ADHIKA KABANATA 3

126 14 36
                                    

[Kabanata 3 - Emosyon]

"MAGANDANG hapon... Aking mapapangasawa," ngiti nya sabay tingin ng diretso sa mga mata ko, hinubad na nya ang kanyang sumbrelo at itinapat iyon sa kanyang dibdib bilang paggalang at pagbati sa akin. Nagulat ako sa kanyang sinabi ngunit hindi rin nagtagal ay dahan-dahang kumunot ang aking noo.

"Mapapangasawa? Mapapangasawa mo mukha mo!" Sigaw ko sa kanya, nagulat naman sya at bigla ay tila napipi. Marahil ay nasindak sya sa aking pagsigaw na nararapat lang, hindi ito kaaya-ayang pakinggan sa isang binibini ngunit wala akong pakielam.

Napakamot naman sya sa kanyang sentido at humigpit ang hawak sa kanyang sumbrelo, napataas ang aking kilay. Magsusuntukan na ba kami ngayon?

"Paumanhin muli sa aking nagawa noong nakaraang linggo. Paumanhin din dahil hindi ko na nagawa pang bayaran ang aking utang at tumakbo papalayo sa iyo," sinseryong paghingi nya ng tawad, tinignan ko lang sya. "Kulang ang iyong mga binanggit," paalala ko sa kanya, baka kasi nakalimutan nya bigla ang iba nya pang kasalanan.

"Patawad din sa kapangahasang aking nagawa sa iyo, hindi ko naman sinasadya. Ikaw ay tuluyang matutumba sa sahig kung hindi ko ginawa iyon," dagdag nya, mas lalong kumunot ang aking noo dahil sa sinabi nya. Kasalanan ko pa?

"Nawa'y hindi na ito maging malaking bagay pa sa iyo, nakatakda na tayong ikasal. Sa paglipas ng panahon ay magagawa ko na ring hawakan ang iyong kamay at..." Napatigil sya sa pagsasalita nang mapagtanto na nagiging mapusok na ang aming usapan, maging ako ay napatigil din.

Agad akong napatikhim at pinaypayan ang aking sarili, pakiramdam ko ay biglang uminit ang buong paligid. Kung kailan wala na ang araw, tyaka naman ako naiinitan gayong hapon na ngayon at umiihip ang sariwang hangin. Mapusok pala ang lalaking ito, kailangan kong ingatan ang aking sarili mula sa lalaking nasa harap ko ngayon.

"Nagkakamali ka ng iniisip, hindi ako isang mapusok na ginoo. Bukas lamang ang aking isipan sa mga bagay na ganoon," pagtatanggol nya sa kanyang sarili, muli ko syang tinignan. Hindi ko lubos akalaing mababasa ang aking iniisip, sya ang kauna-unahang tao na nakagawa noon maliban sa aking mga magulang. "Hindi ako interesado sa iyong pagkatao, nais ko lang malaman kung ilang taon ka na," tanong ko ngunit hindi bakas sa aking pagkakasabi na nagtatanong ako, ito ang isa sa mga paraan upang ipakita sa isang tao na wala kang pakielam sa kanya.

Ilang sandali pa ay muli akong napatingin sa kanya ng hindi sya sumagot, nanatili lang syang nakatingin sa akin na tila ba hindi nya narinig ang sinabi ko. "Ano?" Tanong ko na tila naghahanap ng away, inosente nya akong tinignan. "Ano rin iyon, binibini?" Patanong na tugon nya, napasapo ako sa aking noo. Sumasakit ang ulo ko sa lalaking ito, hindi ko akalaing hindi nya nakuha ang sinabi ko.

"Tinatanong ko ang iyong edad, kinulang ka ba sa tulog?" Inis na tanong ko, nagulat ako ng makitang napangiti sya. Nasisiraan na siguro sya ng bait. "Hindi ka naman nagtatanong. May sinasabi ka na syang iyong nais," saad nya na tila sinasabi nya ang pagkakamali ko, umikot na lang ang aking mga mata. Nanggigigil na talaga ako sa kanya, mas lalo rin akong nainis nang marinig ko ang mahina nyang pagtawa.

