ADHIKA KABANATA 15

65 4 2
                                    

[Kabanata 15 -  Pagkabog ng puso]

MAG-ISA akong kumakain ngayon sa hapag, umaga na at wala akong gana. Hindi ko maintindihan kung bakit ang pangit ng lasa ng kinakain ko ngayon, hindi ko alam kung dahil ba sa pagkakaluto o dahil sa panlasa ko. Ipinikit ko ang aking mga mata, ang init din sa pakiramdam ng aking mata.

Tatlong araw na ang nakalipas matapos ang aming ginawang pagtakbo ni Danyiel, mabuti na lamang ay ginabayan kami ng panginoon kung kaya't hindi kami nadulas pababa. Ligtas naman nya akong inihatid pabalik sa aming tahanan, kung anu-anong palusot ang aming pinagsasabi sa dalawang guardia civil para lang hindi ito maghinala.

Naniwala naman agad sila ng si Danyiel ang nagsalita, ano kayang mayroon sa lalaking iyon at napaniwala nya ang mga guardia civil na hindi ako tumakas?

Tatlong araw na rin simula noong huli kaming nagkita. Ano na kaya ang ginagawa nya ngayon? Ano kaya ang iniisip nya? "Narito na si Don Gillermo Fernandez!" Napadilat ang aking mga mata nang marinig ang isang sigaw mula sa labas, narinig ko ang buong pangalan ng aking ama. Agad akong napatayo, narito na si ama?!

Binitawan ko ang kubyertos na hawak ko at patakbong lumabas ng aming tahanan, kusang napangiti ang aking labi ng makita si Ama. Kamangha-mangha, nagawa kong ngumiti sa harap ng madla? Nagawa kong ngumiti ng hindi nahihirapan? Nagawa kong ngumiti sa harap ng mga tao?

Napatingin sa akin si Ama at napangiti nang makita ako, sumenyas si Ama ng pagyakap na tila ba hinihintay nya ang aking paghagkan. Malaki na ako ngunit heto ako ngayon at tila naging isang bata na tumakbo papalapit kay Ama at niyakap sya ng mahigpit, tinapik naman ni Ama ang aking likod. Ilang linggo rin akong nangungulila kay Ama, kay saya ko dahil nagbalik na sya!

"Tayo'y pumasok na," anyaya ni Ama, habang papasok kami sa loob ay tinutugunan ni Ama ang mga sinasabi ng aming trabahador tungkol sa kanya at iba pa. Pagpasok namin sa loob ay nagbigay galang sa amin ang mga kasambahay sa pangunguna ng mayor doma ng Hacienda Fernandez.

"Kamusta ang ating Hacienda habang wala ako?" Nakangiting tanong ni Ama. "Maayos naman po Don Gillermo. Tulad ng dati ay nanatili itong payapa at masagana," sagot ng mayor doma at napatingin sa akin, napatango-tango naman si Ama habang ako naman ay napatahimik. Sigurado ba silang payapa ang aming Hacienda at walang tumakas noong isang gabi?

"Maraming salamat sa inyo," nakangiting pasasalamat ni Ama at tumingin na sa akin, nagtaka ako dahil tila inuusisa ni Ama ang aking hitsura. Nakararamdam naman ako ng kaba, may nalalaman ba si Ama tungkol sa aking pagtakas?

"Tila ikaw ay namumutla, ayos ka lang ba anak?" Tanong ni Ama at hinipo ang aking leeg at noo. Nagulat naman si Ama matapos gawin iyon, nagtaka naman ako at hinipo rin ang aking leeg. Ang init ko. "May sakit ka. Bakit ikaw ay nagkasakit? Ikaw ba ay nagpaulan?" Nag-aalalang tanong ni Ama, tila natupi ang aking bibig at hindi nakapagsalita. Hindi ko maaaring sabihin kay Ama na kasama ko si Danyiel buong gabi at inabutan ng ulan, malamang ay pag-iisipan nya ako ng masama.

"H-hindi po ama. Marahil ay dahil sa ating klima ngayon," palusot ko, napahinga naman ng malalim si Ama. Nakararamdam tuloy ako ng kunsensya dahil kauuwi nya lang at ngayon ay binigyan ko pa sya ng alalanin.

"Aking ipatatawag na lang si Ginoong Danyiel, hindi ba't sya ay isang doktor?" Tanong ni Ama na ikinagulat ko, doktor sya?

