ADHIKA KABANATA 18

57 6 6
                                    

[Kabanata 18 - Tinatangi]

MAKALIPAS ang ilang araw ay bumuti na rin ang aking pakiramdam, maaga akong gumising ngayong araw dahil magsisimba kami ni Ama ngayong araw. Minsan ay sumagi sa aking isipan ang tungkol sa magkakapatid, masyadong kaonti ang myembro ng aming pamilya. Sa totoo lang ay nakakabagot ng maging mag-isa, ano kaya ang pakiramdam kapag ikaw ay may kapatid?

Pagkatapos kong maligo ay dumating si Puring at tinulungan akong magbihis, sya na rin ang nag-ayos ng aking buhok at nagpaaliwalas sa aking mukha. Kulay puting baro at asul na saya ang aking suot na binurdahan ng mga bulaklak, naalala ko ang sinabi ni Danyiel na bagay sa akin ang makukulay na kasuotan tulad ng asul. Matapos itirintas ni Puring ang aking buhok papunta sa likod ng aking tainga ay tumayo ako at umikot sa harap ng salamin.

"Bagay ba?" Nag-aalinlangang tanong ko, tumango naman ng tatlong beses ni Puring. "Bagay na bagay po," pagbibigay kumento nya, pinagmamasdan ko ang aking sarili sa salamin. Sana nga.

Umupo na muli ako sa silya, akmang isusuot ni Puring sa aking paa ang bakya ngunit ako na ang nagsuot noon. Kaya ko naman gawin iyon, pakiramdam ko ay nagiging alipin sila sa tuwing ginagawa nila ang mga bagay na ganoon. "Sa susunod ay huwag mo nang gawin iyon," bilin ko sa kanya, nagtaka si Puring ngunit sa huli ay tumango rin sya.

Tumayo na muli ako at muling pinagmasdan ang aking sarili sa salamin, huminga ako ng malalim at kinuha ang aking abanikong kulay asul sa lamesa. "S-salamat," hindi siguradong pasasalamat ko, mabuti na lang at unti-unti ko nang naipapakita ang aking pagpapahalaga sa mga bagay-bagay. Napangiti sya at nagbigay galang sa akin. "Ikinagagalak ko po, Señora."

NARITO na kami ngayon ni Ama sa kalesa, sa labas pa lang ng simbahan ay marami ng kalesa dahil marami ngayon ang nais magsimba. Marami ring nagtitinda ng kung anu-anong makabuluhang bagay tulad ng sampaguita, mga minatamis na pagkain, mga abaniko, at iba pa.

Itinigil na ni Mang Eduardo ang kutsero at bumaba na si Ama, inalalayan nya akong bumaba. "Salamat po Ama," magalang na pasasalamat ko, nakita ko nang mapangiti si Ama at tinanguhan ako. Ang pasasalamat na kay hirap para sa aking banggitin ngunit nagbibigay pala ng ngiti sa kanila, sabay kami ni Amang naglakad papasok sa loob ng simbahan.

Marami ring pamilya ang papasok sa loob. Kapag ikaw ay magsisimba at pupunta sa isang kaganapan, palagi talagang kasama ang iyong buong pamilya. Maraming Don at Doña ang bumabati kay Ama na mukhang mga kakilala at kaibigan nya, isa na roon ang magulang ni Carolina na si Don at Doña Mendoza. Napansin ko na wala si Carolina, nasaan ang babaeng iyon?

Dumapo ang aking tingin sa kararating lang na pamilya, ang mga Villanueva. "Amigo!" Natutuwang saad ni Don Samuel at lumapit kay Ama at Don Mendoza upang makipagkamay at magyakap na rin. "Ika'y nagbalik na pala Gillermo," nakangiting sabi ni Don Samuel, nakangiting tumango naman si Ama. Nagsimula na silang mag-usap tatlo ngunit hindi ko na iyon pinakinggan pa.

Binati ako sandali ni Doña Luzvimida at nakipag-usap na rin kay Doña Mendoza, naiwan tuloy akong mag-isa at walang kausap. Ano ba iyan, pumasok na lang kaya ako sa loob?

