ADHIKA KABANATA 1

237 15 51
                                    

[Kabanata 1 - Ang Itinakda]

TAHIMIK ang buong kapaligiran, narito ako ngayon sa aking silid. Tulad ng dati ay mag-isa na syang nakasanayan ko na, na syang gusto ko. Tanghaling tapat na ngunit hindi naman ganoong kainit, may araw ngunit hindi ko naman ito ramdam. Bukas ang bintana sa loob ng cuarto ko na ang dahilan kung bakit pumapasok ang sariwang hangin sa loob.

Nakaupo ako sa isang silya at ang katapat ko ay isang salamin, pinagmamasdan ko ang sarili ko habang sinusuklay ang dulo ng aking buhok. Tuwid at mahaba ang kulay itim kong buhok, mula noon hanggang ngayon ay ito ang ayos ng buhok ko.

Sa totoo lang ay iniisip ko ngayon ang ginoong nakabungguan ko noong nakaraang linggo, hindi sya mawala sa aking isipan. Kung anu-ano na ang pumasok sa aking isipan sa makalipas na isang linggo, pinagsusuntok at pinagsisipa ko na sya sa aking imahinasyon. Napabuntong hininga ako, sa palagay ko ay hindi pa sapat iyon. Kailangan nya ring magkumpisal sa simbahan dahil sa kapangahasang kanyang ginawa sa akin, hindi ko naman ginawa iyon dahil hindi naman ako ang mapangahas na humawak sa kanya.

Ipakulam ko kaya sya? Napailing ako sa ideyang iyon, ayokong makipagsabwatan sa isang mangkukulam. Baka mamaya ay ako ang pagdiskitahan nya matapos nyang kulamin ang ipinakulam ko, pinalaki akong mabait ni Ina ngunit palaban. Sa tingin ko ay mabait pa rin naman ako hanggang ngayon, wala nga lang paki sa kanyang mundo. Marahil ay isa akong mabait na kinulang sa galang.

Napatingin ako sa pinto ng may kumatok roon. "Sino iyan?" Tanong ko, bumukas ang pinto at bumungad sa akin si Purificasion na nakadungaw mula sa pinto.

Sya ang aking tagasilbi, labing limang taong gulang pa lang sya. Kayumanggi ang balat, kulot ang mahabang buhok, mapupungay ang mga mata at may magandang ngiti. Bata pa sya ngunit dahil sa hirap ng buhay ay kailangan nyang magtrabaho, noong labing tatlong taong gulang sya nagsimulang magsilbi sa aming hacienda bilang isang kasambahay.

"Señora Gwenaelle, may mahalaga po akong sasabihin sa inyo," saad nya, sumenyas ako na pumasok na sya sa loob. Maingat nya namang isinara ang pinto at nagbigay galang sa akin. Tinignan ko muli sya ng nagtatanong, nakuha nya naman iyon.

"Paparating na po ngayon ang mag-amang Villanueva. Nagbalik na po ang anak ni Don Samuel mula sa Europa," panimula ni Puring na kanyang palayaw, nagtataka ko naman syang tinignan. Kilala ko si Don Samuel dahil matalik syang kaibigan ni Ama, ang hindi ko kilala ay ang anak nyang nagmula sa Europa ayon kay Puring. Napatigil ako ng may pumasok sa aking isipan.

"Ang bilin po ni Don Gillermo ay ayusan ka dahil hindi magtatagal ay darating na daw ang inyong mapapangasawa." Nabitawan ko ang suklay na hawak ko matapos marinig ang sinabi ni Puring, alam ko namang hindi magtatagal ay mangyayari rin ito ngunit hindi ko pa rin mapigilang mabigla.

Ngayong taon ay nabanggit sa akin ni Ama ang tungkol sa aking mapangangasawa, nasa edad dalampu't anim na ako at hindi nya nais na ako'y tumanda mag isa. Simula nang matuklasan ko ang ibig sabihin ng salitang pag-ibig ay hindi ko kailanman naramdaman iyon sa isang tao, imposible rin naman dahil iwas ako sa lahat ng tao. Ngayon ay may itinakda na ni Ama ang aking pakakasalan, isang lalaking hindi ko naman kilala.

Hindi ko matanggap na ganito ang mangyayari sa akin, hindi ko magawang isipin ang aking magiging buhay kasama ang isang lalaking ngayon ko lang makikilala. Napahinga ako ng malalim at tinignan si Puring na inosenteng nakatingin sa akin ngayon, kung anu-ano na naman tuloy ang pumasok sa aking isipan. Naisip ko na ano kaya kung magpatulong ako kay Puring na tumakas ngayon at magtago-tago?

Napailing ako sa ideyang iyon, alam kong hindi naman sya papayag. Marahil ay kaya ko syang papayagin kapag tinakot ko sya ngunit masyado na akong masama kung gagawin ko iyon, hindi ko rin naman nais madismaya si ama sa akin. Napasandal ako sa aking kinauupuan, naiinis ako ngayon. Nais kong magwala ngunit narito si Puring, hindi ko na alam ngayon kung paano tatakasan ang nakatakdang mangyari.