"Anong nakakatawa?" Masungit na tanong ko, itinaas nya naman ang kanyang dalawang kamay bilang pagsuko. "Wala po... Binibining Gwen," gulat akong napatingin sa kanya nang banggitin nya ang aking palayaw, palayaw na tanging si Ama at Ina lang ang tumatawag sa akin. Sila lang rin ang nakakaalam ng aking palayaw, hindi kaya minamanmanan nya ako simula pa no'ng una?

"P-paano mo nalaman ang aking palayaw?" Gulat na tanong ko at umatras, itinaas ko ang aking abanikong nakatupi at itinapat iyon sa kanya bilang pahiwatig na huwag syang lalapit. Nagulat naman sya dahil sa ginawa ko. "Palayaw mo pala iyon, hindi ko alam na tama pala ang aking hinuha. Ano ba ang tumatakbo sa iyong isipan?" Natatawang tanong nya, dahilan upang matigilan ako.

Dahan-dahan nang bumaba ang aking kamay, hindi ko akalaing mapapahiya ako sa kanyang harapan. Mabuti na lamang at kaming dalawa lang ang narito kung kaya't sya lang ang nakasaksi sa aking pagkapahiya, sa oras nya ipagkalat nya ang pangyayaring ito ay kakalbuhin ko sya. Umupo na lang ulit ako sa mahabang upuan at tinalikuran sya, hindi ko namalayang humaba na pala ang aming usapan.

Nagulat muli ako ng umupo rin sya sa upuan na syang kinauupuan ko ngunit nasa pinakadulo naman sya ng upuan at ganoon rin naman ako, umihip ang malamig na hangin. Napatingin ako sa kalangitan, maggagabi na. Paparating na ang buwan. "Dalawampu't anim na taong gulang na ako. Hindi ka magtatanong ng personal na impormasyon sa isang tao kung hindi ka interesado sa kanya," muli akong napatingin sa kanya dahil sa sinabi nya.

"Kay taas naman ng iyong kumpyansa sa sarili," nakasimangot na saad ko at siniringan sya, narinig ko pa na natawa sya. Ako? Interesado sa kanya? Ang kapal!

Namutawi ang katahimikan sa pagitan naming dalawa, kay bilis ng pangyayari. Sa isang iglap ay mayroon na akong mapapangasawa ngayon at ang mas malala roon, si Danyiel ang aking mapapangasawa. Hindi ko magawang isipin ang aking magiging buhay kasama sya, iisipin ko pa lang at agad akong kinikilabutan. Naalala ko na hindi mapapanatag ang mga magulang hangga't hindi nagkakaroon ng supling ang kanilang anak na nakatakdang ikasal sa isa't isa, mas lalo akong kinilabutan dahil doon.

"Hindi ka ba tumututol sa kasal na ito?" Tanong ko sa kanya, umaaasang tutol din sya. Napatingin naman sya sa akin nang nagtataka. "Huwag mong sabihing tumututol ka? Mahalaga ang kasal na ito sa iyo at sa aking pamilya. Sa oras na matigil ang kasal, ang ibig sabihin lang noon ay tinatalikuran mo na rin ang pamilya ng bawat isa," mahabang saad nya na tila ba pinangangaralan ako, napabuntong hininga na lang ako. Matalik na magkaibigan si Ama at Don Samuel simula pa noong bata sila, sa oras na sirain ko ang kasal na ito, masisira na rin ang kanilang pagkakaibigan.

"Ano na lang ang gagawin natin? Isa tayong estranghero at estranghera sa isa't isa, ngayon pa lang kita nakilala. Wala rin tayong nararamdaman para sa isa't isa. Malamang ay hindi magiging matagumpay ang ating pagsasama lalo na't kinaiinisan kita," napapabuntong hiningang saad ko, ayoko naman talaga sa kanya.

"Hindi ka na estranghera sa akin dahil kilala na kita, ikaw si Gwanaelle Fernandez na nakatakdang ikasal sa akin. Kung hindi mo pa alam ang aking ngalan, hayaan mong ipakilala ko ang aking sarili sa iyo. Ako nga pala si Danyiel Villanueva, ikinagagalak kong makilala ka... Binibining Gwen," ngiti nya sabay tingin ng diretso, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang biglaang pagkabog ng aking puso.

Nakatingin din ako ngayon ng diretso sa mga mata nya, ang katotohanang nagawa nyang ibahin ang aking blankong emosyon ay syang labis na nagpapatigil sa isang Gwenaelle na kailanman ay hindi basta-bastang nagpapakita ng emosyon sa lahat.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now