Gagawin ko na sana iyon ngunit dumapo ang aking tingin sa lalaking pumapanik sa hagdan, malapit na sya sa akin ngunit hindi nya pa ako nakikita. Ilang araw na rin simula noong huli kaming nagkita. Nakahabol lang ako ng tingin sa kanya hanggang sa tuluyan na syang makapanik, lumilibot ang kanyang mga mata na tila may hinahanap.

Maglalakad na sana sya sa direksyon kung nasaan ang mga Don, Doña at si Ama ngunit napatingin sa akin. Tumigil na sya kalilibot ang kanyang mga mata at napangiti, ang direksyon ng kanyang paglalakad ay napunta na sa direksyon kung nasaan ako. Sa hindi malamang dahilan ay hindi mapigil ang bugso ng aking puso... Sa tuwing papalapit kami sa isa't isa.

Napatulala na lang ako sa kanya hanggang sa tuluyan na syang makalapit sa akin, napatingin kami sa suot ng isa't isa. Nakasuot sya ng asul at nakasuot din ako ng asul, mukhang kami na ang magkapares ngayon. Kumunot ang aking noo nang sumilay ang ngisi sa kanyang labi. "Ikaw ay nakinig sa aking sinabi," nakangising sabi nya, siniringan ko na lang sya upang makaiwas ng tingin.

"Hindi talaga," pagsisinungaling ko at humalukipkip, sumama ang timpla ng aking mukha ng marinig kong tumawa sya. Magsasalita na sana muli ako ngunit sabay na dumapo ang aming tingin sa pumapanik ngayon sa hagdanan ng simbahan, si Carolina.

Nakasuot sya ng kulay puting baro't saya at puno ng binurdahang rosas ang kanyang saya, napakaaliwalas ng kanyang mukha at mukhang masaya sya. Dumapo ang tingin nya sa amin, napangiti sya ng mayumi at dumiretso papalapit sa amin. Napatingin ako kay Danyiel at napatulala sya kay Carolina. "Magandang umaga sa inyo, ako'y nagagalak na makita kayo. Kumusta lalong-lalo na sa iyo Gwenaelle? Mabuti na ba ang iyong pakiramdam?" Sinseryong tanong nya, naalala ko tuloy nang sumama ang aking loob sa kanya noong nakaraang araw.

Tumango na lang ako at muling tumingin kay Danyiel nang hindi lumilingon sa kanya, tanging ang aking mga mata lang ang gumagalaw upang makita ang nais kong makita. Nakatingin na sya sa aming dalawa ngayon, tinitignan kung sino ang nagsasalita at tumutugon. Magsasalita na sana muli sya ngunit tinawag na sya ni Doña Mendoza, mabilis syang nagpaalam sa amin bago mahinhing naglakad papunta sa kanyang Ina.

Malapit nang magsimula ang misa kung kaya't sila'y pumapasok na, nanatili akong tulala sa sahig habang iniisip ang pagkatulala ni Danyiel kay Carolina. "Binibini? Tayo'y pumasok na," rinig kong sabi nya, dahan-dahan akong tumingin sa kanya. Nagitla sya nang makita ang aking matalim na tingin.

"Akala ko ba ay hindi ka magtataksil sa akin dahil mahalaga ako sa 'yo?" Matalim ang tingin na tanong ko, nagulat sya sa sinabi ko. Mukha syang napatawan ng isang kasalanang wala syang kaalam-alam, mukhang naunawaan nya ring gising ako noong sinabi nya iyon.

Magsasalita na sana sya upang depensahan ang kanyang sarili ngunit inunahan ko na sya. "Kung tinatangi mo sya... Edi sya ang pakasalan mo," inis na sabi ko at iniwan na sya roong mag-isa, nagdire-diretso na ako papasok sa loob ng simbahan. Nakita ko nang mapatingin pa sa akin sina Doña Luzvimida at kay Danyiel na ngayon ay naguguluhang sinundan ako ng tingin.

Nakakasama sya ng loob, nakakainis. Nakakainis ang katotohanang tila ako'y naninibugho.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now