"Señora, nauubos na po ang ating oras. Marahil ay malapit na ngayon ang mag-amang Villanueva, naligo na po ba kayo?" Tanong ni Puring na ikinagulat ko, "Mukha bang hindi?" Taas kilay na tanong ko, nagitla naman si Puring at napayuko. Marahil ay iniisip nya ngayon na isa akong matapobre at masamang señora, medyo totoo ngunit ito ang paraan ko upang hindi nila abusuhin ang nakatago kong kabaitan.

Sa oras na maging mabait ako sa kanilang paningin, pupurihin ka nila na syang ikakatuwa mo. Ngunit kaakibat ng papuring iyon ay ang pansarili nilang interes mula sa iyong kabaitan, ito ang nakatatak sa isip ko kung kaya't marahil sa isipan ng lahat ay pinaglihi ako sa sama ng loob. Napahinga ako ng malalim, marahil ay makikiusap na lang ako mamaya sa ginoong nakatakdang ikasal sa akin na itigil ang kasal kapag kaming dalawa lang. Sa totoo lang ay mas gusto kong tumanda mag-isa kaysa magkaroon ng asawa.

"Ako na ang bahala sa aking sarili. Makakaalis ka na," tulalang saad ko. "Masusunod po," magalang na sabi ni Puring bago tuluyang lumabas sa aking cuarto, napapikit ako sa inis. Pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin bago simulang ayusan ang sarili ng walang kabuhay-kabuhay.

"SEÑORA, tapos na po ba kayong mag-ayos?" Sandaling dumapo ang aking tingin kay Puring nang magtanong sya. Nakadungaw sya ngayon sa pinto, lumabas nga sya ngunit nasa tapat lang sya ng pinto dahil baka daw tumakas ako. "Mukha bang hindi," walang ganang saad ko, walang halong pagtatanong. Napakamot naman sya sa kanyang ulo, dalawang taon ko na syang sinasagot ng pabalang kung kaya't dapat ay masanay na sya.

Tapos na akong mag ayos, hindi naman makapal ang kalorete na linagay ko sa mukha ko dahil hindi naman talaga ako ganoon mag ayos. Minsan lang din naman ako mag ayos dahil tinatamad ako, pinaaliwalas ko lang ang aking mukha at sinuklay ng maayos ang aking buhok. Inayos ko rin ang pagkakasuot ng aking puting baro at lilang saya, napangiti si Puring nang makita ang aking ayos.

"Kay ganda nyo po talaga," nakangiting papuri nya, hindi naman ako umimik ngunit ang totoo ay nakararamdam ng saya ang aking puso kahit papaano. Sabay kaming napatingin sa bintana nang may marinig kaming tunog ng kalesa, naglakad si Puring papunta sa bintana at sumilip roon. "Señora, naririto na po sila!" Saad ni Puring, napapikit naman ako. Nakararamdam ako ng kung anong kaba dahil narito na sila, wala na akong takas pa.

"Señora, bumaba na po tayo," rinig kong sabi ni Puring, idinilat ko na ang aking mga mata. Kinakabahan ako ngunit hindi ko ipinapakita iyon, sa paningin nya ay nananatili akong walang emosyon na tila walang pakielam. Huminga ako ng malalim bago tumayo at kinuha ang aking abaniko na kulay lila, naramdaman ko ang panlalamig ng aking kamay.

Binuksan ni Puring ang pinto para sa akin, napalunok ako bago humakbang palabas. May narinig akong mga boses sa labas, senyales na naroon na sila at marahil ay kinakausap ni Ama. Bumaba ako nang hindi tumitingin sa kanila, nahihiya ako at kinakabahan din ngunit sa paningin nila ay wala pa ring emosyon ang aking mukha.

"Nariyan na ang aking anak!" Rinig kong sabi ni Ama, huminga ako ng malalim bago dahan-dahang nag angat ng tingin. Nakita ko si ama na nakatayo mula sa kabisera ng hapag kainan, nasa kabilang kabisera naman si Don Samuel. Sa kanyang gilid naman ay nakaupo roon si Doña Luzvimida na syang asawa ni Don Samuel, hindi naman ganoong kahaba ang lamesa dahil kaming dalawa lang naman ni Ama ang nakatira sa loob ng tahanang ito. Tumayo silang apat upang salubungin ako, sa katabi naman ni Doña Luzvimida dumapo ang aking tingin.

Nanlaki ang mga mata ko ng makita at makilala ang lalaking mapapangasawa ko, maging sya ay nagulat ng makita ako. Hindi ko na alam ngayon kung ano ang mararamdaman ko dahil sa katotohanang si Danyiel Villanueva na syang nakabungguan ko noon sa palengke ang aking mapapangasawa.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now