ADHIKA KABANATA 21

47 5 0
                                    

[Kabanata 21 - Pagkabalisa]

LUMIPAS ang ilang linggo at pinakilala at pinatunayan ni Danyiel ang kanyang sarili sa akin, kailanman ay hindi nya binitawan ang kamay ko tulad ng kanyang sinabi. Ito na nga ba ang sinasabi nilang panliligaw? Ngunit bakit nya ginagawa ito? Bakit nya ako liniligawan? Bakit ganito ang ipinararamdam nya sa akin?

Nagugulumihanan ang aking puso't damdamin, tila may nais itong ipahiwatig. May nais itong aminin ngunit hindi ko magawang maamin sa sarili ko. Kung saan-saang lumalop ng Santa Prinsesa na kami napunta, kulang na lang ay pumunta na rin kami sa ibang bayan at bansa. Pinakita nya sa akin ang makulay na mundo sa kabila ng kadiliman nito sa aking paningin, pinakita nya sa akin kung paano maging masaya ng totoo.

Sa tuwing naiisip ko sya, napapangiti ng kusa ang aking mga labi. Paparating na ang buwan ng Agosto, paparating na ang aming nalalapit na kasal. Tulad ng aking sinabi sa teatro, inamin ko na rin sa aking sarili na tinatanggap ko na ang kasal na ito. Wala na akong balak pang itigil ito na kung dati ay gabi-gabi ko pang pinaplano, naglaho ang aking masasamang balak sa paglipas ng panahon na kasama ko sya.

Ayon sa kanya ay nasa klinika sya ngayong araw, kagabi kami huling nagkita at hindi sya nabigong pangitiin ako. Sinama nya na rin ako sa klinikang pinamumunuan nya at pinakilala bilang mapapangasawa, ako'y labis na nahiya ngunit sa kabila noon ay labis din akong naging masaya dahil tila ipinagmamalaki nya ito. Naniwala naman agad ang mga kasamahan nya sa trabaho dahil kalat sa buong bayan ang nakatakda naming kasal.

Ala una na ng hapon at kami ay inimbitahan ni Doña Luzvimida para sa isang munting salo-salo, sumama din si Ama dahil libreng oras nya ngayon. Hindi ko alam kung naroon si Danyiel ngunit hinihiling ko na sana ay naroon si Danyiel, sana'y matupad ang aking Adhika.

Inaayusan ko ang sarili ko ng mag-isa, nais ko sanang humingi ng tulong kay Puring ngunit wala sya. Nagpaalam sya kanina at sinabing pupuntahan nya muna ang kanyang ama dahil masama ang pakiramdam nito. Itinusok ko na ang panyeta sa aking nakataling buhok, mababa ang lang ang pagkakatali nito at nakatali ang aking buong buhok na kulay itim. Nakasuot ako ng baro't saya na kulay asul, ito na ata ang naging paborito kong kulay. Kasalanan ito ni Danyiel na medyo hindi.

Pinagmasdan ko ang aking sarili sa salamin, nakapabagsak ang ilang hibla ng aking buhok na tumatama sa aking pisngi. Kinuha ko na ang aking abanikong kulay asul din at binurdahan ng mga bulaklak na katulad ng nakaburda sa aking baro't saya, sinadya ko talaga ang bagay na ito. Huminga ako ng malalim at lumabas na ng aking silid, dumiretso na ako sa ibaba.

Naabutan ko si Ama na pormal din ang suot ngayon, palagi naman. Napangiti sya nang makita ang kanyang unica hija. "Asul kung asul," natatawang sabi ni Ama, natawa na lang din ako dahil tila pupunta ako sa pista ng mga asul. Magsasalita na sana ako ngunit sabay kaming napatingin ni Ama sa kararating lang, si Puring at mukhang balisa sya.

"Oh hija? Ano't tila ika'y balisa?" Tanong ni Ama, bakas sa kanyang mukha ang pag-aalala. Mahalaga talaga kay Ama ang bawat isa sa aming mga trabahador, maging ako ay nag-aalala na rin dahil sa balisang mukha ni Purificasion.

Umiling si Puring habang nakayuko pa rin. "W-wala po, ako'y labis na nag-aalala lang sa kalagayan ni Ama. Maayos na naman po ang kanyang kalagayan ngunit may sakit pa rin po sya," Nakayukong sabi nya, sandali ko syang pinagmasdan. Napatingin ako sa kamay nyang nanginginig, kinakabahan sya.

"Naku! Nasaan na si Eduardo? Pauwiin nyo muna sya sa kanyang tahanan at doon sya magpagaling," bilin ni Ama, nagbigay galang naman si Puring at ngumiti bago magpasalamat. Nakararamdam ako ng pangamba dahil nanginginig din ang kanyang labing pilit na ngumingiti upang pagtakpan ang kanyang nararamdaman, bakit ganoon? Ano ba'ng nangyayari sa kanya?

