046

567 3 0
                                    

          JUST WANT TO SAVE THE EARTH

“Mahal, gising na.” Yinugyog ni Lloyd ang balikat ni Emerald para magising ito.

Gumalaw si Emerald. “I’m still sleepy,” nakapikit ang matang sabi ni Emerald.

“Ini-ingles mo na naman ako, mahal. Alam mo namang mahina ako riyan.” Ngumuso ang binata habang nakatingin sa nobyang idinilat na ang mata saka nito pinunasan ang mata gamit ang mga daliri.

Bumangon si Emerald saka hinawakan ang pisngi ni Lloyd ng dalawa niyang kamay. “Turuan kita, gusto mo?”

“Huwag na. Mahirap pa naman akong turuan kaya hindi na ako nakapagtapos ng elementarya kasi hindi man lang ako natututo. Grade 2 nga lang ang inabot ko.  Buti hindi ako natulad doon sa lyrics ng kanta na ‘grade one lang ang inabot ko. No read no write pa ako’. Hindi ko na alam ang karugtong.” Alanganing ngumiti si Lloyd sa katipan.

Dahil doon napangiti si Emerald. Lalo tuloy siyang nagag’wapuhan sa ginawang pagkanta ni Lloyd. Parang may tumatambol sa puso niya sa lakas nang pagkabog nito.

“Ba’t ang g’wapo mo?” wala sa sariling sabi ni Emerald.

“Ewan ko rin. Bangon na, mag-aalmusal na tayo. Nag-sinangag ako at may tuyo na rin akong prinito. Tara na.”

“Sige.”

At umalis na nga sila sa kanilang higaan na gawa lamang sa kawayan saka pumunta na sa kusina.

Galing si Emerald sa mayamang pamilya pero mas pinili niya si Lloyd kaysa sa marangyang pamumuhay. Nakipagtanan siya rito at iniwan ang buhay na mayroon siya. Mahal na mahal niya ang binata kahit alam niyang mahirap lamang ito. Wala siyang pakialam doon. Napapakain naman siya nito ng tatlong beses sa isang araw, minsan nga’y apat na beses pa.

Construction worker lamang si Lloyd. Ang sinasahod nito ay sapat lamang sa pang araw-araw nilang pamumuhay. Kapag may tira ang pera ay iniipon nila ito para makapakasal sila.

Linggo ngayon kaya walang pasok si Lloyd. Karaniwang ginagawa nila kapag linggo ay ang libutin ang buong kagubatan kung saan sila nakatira. Nasa gubat ang bahay nila. Dito nila pinili na manirahan para malayo sa kabayanan na kung saan madaling mahahanap si Emerald ng tauhan ng kaniyang mga magulang. Nag-iisa lamang siyang anak nina Don Gustavo at Donya Pacita. Sigurado siyang sa ngayon ay pinapahanap na siya ng mga ito.

Nang matapos silang mag-almusal, nagsuot na sila ng mga kasuotang ginagamit nila kapag naglilibot sila sa kagubatan. Jacket at jogger pants ‘yon para hindi sila masugutan ng mga matatalim na damo na madadaanan nila.

“Sobrang init na kaagad kahit maaga pa naman,” sabi ni Lloyd nang maramdaman ang sakit na dulot ng sinag ng araw kahit may suot naman siyang jacket.

“Sobra na ang init na nararamdaman natin dahil din naman sa mga kagagawan ng mga tao,” sabi rin ni Emerald na nakamasid sa baba ng gubat na wala ng mga puno.

Nasa pinakamataas kasi silang parte ng gubat kung saan tanaw ang kabayanan at sa baba ng gubat kitang-kita na kalbo na ito. Kung dati sobrang rinig na rinig nila ang huni ng mga ibon at kuliglig sa gabi na para bang inaawitan sila para makatulog sa dami niyon pero ngayon minsan na lamang sila makarinig dahil nga sa kalbo na ang gubat. Tanging ang lugar na lang na malapit sa bahay nila ang marami pang puno. Ikinakabala nilang magkasintahan na baka ang mga puno naman na malapit sa bahay nila ang  puntiryahin ng mga nag-to-troso na walang permit. Basta-basta lang nag-to-troso hindi man lang iniisip kung ano ang kahihinatnan ng mga ginagawa nila na ngayon ay nararamdaman na natin sa pamamagitan ng pagbabago-bago ng ating klima. Marami pang ginagawa ang mga tao na hindi man lang iniisip ang magiging dulot nito sa ating mundo.

One Shot Stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon