ADHIKA KABANATA 23

41 5 0
                                    

[Kabanata 23 - Kasal]

NAKATULALA kong tinatanaw ang kalangitan na nababalot ngayon ng dilim, gabi na at tuluyan nang nabalot ng lungkot ang aking puso na ang tanging nais lang ay maging malaya at maging masaya. Patuloy pa rin ang pagbuhos ng malakas na ulan, mukhang nakikiramay ang ulan sa aking nararamdaman. Walang buwan at bituin sa kalangitan at tanging dilim lang ang naghahari sa kalangitan na katulad ng aking mundo.

Ilang linggo na ang nakalipas matapos ang pangyayaring iyon, ang pangyayari na syang nagpaguho sa aking mundo. Hindi ko alam kung agosto na ba ngayon, ang tanging alam ko lang ay kay tagal ko nang naririto sa aking silid habang patuloy na nalulugmok sa kalungkutan. Sa totoo lang ay natagpuan ko na muli ang kulay ng mundo dahil sa kanya ngunit ngayon ay nawala muli ito, naging madilim na naman ang aking mundo.

Ako, si Danyiel, at Carolina ang usap-usapan sa buong bayan. Lahat sila ay inaatake si Carolina dahil sa pagiging malandi nito ngunit mas lalo nilang inaatake si Danyiel dahil manloloko raw ito at namamangka sa dalawang ilog. Ako naman ang kinaaawaan ng madla at kinukutya ng iba dahil kaaawa-awa raw ako, nais kong lumabas at pagbuhulin silang lahat ngunit hindi ko magawa dahil nanghihina ang aking puso.

Isang linggo na akong nagkukulong sa aking cuarto ngunit hindi nakatakas sa aking tainga ang mga balita't nangyayari sa kapaligiran. Aking napag-alaman din na sinibak ni Ama si Purificasion at maging si Mang Eduardo sa trabaho dahil hindi nya nagustuhan ang mga salitang binitawan ni Puring at nadamay ang aking pangalan, nakaramdam ako ng awa kay Mang Eduardo dahil wala naman syang ginagawang masama ngunit dahil sya ang ama ni Puring ay nadamay sya.

Hindi ko man lang narinig ang paliwanag ni Puring, hindi ko man lang narinig ang kanyang panig. Nais kong tanungin sa kanya kung bakit nya ginawa iyon, kung bakit nya pinalaki ang gulo. Kung hindi na sana sya nagsalita ay matatakasan naming lahat ang pangyayaring iyon, ako'y nababahala rin sa sinabi nyang usapan ni Danyiel at Carolina tungkol sa pag-ibig nila sa isa't isa.

Totoo nga ba ito? Totoo ang kanyang sinabi na nakita ko nga ang kamay nilang magkahawak ngunit hindi ko nagawang sabihin ito sa kagustuhang iligtas si Danyiel ngunit nabigo pa rin ako. Tinalikuran nya ako, sinira nya ang aking tiwala sa kanya. Ako'y labis na nanghihinayang sa tiwalang binigay ko sa kanya, ako'y labis na nadidismaya.

Isa pa si Carolina, nagsinungaling sya sa akin. Naalala ko ang aming tagpo sa panciteria kung saan sinabi nya na wala syang pagtingin kay Danyiel, marahil ay sinabi nya iyon upang hindi na ako maghinala pa sa kanya. Naalala ko rin na naroon sya sa teatro, anong ginagawa nya roon? Marahil ay nagmamasid sya sa kung anong nangyayari sa amin.

Ako'y nadidismaya rin ng sobra sa kanya, ipinagsigawan nya sa lahat na may relasyon sila ni Danyiel kahit pa alam nyang malaking bagay ito sa paningin ng madla lalo na't nakatakdang ikasal si Danyiel sa akin. Simula nang talikuran nila ako ay tinalikuran ko na rin sila, sinira nila ang tiwala ko sa kanila kung kaya't sinira na rin nila ang aming ugnayan bilang kaibigan.

Pumasok naman sa aking isipan si Danyiel, may tiwala ako sa kanya ngunit nais kong marinig ang paliwanag nya. Nais kong malaman kung bakit magkahawak ang kanilang kamay at nais ko ring linisin nya ang kanyang pangalan sa akin at sa buong madla na hinuhusgahan sya, tulad ni Doña Luzvimida ay naniniwala akong inosente sya.

Kasabay ng pag-ihip ng hangin na yumayakap sa akin ay ang paghawak ko sa tapat ng aking puso, napapikit ako dahil naramdaman ko na naman ang kirot doon. Ang katotohanang naputol na ang ugnayan sa pagitan ng pamilya Villanueva at sa aking pamilya ay nagpapadurog sa aking puso, hindi ako makapaniwalang darating ang araw na iiyakan ko ang bagay na kung dati ay kinaiinis ako.

Galit si Ama kay Danyiel at Don Samuel kung kaya't malamang ay hindi sya papayag kung sakali mang hilingin ko na ituloy ang kasal na hindi na maaari pa dahil galit din si Don Samuel, namuo ang poot sa kanilang puso ng dahil sa pangyayaring iyon. Nakakalungkot isipin na nasira ang kanilang pagkakaibigan sa isang iglap, katulad na lang namin ni Carolina. Kahit pala gaano mo na katagal kakilala ang isang tao, maaari at kaya ka pa rin nyang talikuran.

Pag-ibig Serye #1: AdhikaTahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon