062

502 2 0
                                    

ANG GANTIMPALA NG DIYOSA

HATINGGABI na naman. Ang pagbaba ng diyosa ng buwan ay nakatakda na naman para subukin na naman ang mga kalalakihan kung paano tratuhin ng mga ito ang mga kababaihan, lalo na ang babaeng ubod nang ganda na tulad niya.

Sa bawat pagbaba n'ya sa lupa at pagsubok sa mga kalalakihan, puro pagkadismaya lamang ang natatanggap niya. Unang baba niya palang ay nadismaya kaagad siya sa unang lalaki sinubok niya. Binastos siya nito kaya naparusahan niya ito gamit ang kaniyang kapangyarihan.

“Kailan kaya darating ang lalaking aking magagantimpalaan?” tanong ng diyosa sa kaniyang sarili.

Nang bumagsak siya sa lupa na nakatayo, ang suot niyang mahabang kasuotan na talaga namang napakaganda at bumagay sa kaniya ay napalitan ng kasuotan na parang isa siyang taong kalye.



SAMANTALANG sa kabilang banda, may hindi kalayuan sa lokasyon ng diyosa ay naglalakad si Marco. Kakauwi lamang nito galing sa kaniyang pinagta-trabaho-han. Hatinggabi na siya kung umuwi dahil nag-oovertime siya. Nakasuot siya ng headset at sinasabayan ang kantang kasalukuyang tumutugtog sa kaniyang selpon.

Nang matapos ang kanta ay tinanggal niya na ang headset na nakapasak sa kaniyang tainga.

“Ginoo.” Nagulat si Marco nang may biglang lumapit sa kaniya.

Pinasadahan niya ito ng tingin. Kagandahan kaagad ng dalaga ang napansin niya, sunod ang maruming damit nito ganoon din ang suot nitong pambaba. Ngayon lamang siya nakakita ng babaeng may ganoong mukha gayong kay dungis nito. Biglang nilukaban ng pagnanasa ang binata para sa dalaga.

Napapansin ng diyosa ang pagtataas baba ng lalagukan ng binata. Alam na alam niya na ang reaksiyong iyon dahil ganoon ang nakita niya sa mata ng mga lalaking sinubok niya at napatawan niya ng parusa.

“Maaari ba akong makituloy sa bahay mo, ginoo? Hindi ko na kasi alam kung anong lugar ito. Inabot na ako ng hatinggabii kakahanap ng matutuluyan ngunit bigo ako. Ang iba ay kay susungit at ang iba naman ay pinagtatawanan lamang ako,” sabi pa ng dalaga.

Hindi alam ni Marco ang isasagot sa dalaga. Hindi kagandahan ang bahay niya. Ang dingding nito ay gawa lamang sa troso ng niyog at ang bubong o atip ay anahaw lamang. Hindi iyon nababagay sa ganoong kagandang dalaga sa isip-isip niya.

Pero magiging pabor din sa iyo ang pagpapatuloy mo sa magandang dalagang iyan. Mapapawi ang kauhawan mo sa babae. Sulsol ng kabilang bahagi ng utak ni Marco sa kaniya.

Napailing lamang doon ang binata.

Ang diyosa’y pinagmamasdan ang bawat reaksiyon ng binata. Nakahanda na ang parusang ibibigay niya dito sakali mang katulad ng ibang lalaki na naparusahan niya ang binata.

Ipinikit ni Marco ang kaniyang mga mata. Nang imulat niya ito, nakangiti na siyang tumingin sa dalaga.

“Ang isang katulad mong babaeng napakaganda ay hindi dapat pinapabayaan. Sumunod ka na lamang sa akin,” ani Marco saka naglakad na.

Sumunod naman ang diyosa sa binata. Nakahanda pa rin siya sa maaaring gawin sa kaniya nito.

Ilang minuto lang ay nakarating na sila sa bahay ni Marco.

“Pasensiya ka na sa bahay ko, hindi ganoon kagandahan,” ani Marco ng buksan niya na ang pinto ng kaniyang bahay, “Pasok ka na,” dagdag pa ng binata.

Ngumiti na lamang si Mayari sa binata, dahilan para makaramdam si Marco na parang may nagsisiliparang paru-paro sa kaniyang tiyan. Ngayon lamang siya nakakita na ganoon kagandang ngiti.

“Doon ka na lamang sa k’warto ko matulog at ako na rito sa sala.” Inilagay ni Marco ang kaniyang bag na suot sa upuan na gawa sa kawayan.

“Nakakahiya naman sa iyo, ginoo. Makikituloy lang naman ako,” nahihiyang sabi ng diyosa.

