ADHIKA KABANATA 10

73 8 53
                                    

[Kabanata 10 - Kaibigan]

TAPOS na ang misa, lahat ng tao na nasa loob ng simbahan ay nagsisimula nang lumabas. Naglalakad na rin ako palabas kasama ang pamilya Villanueva, nasa unahan namin si Doña Luzvimida at Don Samuel habang sya naman ay pilit na sinasabayan ang lakad ko. Pilit ko rin namang binibilisan ang lakad ko ngunit mas malaki ang hakbang nya kaysa sa akin, ang hirap ding maglakad ng mabilis dahil sa suot kong saya.

"Binibini, may masama ba akong nagawa sa iyo?" Pahabol nyang tanong, patuloy akong naglakad habang ang tingin ay diretso sa daan. "Oo," sagot ko kahit wala naman, malamang ay hahaba na naman ang aming usapan dahil kukulitin nya ako kung bakit.

"Paumanhin, maaari ko bang malaman kung ano ang masama kong nagawa sa isang binibining katulad mo?" Tanong nya tulad ng aking inaasahan, sandali ko syang sinulyapan.

Napaisip naman ako, ano ba kasi ang kasalanan nya sa akin? Maging ako ay hindi na alam kung bakit iyon ang sinagot ko, hindi ko nais isagot ang nagdaan nyang kasalanan dahil humingi na sya ng tawad roon at binigyan na ako ng paborito kong ubas. Napangiti ako ng kaonti dahil nagustuhan ko ang ubas na iyon, ang mga bigay na ganoon ang nais kong hindi pa ang huli.

Napatigil ako sa paglalakad dahil tumigil si Doña Luzvimida at Don Samuel, napatingin ako sa isang Don at Doña na nasa harapan ng mag-asawang Villanueva ngayon. Agad silang nagbatian na tila ba ngayon lang sila nagkita matapos ang ilang siglo, nagyakap ang dalawang Doña habang nagkamay naman ang dalawang Don at nagyakap na rin. Mukhang kaibigan nila ang mag-asawang iyon.

"Gwenaelle!" Napatingin ako sa tumawag na akin, napatigil ako ng makita si Carolina na nakangiting kumakaway sa akin ngayon. Agad syang lumapit sa akin at niyakap ako ng mahigpit, hindi ko naman alam ngayon kung yayakapin ko ba sya pabalik.

Si Carolina Mendoza na syang aking kababata ngunit hindi ko sya kaibigan, kaibigan ang turing nya sa akin ngunit hindi ganoon ang turing ko sa kanya. Makulit sya noon pa man kung kaya't hinayaan ko na lang sya kung anong gusto nya, palagi syang nariyan para sa akin ngunit nakaramdam ako ng lungkot nang mabalitaan ko na umalis sila ng biglaan at nagtungo sa Europa upang doon mamalagi. Nagbalik na pala sya.

"Danyiel!" Sinundan ko ng tingin si Carolina hanggang sa mapatingin sya kay Danyiel, nakangiti naman si Danyiel habang pinagmamasdan si Carolina. Magyayakap sana sila ngunit pareho silang napatigil nang maalala na hindi maaari iyon, lalong-lalo na at narito ako ngayon. Hindi ko alam ngunit parang sumama ang loob ko dahil doon, mukhang may dahilan na ako upang magkaroon ng sama ng loob sa kanya.

"Halina't tayo'y magtungo sa aming tahanan, tayo'y magtanghalian ng sabay-sabay!" Nakangiting anyaya ni Doña Luzvimida, tumango naman silang lahat maliban sa akin. Ano pa nga ba ang magagawa ko?

PAGKARATING namin sa Hacienda Villanueva, nagsimula na silang magsibabaan sa kalesa. Sasamahan sana ako ni Danyiel sa aming kalesa ngunit agad kong ipinaandar ang kalesa kay Mang Eduardo papunta sa tahanan nila, mukhang masaya naman sya kung hindi man nya ako tatabihan dahil sisimangutan ko lang naman sya.

Pababa na sana ako ng mapatingin ako kay Danyiel na kabababa lang ng kalesa, ang mga Don at Doña ay nauna nang pumasok sa loob ng Hacienda Villanueva. Napatingin ako kay Carolina na pababa pa lamang ngunit walang aalalay sa kanya pababa, napatingin muli ako kay Danyiel na palipat-lipat na ang tingin sa aming dalawa. Sa huli, pinili ko na lang bumaba mag-isa tulad ng aking nakasanayan. Nagdire-diretso na ako papasok sa loob dahil hindi ko nais masilayan ang pag-alalay ni Danyiel kay Carolina.

