ADHIKA KABANATA 17

60 5 9
                                    

[Kabanata 17 - Nagugulumihanan]

"A-AKO'Y tutungo muna sa palikuran," natatarantang sabi ko at dali-daling tumayo ngunit pagkatayong-pagkatayo ko pa lang ay umikot agad ang aking paningin. Nawalan ako ng balanse ngunit mabuti na lang at nasalo ako ni Danyiel, palagi nya na lang akong nasasalo. Maging ang bimpong dumulas sa aking noo ay nasalo nya rin, kusa kong itinayo ang aking sarili dahil sa takot na marinig nya ang pagkabog ng aking puso.

Nahihilo pa rin ako kung kaya't ipinatong ko muna ang aking kamay sa balikat ni Danyiel at ipinikit ang aking mga mata, kapangahasan man iyon sa mata ng lahat ngunit sa dami ng parte ng aming katawan na nahawakan namin sa isa't isa ay hindi na ito malaking bagay pa. Sya nga ang mas malala dahil nahawakan nya na ako sa aking noo, leeg, kamay, at likod.

Ngunit bakit ba kasi sya nagbibitaw ng mga salitang ganoon? Hindi nya ba alam na ito'y nagdudulot ng kaba at pagkalito sa akin? Nakakalito, Nakakainis, Hindi ko na alam ang mararamdaman ko!

"Bakit ba ika'y biglang tumayo? Maaari mo namang sabihin sa akin nang ika'y maalalayan ko," rinig kong tanong at sabi nya. Dahil natataranta ako sa iyong sinabi, kasalanan mo iyon. Nais kong sabihin iyon sa kanya ngunit huwag na lang pala, idinilat ko na ang aking mga mata.

"K-kaya ko naman," saad ko at umiwas ng tingin, binitawan at linagpasan ko na sya bago dali-daling lumabas ng aking silid ngunit napapikit ako nang maramdaman ang presensya nyang patuloy na sumusunod sa akin. Ang kulit nya talaga!

Naging mabagal lang ang aking paglalakad dahil nahihilo ako, hinahawakan ko ang mga bagay na maaari kong makapitan dahil baka ako'y mawalan na naman ng balanse. Malamang ay tutulungan na naman ako ng isang 'to, palagi nya na lang akong tinutulungan. Kay rami na ng utang na loob ko sa kanya. Kahit nahihilo ay binilisan ko pa rin ang aking paglalakad.

Nang marating ko na ang aming palikuran na nasa ikalawang palapag din ng aming mansyon ay nilingon ko na sya. "Ano? Maging sa palikuran ba ay sasamahan mo ako?" Taas kilay na tanong ko, nakaramdam ako ng kilabot dahil sa sinabi ko. Totoo bang tinanong ko iyon sa kanya? Kay pusok ng tanong ko!

Nakita ko nang magulat sya dahil sa tinanong ko, nakaramdam tuloy ako ng hiya. Mabuti na lang at hindi kalaunan ay ngumiti rin sya, mabuti na lang at palangiti sya. Sandali, bakit sya ngumiti?!

Magsisisigaw na sana ako ngunit nagsalita na sya. "Mag-iingat ka. Tawagin mo ako kung may problema," sinseryong sabi nya at umatras na, muli ay tila hinaplos ang puso kong unti-unti nang kumakawala mula sa kanyang pagkakatali sa kalungkutan.

Tumango na lang ako at pumasok na sa palikuran, pagkasarang-pagkasara ko ng pinto ay napasandal ako roon at napahawak sa aking puso. Bigla ay pumasok sa aking isipan ang lahat ng kanyang mga sinabi, napahawak ako sa aking bibig at napatili ng walang boses. Ako'y nagugulumihanan na!

MAKALIPAS ang ilang sandali sa loob ng palikuran, sa wakas ay napagdisisyonan ko nang lumabas. Wala naman talaga akong kailangan sa palikuran ngunit ito ang naisipin kong dahilan upang makatakas sa kanyang paningin, kanina pa ako paikot-ikot rito sa loob dahil hindi mawala ang kaba sa aking dibdib.

Habang pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin, huminga ako ng malalim at muling inayos ang pagkakasuot ng aking baro bago tuluyang lumabas ng palikuran. Dumiretso na ako sa aking silid ng may tinatagong ngiti sa labi, pagkabukas ko ng pinto ay dahan-dahang nawala ang aking ngiti nang makita si Carolina at Danyiel roon.

