058

535 2 0
                                    

KARUMAL-DUMAL NA PASKO

11:30pm.

Lahat ng pang-Noche Buena ng pamilya Carson ay nakalagay na sa lamesa na tulong-tulong nilang niluto. Maliban lamang sa nakababatang Carson na si Larryline dahil sa hindi na ito makalakad o kahit makatayo man lang dahil sa aksidenteng nangyari noong nakaraang linggo. Nasa kuwarto lamang ito. Maraming nagbago sa ugali nito. Parang nawala ang katauhan nito nang mangyari ang aksidenteng iyon. Palibhasa kahapon lang nila ito nahanap.

Ang haligi ng tahanan ng mga Carson ay nagpaalam na matutulog muna at sinabing katukin na lamang sa kuwarto nito kapag malapit nang mag-alas dose.

Naglakad si Emily para tawagin na ang kaniyang ama pati ang bunso nila dahil ilang minuto na lang ay Pasko na.

Nasa kuwarto na siya ng kaniyang ama at ina. Ngumiti siya saka kumatok. Ilang beses na siyang kumakatok ngunit hindi iyon binubuksan ng ama.

“Itay, punta na raw po tayo sa baba para sa Noche Buena.” Kumatok siyang muli ngunit wala pa ring nagbubukas ng pinto. Marahil ay napasarap ang tulog ng kaniyang ama. Ito kasi ang mas naunang gumising para lutuin ang pang-Noche Buena nila.

Naisipan niyang pumasok na lang sa kuwarto para gisingin ito. Nang sa gayon ay mayugyog niya ang katawan ng ama. Baka sa ganoong paraan ay magising ito.

Pinihit niya ang seradura ng pinto saka iyon dahan-dahang binuksan. Pakiramdam niya ay bumigat iyon.

“Aww!” sigaw niya nang biglang bumukas ang pinto at may dumagan sa kaniya. Tinanggal niya ito.

“’T-Tay. ‘Tay!” Natutop niya ang kaniyang bibig nang makita ang itsura ng ama.

Nababalot ito ng dugo na tiyak niyang medyo may katagalan na dahil hindi na iyon gaanoong sariwa. Pati ang leeg nito ay may gilit na tiyak niyang malalim. Sa gilid ng ulo nito ay may malaking sugat na hindi niya alam kung ano’ng patalim ang ginamit.

“Inay! Si Itay!” sigaw niya. Ang mga luha sa kaniyang mga mata ay nagsipag-unahang bumuhos. Ang tignan pang muli ang kaniyang walang buhay na ama’y hirap siya. Hindi niya masikmura ang karumal-dumal na sinapit nito.

Sumigaw siyang muli para tawagin ang kaniyang ina dahil sa hindi pa ito dumadating sa kung nasaan sila ng kaniyang ama. Tumigil lamang siya kakasigaw nang pumiyok siya.

Baka masyadong excited lang ang kaniyang ina sa Noche Buena kaya hindi siya nito marinig. Kaya tumayo na lamang siya. Pinunas ang luha saka naglakad papunta sa kusina. Kinakabahan siya ngunit isinawalang bahala niya lamang iyon.

Pagkarating niya sa kusina ay hindi niya inaasahan ang naabutan. Una niyang napansin ang ulo ng kaniyang ina nasa lamesa. Napadako ang tingin niya sa sahig kung nasaan naroon ang katawan ng kaniyang nanay na nakahandusay at maraming sugat.

Dahan-dahang lumapit siya sa lamesa.

“’N-Nay... Inay!” Niyakap niya ang ulo ng ina saka iyon inilagay sa katawan nito—sa ibabaw ng tiyan ng ilaw ng kanilang tahanan.

Hindi niya alam kung bakit nangyayari ito. Bakit karumal-dumal ang sinapit ng kaniyang ina’t ama? At sino ang gumagawa ng mga ito? Walang puso.

Dapat masaya nilang ipagdiriwang ang pasko ngunit bakit ito ang nangyari? Bakit ganito ang sinapit ng kaniyang mga magulang?

Naalala ni Emily ang bunso nila. Kaagad na ginupo ng takot ang kaniyang dibdib. Kaya kahit mukha na siyang lantang gulay ay tumayo pa rin siya at naglakad papunta sa kuwarto ng kaniyang kapatid.

Nang marating ang kuwarto nito ay hindi niya kaagad iyon binuksan. Natatakot siya na baka tulad din sa ama niya ay madaganan na lang siya ng katawan nito.

Huminga siya nang malalim saka dahan-dahang binuksan ang pinto. Nang mabuksan niya iyon ay kaagad siyang pumasok. Doon nakita niya ang nakatayong kapatid niya.

“L-Larryline?” tanong niya na kinakabahan.

Hindi ba’t pilay ito? Bakit ngayon ay nakatayo na ito? Kita niya ang hawak nitong palakol na puno ng dugo.

Humarap ito sa kaniya. Nakataas ang sulok ng labi nito.

“Sabi na pupunta ka rito eh. Mahal mo talaga ako ate.” Hindi niya maintindihan ang boses nito. Ibang iba iyon sa boses ng Larryline na kilala niya. Mapanganib iyon at mariin.

“L-L-Larryline...” nahihintakutang aniya. Nalaglag ang kaniyang panga ng tanggalin nito ang mukha at bumungad sa kaniya ang ibang mukha nito.

Bakit at paanong nangyari iyon? Bakit nag-iba ang mukha nito?

Tatanungin niya sana ito ngunit hindi niya naituloy nang ibato nito ang palakol sa kaniya. Ramdam niya ang sakit nang tumama iyon sa dibdib niya.

“B-Bakit...?” nahihirapang aniya. Ramdam niya ang panghihina ng kaniyang katawan.

Puro bakit lamang ang tanong na nasa isip niya. Ano’ng kasalanan nila? Bakit ito nangyari sa kanila?

Lumapit ang salarin kay Emily at kinuha ang palakol na nakatarak sa dibdib nito.

Gamit muli ang palakol ay pinuntirya nito ang ulo ni Emily at tuluyang bumagsak ang katawan ng dalaga.

“Maligayang Pasko.” Ngumisi lamang ang salarin at umalis sa kuwartong iyon.

Ang inaasahan nilang masayang pagdiriwang ng Pasko ay nauwi sa karumal-dumal na pangyayari.

                                 
WAKAS

One Shot Stories Where stories live. Discover now