ADHIKA KABANATA 14

65 4 13
                                    

[Kabanata 14 - Takbo ng Pag-ibig]

"SA aking palagay ay ito ho ang nais puntahan ni Binibining Gwenaelle," napatingin ako sa isang bundok na may iba't ibang lebel ang taas, napatingin sa akin si Danyiel. Tumango ako ng isang beses. Narito ako ngayon at kasamang muli si Danyiel, ang sabi nya kasi kanina ay sasamahan nya ako kahit saan man ako magpunta.

"Hindi ho kakayanin ng ating kalesa na pumanik sa bundok na iyan, pagod na po ang kabayo at kailangan nya ng sapat na lakas. Hindi na nya kakayanin pa ang kabigatan natin lalo na't kasama natin si Binibining..." Hindi na natuloy ng kutsero ang kanyang sasabihin at napatingin lang sa akin, nagulat naman ako ng mapagtanto ang nais nyang iparating. Sinasabi nya ba na ako'y sumusobra sa timbang?!

"Huwag po kayong mag-alala Mang Tomas, dumito na lang po kayo at alagaan ang kabayo upang manumbalik ang kanyang lakas. Sasamahan ko na lang po si Binibining Gwen," Sabat ni Danyiel, taas kilay naman akong napatingin sa kanya. Mukha bang gusto ko syang kasama?

Tumango lang ang kutsero na sa tingin ko ay si Mang Tomas, mukhang kinukunsinti nya ang kapusukan ni Danyiel. Ayos lang sa kanya kahit kaming dalawa lang ni Danyiel ang magtutungo sa itaas ng bundok? At sa gitna ng dilim?!

Bumaba na si Danyiel habang hawak ang isang lampara, mabilis nyang inilahad ang kanyang kamay sa akin at nginitian ako upang hindi na ako bumaba pa ng mag-isa. Tinanggap ko na ang kamay nya at ang tulong nya sa akin pababa ng kalesa, nang makababa ako ay inilibot ko ang aking paningin.

Hinawakan ko ng mahigpit ang suot kong talukbong dahil tinatangay ito sa lakas ng hangin. Kay lamig ng paligid, mabuti na lamang at nagdala ako ng talukbong. Napatingin ako sa kanya at nakatingin lang sya sa akin, pilit kong binabasa ang ikinukubli ng kanyang mga mata ngunit nabigo lang ako. Ang hirap nyang basahin. Ano kayang tumatakbo sa isip nya?

"Tayo na," saad nya at huminga ng malalim bago naunang maglakad papanik sa bundok, sa may pinakamababang taas lang naman ang aming pupuntahan at sa tingin ko ay kaya naman naming dalawa ito. Lihim akong napangiti ng kaonti habang pinagmamasdan syang nakatalikod sa akin ngayon, naglakad na ako pasunod sa kanya.

HABANG patuloy kami sa pagpanik sa tuktok ay nadudulas ako minsan dahil sa mga lupa at wala ring hawakan, napansin nya iyon kung kaya't agad syang napatingin sa akin. "Nahihirapan ka ba?" Tanong nya, bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. Agad akong umiling, nagsisinungaling. Napatitig sya sa akin sandali bago ilahad ang kanyang kamay, mukhang nahuli nya ang aking pasisinungaling.

Ako na rin namang pahirapan ang aking sarili kung kaya't tinanggap ko na ang kamay nya, nakita ko ang pasimple nyang pagngiti dahil sa aking ginawang pagtanggap sa kamay nya. Hindi ko alam ngunit napangiti ng kusa ang aking mga labi nang makita ang matamis nyang ngiti, muli na kaming nagpatuloy sa pagpanik ngunit sa pagkakataong ito ay maghawak na ang aming mga kamay.

Pakiramdam ko ay biglang namawis ang aking kamay habang hawak nya ito ng mahigpit, hindi naman ako pasmado. Ang lakas ng tibok ng puso ko habang hawak nya ang aking kamay na nahihirapang tanggapin ang tulong ng iba dahil natatakot sya. Ilang sandali pa ay narating na namin ang tuktok ng bundok, nakaramdam ako ng saya dahil narating namin ang bundok na ito ng magkasama.

Sabay kaming napatingin sa buwan na nagbibigay liwanag ngayon sa aming kapaligiran, umihip ang malamig na hangin na kay sarap sa pakiramdam. Ibinaba ko na sa aking balikat ang suot kong talukbong. "Bakit mo nga pala nais magtungo rito?" Napatingin ako sa kanya dahil sa tanong nya.

Dahil sa iyo.

