ADHIKA KABANATA 35

83 4 5
                                    

[Kabanata 35 - Adhika]

TAHIMIK akong naglalakad patungo sa isang selda na syang aking destinasyon. Sobrang tahimik ng kapaligiran at tanging ang pagtibok lang ng aking puso ang nananaig sa aking pandinig, pigil hininga akong naglalakad ngayon sa isang madilim na paligid. Tanging ang gaserang hawak ko ang nagbibigay liwanag sa aking daan, walang katao-tao sa pasilyong ito at sadyang kakila-kilabot.

Nang makarating ako sa pinakadulong pasilyo ay dahan-dahang tumigil ang aking mga paa sa paghakbang, agad namuo ang luha sa mga mata ko nang makita ang taong tanging nagdudulot ng kasiyahan sa aking puso kahit pa may kaakibat isang sakit. Napahawak ako sa tapat ng aking puso nang tuluyang makita ang kalagayan nya ngayon, at kasabay din no'n ay ang muling pagpasok sa aking isipan ng naging usapan namin ni Leviano noong nakaraang gabi...

"Makinig ka nang mabuti, may mahalaga akong sasabihin sa 'yo..." Seryosong saad nya at lumibot ang paningin sa aking cuarto, nakasarado na ang lahat ng bintana sa aking cuarto tulad ng aking nais at nakasara na rin ang pinto kung kaya't nakahinga na sya ng maluwag. Marahil ay sinisiguro nyang walang makaririnig sa sasabihin nya.

"Walang katotohanan sa lahat ng sinabi ni Danyiel Villanueva, ang lahat ng kanyang sinabi sa 'yo at sa lahat ay pawang kasinungalingan lamang. Kaya ko itong patunayan," saad nya habang nakatingin ng diretso sa mga mata ko, napatigil ako ngunit nagtatalo ang aking nararamdaman ngayon. Ang kanyang mga salitang binitawan sa akin ay nakabaon pa rin sa aking puso ngunit nais ko ring malaman ang katotohanan.

"Paano? Nagawa nya nga itong sabihin sa lahat at sa akin din mismo," napapabuntong hiningang saad ko, kahit anong gawin ko ay nananatili ang kirot sa aking puso.

"Noong araw na iyon ay pinakiramdaman ko ang mga taong nasa paligid dahil tila may mali. Nakita ko ang mga taong nakaitim, hiwa-hiwalay ang kanilang pwesto kung kaya't hindi halata ang kanilang pagmamasid. Hindi ko alam kung ano ang kanilang layunin ngunit nakita ko ang isang lalaking may hawak na baril at nakatutok sa iyo nang magtama ang paningin n'yo ni Danyiel."

"Nanatili akong kalmado upang sa gayon ay hindi nila mapaghalataan na nakikita ko na sila mula sa malayo. Maaari nilang pagtaguan ang lahat ngunit hindi ako." Sa pagkakataong iyon ay namutawi na ang labis na pagkagulat sa aking mukha matapos marinig ang sinabi nya, hindi ako makapaniwalang nakita ni Leviano ang mga taong umatake sa amin ni Ina pitong taon na ang nakakaraan!

Hindi ako sigurado kung tama ang nabuo sa aking isip ngunit malakas ang aking kutob na sila nga iyon. Hindi ako makapaniwala na hanggang ngayon, ang hawak nilang baril ay nakatutok pa rin sa akin. Napatingin na rin sa akin si Leviano, nakikita ko ngayon sa kanyang mga mata ang labis na pag-iisip ng paraan upang malaman ang katotohanan.

"Sa aking palagay ay may taong nagbanta sa buhay ni Danyiel upang mapilitan syang gawin iyon, kahit sinong tao ay hindi nais masadlak sa kapahamakan ngunit ginawa nya pa rin. Ako'y nakasisiguro na ganoon na nga ang nangyayari, tila tinatanggap na nya ang kanyang kapalaran at kamatayan. Marahil ay buhay ng kanyang magulang ang nakataya para sa kanyang sakripisyo na mapalayo sa iyo at sa inyong pag-iibigan," mahabang saad nya at tumingin ng diretso sa mga mata ko, sa pagkakataong iyon ay muli kong nakita ang lungkot sa kanyang mga mata.

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now