"Sige na anak. Ikaw ay umupo muna at ubusin ang iyong pagkain," saad ni Ama at hinalikan ang aking noo bago lumabas ng bahay upang may maatasang pumunta sa Hacienda Villanueva upang pumunta rito, napaupo na lang ako sa silyang kinauupuan ko kanina at napatulala. Doktor pala sya? Hindi nya man nabanggit sa akin. Kung sa bagay, hindi ko naman tinanong. Marahil ay marami pang bagay ang kailangan kong malaman sa kanya.

Umayos ako ng upo at sapilitang inubos ang aking pagkain na nasa plato dahil hindi tama na basta ko na lang iwan ang pagkaing nakahain ngayon para sa akin. Habang kumakain ako ay hindi ko maintindihan ngunit magkahalong kaba at pananabik ang aking nararamdaman ngayon dahil sa katotohanang papunta na sya.

"HINDI ko rin maintindihan kung paano nagkasakit ang aking anak gayong maayos ko naman syang pinapakain at maayos rin naman ang kanyang kapaligiran rito, tag-ulan na ngayon. Marahil ay dahil nga sa klima kung kaya't sya'y dinalaw ng sakit," wika ni Ama, narito kami ngayon sa salas at narito na rin ngayon si Danyiel. Hindi malaman ni Danyiel kung paano nya ako sisimulang hawakan upang gamutin gayong nakatingin sa amin si Ama. Nagtama ang paningin namin ni Danyiel at napatahimik, kung alam lang ni Ama na nagsinungaling ako sa kanya.

"Sa aking palagay ay mas makabubuti kung sa sa silid mo sya gamutin," napatingin ako kay Ama dahil sa sinabi nya. Saang silid? Sa silid ko?

Namalayan ko na lang na dinala kami ni Ama sa aking silid, magsasalita na sana si Ama ngunit dumating si Puring. "Don Gillermo, paumanhin po sa aking pang-aabala ngunit may naghahanap po sa inyo sa labas," magalang na saad ni Puring. "Sino?" Tanong ni Ama at humakbang na palabas ng aking silid, muli syang napalingon sa akin.

"Aking sasalubungin muna ang aking bisita. Hijo, ikaw muna ang bahala sa aking anak," saad ni Ama at tinanguhan kami bilang pamamaalam, ang aking tanging nagawa ay sundan ng tingin si Ama hanggang sa makababa na sya at mawala sa aking paningin. Maingat namang sumunod sa kanya si Puring upang sagutin ang mga tanong ni Ama ukol sa sinasabi nitong panauhin.

Muli ay naiwan kaming dalawa ni Danyiel nang magkasama. Napatulala na lang ako, bakit ganoon? Narito na naman sya at kasama ko. Nagulat ako nang umihip ang malakas na hangin kung kaya't pahampas na sumara ang pinto ng aking silid, napahawak na rin ako sa aking noo. Kanina pa ako nakatayo at palingon-lingon sa mga nagsasalita, nakakahilo.

"Umupo ka na sa... Sa kama." Pakiramdam ko ay bigla akong kinilabutan dahil sa sinabi nya, napatingin ako sa kanya at nakita kong hindi rin sya kumportable sa sarili nyang sinabi. Tumikhim ako at sinunod na ang sinabi nya, pabagsak akong umupo sa kama kahit pa hindi iyon kaaya-aya sa paningin nya at ng sino man.

Sumandal na ako sa dulo ng higaan at ipinikit ang aking mga mata, inaantok ako. Idinilat kong muli ang aking mga mata ng marinig ang marahang pagbuhos ng ulan, tag-ulan na ngang talaga. Napatingin ako sa kanya ng may kuhanin sya sa kanyang bulsa na salamin at sinuot iyon, masasabi kong bagay na bagay ito sa kanya. Dahan-dahan na syang umupo sa dulo ng kama, sa unti-unti nyang paglapit sa akin ay syang pagkabog din ng aking puso.

Itinaas na nya ang kanyang kamay at idinampi ang likod ng kanyang palad sa aking leeg, ang mainit nyang palad ay nagdudulot ng kuryente sa aking buong kalamnan. "May sakit ka," sabi nya at tumayo, bigla ay napatakip ako sa aking bibig dahil naubo ako. Sandali nya akong pinagmamasdan na tila may iniisip bago magsalita ulit. "Sandali lang," saad nya ulit at tuluyan nang lumabas ng aking silid.

Pagkalabas nya ay napahawak ako sa aking leeg kung saan dumampi ang kanyang palad, totoo ba talagang hinawakan nya ako? Ang puso ko!

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now