Pagpasok ko sa loob ay napatingin ako sa hapag dahil naroon na sila, napatingin sa akin si Doña Luzvimida. Tumayo sya at lumapit sa akin, iginayak na nya akong umupo sa tabi nya. Doon na lang din ako umupo. Ilang sandali pa ay may narinig akong ilang yabag ng sapatos, marahil ay silang dalawa na iyon. Napatingin ako sa gilid ko ng may tumabi sa akin, nagulat ako nang makita na si Danyiel iyon ngunit hindi ko na ipinahalata pa. Inalis ko na lang ang tingin ko sa kanya.

Si Don Samuel at Don Mendoza ang nasa magkabilang kabisera, magkaharap naman si Doña Mendoza at Carolina na malapit sa kabisera kung saan nakaupo si Don Mendoza. Nakalimutan ko na kasi ang pangalan nila. Napatingin muli ako kay Danyiel at agad lumipat iyon kay Carolina dahil isang upuan lang ang pagitan nila, napaiwas na lang muli ako ng tingin. Sa ganitong sitwasyon, nais ko na lang umuwi kahit mag-isa lang.

Napatingin ako kay Doña Luzvimida nang lumipat sya sa katapat nyang upuan. "Naalala ko na ito pala ang aking pwesto sa hapag. Pasensya na," nakangiting paghingi ng paumanhin ni Doña Luzvimida at tinignan ang kanyang anak, dahil doon ay napatingin naman ako kay Danyiel na lumipat sa pwesto kung saan nakaupo kanina si Doña Luzvimida. Anong ginagawa nila?

Napatingin ako kay Carolina na nakangiti pa rin ngayon, palangiti talaga sya. Nagdasal na kami bago magsimulang kumain, nagsimula na ring magsalita si Doña Mendoza. "Hindi ba't ikaw si Binibining Gwenaelle Fernandez? Ang anak ni Don Gillermo Fernandez?" Tanong sa akin ng Doña, tumango naman ako. "Opo Ina, sya ang aking kababata. Sa kasamaang palad ay nagkahiwalay kami ng tayo'y magtungo sa Europa," sabat ni Carolina, napatango naman ang kanyang Ina.

"Nakarating sa amin ang balitang tungkol sa pag-iisang dibdib ni Ginoong Danyiel at Binibining Gwenaelle. Ipinahahatid namin ang pagbati sa inyo," pormal na pagbati ni Don Mendoza, tinanguhan ko sya. Dapat ba akong magpasalamat?

"Maraming salamat po," magalang na sabi ni Danyiel at sumulyap sa akin na tila ipinaparating na magpasalamat din ako, tinignan ko rin sya sandali bago tumango. "S-salamat ho," hindi siguradong pasasalamat ko, hindi ako sanay magpasalamat. Tumango-tango naman si Don Mendoza bago magsimula ng usapin tungkol sa politika at iba pa, wala naman akong maintindihan kung kaya't nagsimula na lang akong kumain. Ang sarap talaga ng mga handa nila sa tuwing may mga bisita, agawin ko na kaya ang kanilang mga taga-luto?

NARITO ako ngayon sa tapat ng bintana, malayo sa hapag kung saan naroon pa rin si ang mga Don at Doña. Hindi ko alam kung nasaan si Carolina at Danyiel ngunit wala na akong pakielam pa, aking napag-alaman kanina na naging magkaibigan pala sila sa Europa. Sa Europa nga pala namalagi si Carolina sa loob ng mahabang panahon habang si Danyiel naman ay doon nag-aral.

Kung sakali man, anong laban ng isang estranghera sa isang kaibigan? Hindi ko naman sya kaibigan, hindi ko rin alam kung bakit ganito ang nararamdaman ko. Na sa huli, palagi akong wala sa tuwing nariyan na ang nararapat.

Nanatili akong nakatulala sa kalangitan hanggang sa may maramdaman akong presensya na papalapit sa akin, tumabi na sya sa akin mula sa aking pagkakasandal sa isang pader kung saan matatanaw ko ang buwan na paparating. Nang maamoy ko ang pamilyar nyang pabango ay alam ko na kung sino ang nasa tabi ko ngayon, walang iba kung hindi si Danyiel.

"Bakit ka narito?" Walang emosyong tanong ko at sinulyapan sya, nakatingin rin sya sa kalangitan. Wala pa ang dilim ngunit nagsimula nang sumilay ang buwan, napatingin na rin sya sa akin at napangiti. "Wala, nais lang kitang samahan..."

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now