ADHIKA KABANATA 13

61 6 4
                                    

[Kabanata 13 - Pagsalo]

AKO? NANINIBUGHO? ISANG MALAKING HINDI!

Kanina pa ako nanggigigil sa aking ibinuburdang buwan sa isang malinis at puting panyo, iniisip ko na si Danyiel ang buwan na aking ibinurda at pinagtutusok ito ng karayom. Nais kong magsisigaw ngayon sa aking silid ngunit malamang ay may makakarinig ng aking sigaw at iisipin na ako'y nababaliw na.

"Ako'y nanggigigil talaga sa iyo Carolina, pumayag na nga akong sumama sa iyo pero..." Hindi ko na natuloy pa ang aking sasabihin dahil napapikit na ako ng mariin, hindi ako makapaniwalang magmumukha akong isang babaeng naninibughong kasintahan ni Danyiel.

"M-magkasintahan? Oo dahil nakatakda kaming ikasal at hindi dahil ginusto ko. Sa paningin lang nila iyon ngunit hindi sa paningin ko," nakasimangot na sabi ko at binitawan na ang panyo kung saan nakaburda sya— Ang buwan, marahil ay kapag pinagmamasdan ko ang buwan ay sya na rin ang maaalala ko.

Napatingin ako sa kalangitan mula sa bintana, gabi na. Naroon na ang buwan na nagbibigay liwanag sa aking madilim na silid. Hindi ko na kaya pa at nais kong ilabas ang nararamdaman ko, dali-dali akong kumuha ng itim na talukbong at isinuot iyon. Dumungaw na ako sa bintana, may kataasan ito kung kaya't malamang ay mababalian ako sa oras na tumalon ako rito.

Nais ko na lang sanang dumaan sa mismong daan palabas ng Hacienda Fernandez ngunit alam kong hindi ako pahihintulutan ng mga guardia civil na nagbabantay sa labas at loob ng aming Hacienda kahit pa sabihing mas mataas ako sa kanila. Tapat sila kay Ama at malamang ay isusumbong nila ako sa oras na malamang tumakas ako sa aking silid, malamang ay kung anu-anong bagay ang iisipin sa akin ni ama at upang hindi mangyayari iyon ay kailangan kong mag-ingat.

Nagtaka ako ng may marinig na tunog ng kalesa, si Ama kaya iyon? Ilang sandali lang ay napailing ako dahil hindi tama na ako'y umasa, napatingin ako sa pinto ng may kumatok roon. "Binibini, narito po si Ginoong Danyiel!" Pagbibigay alam sa akin ni Puring na syang kumatok, napatigil ako dahil sa sinabi nya. Anong ginagawa nya rito?

"S-sige, ako na ang bahala. Papuntahin mo sya rito sa aking silid," utos ko at titingin na sana muli sa bintana ngunit nakita ko nang magulat si Puring at nabitawan pa ang lamparang hawak nya. Agad nyang kinuha iyon at nanatiling gulat na nakatingin sa akin. Ano ba iyon?

"B-bakit nyo po papupuntahin si Ginoong Danyiel sa inyong silid?" Nagugulat pa ring tanong nya, napatigil ako nang mapagtanto ang ibang bagay na pumasok sa isip ni Puring.

"Ako na nga lang ang bababa," walang ganang saad ko at linagpasan na sya padiretso sa labas ng aking silid, bumaba na ako ngunit naramdaman ko ang mabilis na pagsunod nya.

"Señora, paumanhin po! Galit po ba kayo sa akin?" Rinig kong tanong ni Puring ngunit hindi ko na lang sya pinansin, nais kong malaman kung bakit naririto si Danyiel sa kalagitnaan ng gabi.

Eksaktong pagbukas ko ng malaking pintuan ay si Danyiel agad ang bumungad sa akin, napatingin ako sa kanyang kasuotan at nagulat ako ng makitang naka-itim na sya. Napatingin rin ako sa aking kasuotan, naka-itim pa rin ako at maging ang suot kong talukbong ay kulay itim din. Pupunta ba kami sa patay?