Napatawa na lamang ang binata dahil sa tinuran ng dalaga. Hindi niya mapigilan ang hindi mapatitig dito. Ang ganda sa kaniyang mata nang makita niya ang pagkahiya sa dalaga.

Mahal ko na yata ang dalagang ito. Aniya sa kaniyang sarili.

Hindi naman lingid sa kaalaman niya ang kasabihang pag-ibig sa unang pagkikita. Dati hindi siya naniniwala rito pero ngayong nakita niya ang dalaga, bigla siyang naniniwala rito.

“Huwag ka nang mahiya pa, binibini. Ang magandang dilag na tulad mo ay dapat sa magandang higaan natutulog. Ako nga pala si Marco. Gago at loko-loko. Malibog minsan pero ipinapangako ko na wala akong gagawing masama sa iyo,” turan ng binata. Ngumiti na lamang ulit ang diyosa kay Marco.

Itinuro ng binata ang kwarto niya sa dalaga.

“Matanong ko lang—”

“Ako si Mayari.” Pamumutol ng diyosa sa binata. Batid niyang sasabihin nito ang kaniyang pangalan ngunit hindi alam ng binata.

“Ang gandang pangalan. Miss Mayari, kumain ka na ba? Baka kasi matutulog ka nang hindi pa kumakain. Maaari kitang paglutuan,” ani Marco.

“Nakakahiya na—”

Napatawa si Marco nang tumunog ang tiyan ng dalaga. Lalo tuloy nagkakagusto ang binata dahil sa ka-cute-tan na nakikita niya sa dalaga. Hindi niya alam na sinadya lamang ng diyosa na patunugin ang tiyan nito.

“Tiyan mo na mismo ang nagsasabi na gutom ka, miss Mayari. Kumain ka muna bago matulog. Lulutuan kita. Hintay ka na lang sa loob ng kwarto. Dadalhin ko na lamang ang pagkain mo rito,” maaliwalas ang mukha na sabi ng binata. Tumango na lamang ang diyosa rito.

Pumunta na si Marco sa kusina suot-suot ang abot taingang ngiti. Inaamin niya na may nararamdaman na nga siya sa dalaga kahit ngayon niya lamang ito nakita.

SAMANTALANG ang diyosa ay ganoon din ang nararamdaman. Sa lahat ng lalaking sinubukan niya kung paano nito tatratuhin ang kakabaihan, tanging si Marco lamang ang naiiba.

Pagkaalis na pagkaalis ni Marco ay kaagad na binalik ni Mayari ang kasotan niyang pang-diyosa na may ngiti sa mga labi. Saka niya isinira ang pinto ng k'warto ng binata.

Ilang minuto lang ay natapos na si Marco magluto. Dala niya na ang pagkain papunta sa kaniyang k'warto kung saan naroon si Mayari na lingid sa kaalaman niya na isa palang diyosa.

Nang nasa tapat na siya ng kuwarto ay kaagad siyang kumatok sa pintuan. Nang bumukas iyon, nalaglag ang kaniyang panga dahil sa kaniyang nabungaran.

“P-Paano—”

“Nagulat yata kita, ginoo,” nakangiting saad ni Mayari. “Magpapakilala akong muli, ako si Mayari ang diyosa ng pakikibaka, ng pangangaso, ng armas, ng kagandahan, ng lakas, ng gabi at ng buwan.”

“D-Diyosa..?” gulat pa ring saad ng binata.

“Oo. Kaya lamang ako naririto sa lupa para subukin ang mga kalalakihan kung paano nila tratuhin ang mga kababaihan. Hanga ako sa iyong ipinakita. Ramdam ko kanina ang pagnanasa at pag-aalangan mo na patuluyin ako ngunit isinantabi mo iyon.” Huminto ang diyosa saka lumapit sa binata at walang pasabi na hinalikan ito sa labi. “Dahil sa iyong kagandahang loob, gagantimpalaan kita. Dahil sa nakuha mo ang puso ko. Ang gantimpala ko ay ang ibigay ang puso ko sa ‘yo. Sa makalawa, ganitong oras, bababa ako rito sa lupa muli kasama ang aking amang Bathala magpapakasal tayo sa harap niya.”

Pagkatapos magsalita ng diyosa ay hinalikan niyang muli ang binata saka naglaho na parang bula.

Natulala na lamang si Marco. Dahil sa halik ng diyosa lalo pa siyang nahulog dito. Kalaunan ay napangiti siya dahil sa gantimpala ng diyosa.

#

One Shot Stories Where stories live. Discover now