Nais kong sagutin iyon ngunit ayoko namang isipin nya na sya ang gumugulo sa aking isipan na totoo naman. Uupo na sana ako sa sahig ngunit naramdaman ko ang kamay naming magkahawak pa rin ngayon, kay lambot ng kamay nya. Napatikhim ako at nauna nang bumitaw sa kamay naming magkahawak dahil mukhang wala naman syang balak na unahan ako.

Umupo na rin sya sa aking tabi ngunit hindi na ako nagulat pa, ano pa nga ba ang maaasahan ko sa mapusok na ito? Kapag sinabi ko naman iyon sa kanya, sasabihin nya na nakatakda kaming ikasal kung kaya't hindi na iyon malaking bagay pa.

"Bakit mo nais magtungo rito?" Tanong nya muli, nanatili akong nakatingin sa buwan. "Bakit tayo naririto?" Tanong nya ulit sa pangatlong pagkakataon, gusto kong matawa dahil tila nakikipag usap sya sa hangin ngunit patuloy pa rin syang nagtatanong.

"Wala. Nais ko lang magpahangin," palusot ko, nagtaka ako nang tumango sya. Hindi nya ba nahalata ang palusot ko?

"Ako rin, nais kong magpahangin. Nais kong huminga," napatingin ako sa kanya dahil sa sinabi nya, napatitig ako sa mga mata nyang nasa buwan ang tingin. Nais kong mabasa ang kanyang nararamdaman ngunit hindi ko magawa, ang hirap nya talagang basahin.

"Bakit? May problema ka ba?" Tanong ko, sa pagkakataong iyon ay napatingin sya sa mga mata ko. Pakiramdam ko ay may nais syang sabihin ngunit hindi nya magawa, pinili nya na lang ngumiti.

"Bakit mo nais malaman? Ikaw ay interesado sa akin ano?" Nakangiting tanong nya, naroroon na naman ang ngiti nyang nang-aasar. Napailing na lang ako, kay lakas talaga ng tama ng lalaking ito.

Nanatili syang nakangiti, muli na lang akong napatingin sa buwan. Ang usapan ay magpupunta ako rito upang isigaw itong nararamdaman ko ngunit heto ako ngayon at kasama ang syang nilalaman ng aking isipan, pakiramdam ko ay nawala na ang lahat ng aking isipin dahil kasama ko sya. Minsan ay napaiisip ako kung sya ba talaga ang malas sa aking buhay? Gayong sya ang nagdadala ng ngiti at saya sa aking kalooban.

"Kung bibigyan ka ng pagkakataong humiling ng kahit anong bagay na iyong gusto, ano ang iyong magiging Adhika?" Napatingin ako sa kanya nang magtanong sya.

"Ang mabuhay ang aking Ina," diretsong sagot ko, ito ang aking nag-iisang kahilingan ngunit kailanman ay hindi na ito maaaring mangyari pa dahil hindi maaaring maibalik ang buhay ng isang tao. Napatango sya sa sinabi ko, may alam kaya sya tungkol sa aking Ina?

"Ikaw? Ano ang iyong nag-iisang Adhika?" Tanong ko naman, hindi ko maunawaan kung paano ko sya nagawang tanungin pabalik na kung dati ay hindi ko nga man lang masagot ang isang simpleng tanong dahil inilulugmok ko ang aking sarili sa kalungkutan at poot.

"Ang makita kang masaya..." Napatigil ako at napatingin ng diretso sa mga mata nya. Sa dinarami ng maaaring maging kahilingan, bakit ang makita akong masaya ang kanyang Adhika?

Tila hinaplos ang aking puso dahil sa kanyang sinabi, bibigyan ko sana sya ng ngiti ngunit pareho kaming napatigil ng may maramdamang patak ng ulan. Pareho kaming gulat na napatingin sa isa't isa, paparating na ang ulan!

Tumayo na kami, laking gulat ko nang humarap sya sa akin at itinaas sa aking ulo ang suot kong talukbong. "Tumakbo na tayo," ngiti nya at hinawakan ng mahigpit ang aking kamay ng walang paalam sa akin, nais ko sana syang sungitan ngunit magkahawak kamay kaming tumakbo na paalis sa lugar na iyon.

Sa kalagitnaan ng pagbuhos ng ulan at ng aming pagtakbo, napatingin ako sa kanya at sa pagkakataong iyon ay hindi ko na mapigilan pa ang pagkawala ng ngiti sa aking labi na kanina ko pa pinipigilan. Isang ngiti na hindi peke kung hindi isang ngiti na puno ng saya at tamis dahil sa sandaling ito kung saan kasama ko sya...

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now