"Bakit naka-itim ka? Hindi ba't naka-kulay luntian ka kanina? Mas bagay sa iyo 'yon," nakasimangot na sabi ko at tumalikod paatras sa loob ng aming tahanan, naramdaman ko namang sinundan nya ako. Umalis na si Puring sa paligid namin bilang pagbibigay ng pribado.

"Para sa akin ay mas bagay sa iyo ang makukulay na damit tulad ng asul," kunot noo ko syang nilingon, bakit napunta sa akin ang usapan?

"Anong gagawin ko? Pati bakit ka ba nandito?" Mataray na tanong ko at naglakad papunta sa bintana upang buksan iyon, napakadilim ng paligid at tanging isang gasera lang ang nagbibigay liwanag sa aming kapaligiran. Kasabay ng pagbukas ko ng bintana ay ang pag-ihip ng hangin na syang yumakap sa akin, sa amin.

"Nais ko sanang isauli sa iyo ang bagay na 'to," sagot nya, napatingin naman muli ako sa kanya. Napatigil ako ng makita ang hawak nyang abaniko na kulay itim, sa akin ang bagay na iyon. Lumapit ako sa kanya at agad kinuha iyon, ang abanikong ito ay nagmula kay Ina kung kaya't mahalaga sa akin ang bagay na ito. Paano ito napunta sa kanya?

"Naiwan mo 'yan sa simbahan dahil nagmadali kang umalis, ibinigay ko na sana sa iyo kanina ngunit agad kang pumasok sa loob ng inyong mansyon ng walang paalam. Hindi ako makatulog dahil rito kung kaya't ibinigay ko na sa iyo ngayon," pagpapaliwanag nya, unti-unti naman akong nalinawan. Kung gayon, sya pa pala ang nag mabuting loob na ibigay ito sa akin kahit sa kalagitnaan pa ng gabi.

"S-salamat," hindi siguradong pasasalamat ko, napangiti sya habang nakatingin pa rin sa akin. Ang kanyang ngiti at titig ay nagdudulot ng pagkabog ng aking patay na puso.

"Walang anuman, ika'y matulog na rin ng mahimbing sapagkat ako'y aalis na. Paalam Binibining Gwen," nakangiti nyang sabi at hinubad ang kanyang suot na sumbrelo bago itapat iyon sa kanyang dibdib, maging ang kanyang pagsambit sa aking palayaw ay nagdudulot ng kiliti sa aking puso dahil sya lang ang tanging tumatawag sa akin no'n.

Tumalikod na sya at nagsimulang humakbang paalis, ang aking tanging nagawa ay pagmasdan ang kanyang pag-alis. Nang marinig ko ang tunog ng kalesa ay tila nagising ako sa katotohanan, nakalimutan ko na ako'y aalis pala!

Dali-dali akong umakyat papanik at dumiretso sa aking kwarto, sinigurado ko muna na nakakandado ang aking silid bago sumampa sa bintana. Buo na ang aking disesyon na tumalon rito, sandali akong nanalangin sa panginoon at huminga ng malalim bago tignan ang nakalululang ibaba, ito ay napalilibutan ng iba't ibang bulaklak.

Alam ko namang mabubuhay pa rin ako sa oras na ako'y tumalon ngunit nawa'y hindi na lang ako mabalian, sana ay sumakto ako sa mga bulaklak. Huminga muli ako ng malalim bago takpan ang aking bibig dahil baka ako'y mapasigaw sa oras na ako'y tumalon, minsan ay hindi ko mapigilang kabahan sa mga ganitong disesyon ko ngunit desidido na akong gawin ito.

Bumilang ako ng isa hanggang tatlo bago diretsong lumundag pababa, napapikit na lang ako habang hawak pa rin ang aking bibig. Naramdaman ko ang aking pagbagsak sa... Napatigil ako dahil tila may kakaiba. Bakit parang hindi mga bulaklak ang sumalo sa akin kung hindi isang tao?

Dahan-dahan akong napadilat at laking gulat ko ng makita si Danyiel na syang sumalo sa akin! "Ano ang iyong pinagagawa? Nais mo na bang mamatay?!" Pabulong na asik nya sa akin, hindi ako nakapagsalita at nanatiling gulat na nakatingin sa kanya. Hindi ako makapaniwalang sinalo ako ng nag-iisang Danyiel Villanueva!

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now