amin ang buwan, muli ko nang ibinalik sa kanya ang aking tingin.

"Naniniwala ka pa rin ba sa aking pangako na hindi kita pagtataksilan kailanman?" Tanong nya sa akin, punong-puno ng emosyon ang kanyang mukha. Dahan-dahan akong tumango, napangiti sya ng kaonti dahil doon. Magsasalita na sana sya ngunit pareho kaming napatigil ng may kumatok.

"Binibining Gwenaelle?" Napatigil ako nang marinig ang boses ni Leviano, biglang namutawi ang kaba sa aking puso dahil sa maaaring mangyari sa oras na mahuli nya kami ni Danyiel!

Napatayo ako at tinignan si Danyiel, nakatulala sya at tila malalim ang iniisip. Inabot ko na ang kamay nya na ang dahilan upang mapatingin sya sa akin. "Danyiel... Kailangan mo munang umalis," kinakabahang sabi ko, napatigil ako dahil unti-unting nawala ang emosyon sa mukha ni Danyiel.

"Danyiel," pabulong na tawag ko muli sa kanya, tumayo na sya at humarap sa akin. Nagulat ako dahil bumitaw sya sa kamay naming magkahawak, naglakad na sya papunta sa bintana. Bago sya tuluyang maglakad papalayo sa akin at nilingon nya ako sa huling pagkakataon, habang nakatingin ng diretso sa mga mata nya ay nakikita ko ang lungkot roon. Sumampa na sya sa bintana at tuluyang nawala sa aking paningin, naiwan akong tulala sa direksyon kung sana sya umalis at iniwan akong mag-isa.

Narinig ko ang pagbukas ng pinto kung kaya't iniwas ko ang tingin sa bintana dahil sa takot na makatunog sya, nanatili akong tulala sa kawalan habang patuloy na tumatakbo sa aking isipan ang malulungkot nyang mga mata at kanyang paglisan. Bakit ganoon? Akala ko ba ay hindi kailanman bibitawan ang aking kamay? Bakit ang bigat sa pakiramdam na tanawin ang kanyang pag-alis? Bakit ang sakit?

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now