May dalang bakol (basket) si Carolina at nakatingin na sa akin, si Danyiel naman ay nasa kalagitnaan ng paglilinis sa kanyang mga ginamit na panggamot sa akin nang mapatingin sa akin. Marahil ay napagtanto ni Carolina na hindi maganda sa aking paningin na makita silang dalawa sa iisang cuarto dahil gumuhit sa mukha nya ang pagkagulat, lumapit na sya sa akin.

"Kapapasok ko lang rito, nawa'y huwag mo kaming pag-isipan ng masama. Hindi ko alam na narito pala si Danyiel," pagtatama ni Carolina, nanatiling walang emosyon ang aking mukha. Ganoon na ba silang kalapit sa isa't isa upang tawagin nya si Danyiel sa kanyang mismong pangalan?

Parang bumigat bigla ang aking damdamin, napatingin ako kay Danyiel na nakatingin pa rin ng diretso sa akin na tila ba binabasa nya ang aking nararamdaman. Iniwas ko na lang ang aking tingin sa kanya sapagkat hindi ko nais na malaman nya ang nararamdaman ko, tumingin na lang muli ako kay Carolina.

"Ang totoo niyan, kaya ako naririto ay dahil nabalitaan ko mula sa aking tagasilbi na may sakit ka raw. Ako'y labis na nag-alala kung kaya't hindi na ako nagdalawang isip pa na puntahan ka at dalhan ng masusustansyang prutas," dagdag nya at inabot sa akin ang dala nyang bakol, kay bilis namang kumalat na ako'y nagkasakit lang. Muli akong napatingin kay Danyiel, kailangan ko rin ng kanyang paliwanag ngunit tila wala naman syang balak na gawin iyon.

Mas lalong nawala ang emosyon sa aking mukha nang makita ko na napangiti si Danyiel ng kaonti, marahil ay napangiti sya dahil sa kabutihang loob ni Carolina. Tila biglang naglaho ang nabubuo kong kasiyahan, walang emosyon akong napatingin kay Carolina at tinanguhan na lang sya bago tanggapin ang bakol na inaabot nya sa akin.

Ipinatong ko ito sa lamesa bago naglakad ng diretso papunta sa aking kama at humiga roon bago magtalukbong, nagtulog-tulugan upang sila'y umalis na. Parang biglang sumama ang aking loob, dito pa talaga sila nagtagpo sa aking cuarto. Pinigilan ko na lang ang aking nangingilid na luha. Walang emosyon man ako sa paningin ng lahat ngunit tao rin ako na may pakiramdam, na nasasaktan.

"Mukhang nais nang matulog ni Gwenaelle," rinig kong sabi ni Carolina at bumuntong hininga. "Nawa'y magpagaling ka kaibigan. Paalam na rin," dagdag nya, nanatili akong tulala. "Paalam na rin sa iyo, Ginoong Danyiel." Alam kong si Danyiel na ang kinakausap nya ngayon.

Makalipas ang ilang segundo ay wala naman akong narinig na tugon kay Danyiel, narinig ko lang ang pagbukas at pagsara ng aking pinto. Marahil ay umalis na sila nang magkasama. Maingat akong sumilip mula sa aking pagkakatago sa kumot at napatigil ako nang makita pa rin si Danyiel, nakatalikod sya sa akin ngayon at mukhang tapos na syang maglinis. Dali-dali akong nagtalukbong muli at ipinikit ang aking mga mata, naririnig ko ngayon ang malakas na pagkabog ng aking puso.

Narinig ko ang paghakbang nya, akala ko ay aalis na sya ngunit naramdaman ko ang pag-upo nya sa dulo ng aking kama. "Mukhang sumama ang iyong loob dahil sa iyong nasilayan, paumanhin. Mali ang iyong iniisip, kailanman ay hindi ako magtataksil sa iyo. Wala man tayong romantikong ugnayan, mahalaga ka pa rin sa akin kung kaya't hindi ko nais na ika'y patuloy na malugmok sa kalungkutan. Magpagaling ka, narito lang ako palagi. Paalam na rin sa 'yo, Gwen." Ang mga salitang binitawan nya ay diretsong tumama sa aking puso, ang aking hinihinging paliwanag mula sa kanya ay ibinigay na nya.

Naramdaman ko na tumayo na sya at maingat na lumabas sa aking cuarto, dahan-dahan akong tumayo at napatulala sa pinto kung saan sya lumabas. Napapikit ako at muling napahawan sa aking puso, ang aking puso na ngayon ay... Nagugulumihanan.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now