Nauna nang maglakad si Ama palabas, muli kong sinulyapan si Puring at hinawakan ang kamay nyang nanlalamig. "Huwag ka ng kabahan. Magiging maayos din ang lahat," sinseryong saad ko at nginitian sya ng kaonti, nanginig ang kanyang labi at tumango. Tinapik ko ang kanyang likod bago sundan si Ama na ngayon ay nakasakay na sa kalesa.

Ibang kutsero na ang maghahatid sa amin ngayon papunta sa Hacienda Villanueva dahil tulad ng sinabi ni Puring ay may sakit ang aming punong kutsero, kusa na akong sumampa sa kalesa. Hindi naman nagulat si Ama dahil magmula bata ako ay sumasakay na akong mag-isa kahit pa minsan ay pinapagalitan nya ako dahil napapasobra ang aking galaw, nang makaupo na ako sa tabi ni Ama ay nagsimula nang umandar ang kalesang sinasakyan namin.

Muli kong nilingon ang aming payapang hacienda, nagtaka ako ng makita ang isang pamilyar na lalaki. Si Mang Eduardo iyon hindi ba? Ayon sa kanyang tindig ay masigla naman sya at may buhat pang mga kahoy, pilit kong inaninag muli ang lalaking tinitignan ko dahil nagkakamali lang ako nang nakikita ngunit nawala na ito aking paningin dahil lumiko na ang kalesa.

Napahinga na lang ako ng malalim at muling ibinalik ang aking tingin sa harap, baka ako'y namamalik mata lang. Pinilit kong ipanatag ang aking loob ngunit bakit ganoon? Parang kinakabahan ako, parang may masamang mangyayari na hindi ko alam kung ano. Muling pumasok sa aking isipan ang hitsura ni Puring, hindi ko malilimutan ang kaba at takor sa kanyang mukha. Pakiramdam ko ay may mali, napahawak ako sa tapat ng aking puso at napahinga ng malalim.

Napatingin ako sa kalangitan, nagsisimula nang sumilay ang buwan kahit hapon pa lang. "Anak, masama ba ang iyong pakiramdam?" Napatingin ako kay ama nang magtanong sya, tumango ako at sinubukang ngumiti upang mapanatag ang loob ni Ama na ayos lang ako kahit pa ang totoo ay kinakabahan ako sa isang bagay na hindi ko matukoy kung ano.

"Maging ako ay nababahala sa hitsura ni Purificasion lalo na't tila naaninag ko si Eduardo na papasok sa aking Hacienda ngunit hindi ako sigurado kung si Eduardo nga iyon dahil malabo na ang aking mata, pareho ba tayo ng nararamdaman aking kerubin?" Nanlaki ang mga mata at gulat na napatingin kay Ama. Ang ibig sabihin... Naroon nga si Mang Eduardo at hindi ako namalik mata!

Sandali akong hindi nakapagsalita, ang ibig sabihin ba no'n ay nagsinungaling sa amin si Puring? Ngunit bakit? Para saan at ano ang kanyang dahilan?

Malapit na kami sa Hacienda Fernandez, narito kami sa isang kagubatan kung saan ang isang daan upang mapabilis ang aming pagpunta sa Hacienda Villanueva. Iniiwasan ang paglalagay ng lampara sa kagubatan dahil baka magdulot ito ng sunog na tutupok sa buong kagubatan kahit pa madilim, may hawak akong lampara ngayon dahil nagsisimula nang kumulimlim.

Nasa kalagitnaan ako ng malalim na pag-iisip ng biglang dumapo ang aking paningin sa isang direksyon kung saan may dalawang tao, ilinapit ko ang lampara sa direksyon upang kahit papaano ay maaninag ko kung sino ang mga ito. Ngunit nabitawan ko ang lamparang hawak ko ng makilala ang dalawang iyon, pamilyar sila sa akin dahil malapit sila sa aking puso. Ito ay walang iba kung hindi si Carolina at Danyiel.

Tila naistatwa ako sa aking kinauupuan habang pinagmamasdan silang magkasama, naging mabagal ang takbo ng kalesa kung kaya't nagawang makita ng mga mata ko ang kamay nilang magkahawak. Tila biglang bumigat ang aking pakiramdam, kasabay ng pag-ihip ng hangin ay ang pag-hawi nito sa aking namumuong luha.

"Anong ibig sabihin nito?!" Rinig kong sigaw ni Ama, tuluyan nang tumigil ang kalesa. Nanatili akong tulala kay Carolina at Danyiel na ngayon ay parehong nagulat dahil sa nakasisindak na sigaw ni Ama, maging ako ay nasindak dahil doon ngunit hindi na ito naghari pa sa aking nararamdaman dahil ang tanging ang nararamdaman ko lang ay sakit.

Napahawak ako sa tapat ng aking puso, ngayon ay napagtanto ko na ang dahilan ng aking pagkabalisa at ito ay ang maaaring kahinatnan naming tatlo dahil sa isang pangyayaring hindi matanggap ng puso ko.

********************
#Adhika #Pag-ibigSerye

Pag-ibig Serye #1: AdhikaWhere stories live. Discover now