049

524 3 0
                                    

MGA KUWENTO NI LOLA: KATHANG-ISIP NGA BA?

Naalala ko pa ang mga k'wento ni Lola sa aming magpipinsan sa tuwing sasapit na ang alas sais ng gabi. Mga k'wentong hindi ko mawari kung ito ba ay totoo o kathang-isip lamang. Mga k'wentong nagdudulot sa akin ng takot kahit hindi ko alam kung ito ba ay tunay. Ako nga pala si Dem, labing-pitong taong gulang at nasa ikaapat na taon na sa Sekondarya. Narito ako upang ibahagi sa inyo ang mga kuwento ng aking Lola na hindi ko alam kung totoo o kathang-isip lamang.

Isa sa mga kuwento ni Lola ay ang taong nakikita daw nila sa isang lumang bahay dito sa amin, kaya kapag dadaan kami roon ng mga kaibigan ko at ng mga pinsan ko ay nagsisipag-tayuan ang aming balahibo at sabay-sabay na tatakbo.

Ewan ko ba kung bakit ganoon na lamang ang takot namin kapag dadaan kami sa bahay na iyon gayong hindi naman namin alam kung totoo ang tao na naroon sa lumang bahay. Maayos pa naman iyon kaya iniisip na lang naming magkakaibigan at magpipinsan na normal lang naman kung magkaroon ng tao roon. Maganda pa iyon kaya hindi imposibleng may nagka-interes na tirahan iyon. Sayang naman kung masisira lang iyon ng mga anay.

Hindi ako ganoon naniniwala sa mga kuwento ni Lola. Isa na rito ‘yong may isang uwak ang dumapo sa ataul noong binuburol pa lang ang Lolo ko—ang asawa ng aking Lola. Natatawa ako roon kasi bakit naman dadapo ang uwak sa ataul ng lolo ko, kung gayong maraming tao roon?  

Lahat ng mga kuwento ni Lola ay pinagtatawanan ko noon. Inaamin ko na nilulukuban ako ng takot sa bawat kuwento ni Lola dahil sa tono ng boses nito na para bang totoo iyon. Medyo bata pa naman ako noon kaya siguro natatakot pa ako sa mga kuwento ni Lola tapos tatawa kapag natapos na.

Hindi ako madaling maniwala. Maniniwala lamang ako kung ako na mismo ang makakita o makasaksi. Hindi ako naniniwala sa mga kuwento lamang kahit si Lola pa ang mag-kuwento. Marami siyang alam na kuwentong bayan na karamihan ay nakakatakot ngunit sigurado akong kathang-isip lamang.

Lahat ng mga kuwento ni Lola ay nahihirapan akong paniwalaan ang mga ito. Lalo na sa kuwento niya na ang eskinita na dinadaanan ng prosisyon sa tuwing may santacruzan ay daanan daw ng aswang noong kasagsagan nila. Ang hirap paniwalaan iyon dahil wala namang aswang, sila ay kathang isip lamang. Sa imahinasyon lamang natin sila nabubuhay.

Isa pa sa mga kuwento ni Lola ay ang bumabagsak na ataul sa may daanan malapit sa kabilang barangay. Hindi talaga ako naniniwala roon. Masyado na akong matanda para sa mga iyon—sa mga kuwento ni Lola na naging kuwento na rin sa aming bayan. Siguro kaya hindi ako naniniwala roon ay dahil hindi ko pa nasubukang dumaan doon. Pero alam ko naman na kathang-isip lang iyon.

Pagkatapos i-kuwento ni Lola iyon ay saktong nagyaya ang aking pinsan at kaibigan na pupunta kami sa kabilang barangay para makisayaw dahil mayroong sayawan doon.

Pasado alas onse na ng gabi kami umuwi. Nasa tapat na kami nang sinasabi nilang lugar kung saan may bumabagsak na ataul ay biglang naramdaman ko ang pagkapit sa akin ng mga kaibigan at pinsan ko. Tinawanan ko na lamang sila. Ngunit nang tumingala ako sa taas ay may bigla akong napansin na parang may babagsak sa amin. Tinuro ko iyon sa mga kaibigan at pinsan ko kaya tumingala rin sila. Ilang segundo lang yata silang nakatitig doon ay bigla na lang silang nagsipagtakbuhan. Naiwan akong nakatingala pa rin sa taas. Dahil sa nakaramdam din ako ng takot ay napatakbo na rin ako.

Nang medyo malayo na kami sa lugar na iyon ay narinig namin ang malakas na tunog mula roon na parang may bumagsak. Kasunod noon ay ang pag-alulong ng mga aso nang sunod-sunod kaya napatakbo ulit kami.

Hinihingal kaming nakarating sa aming barangay. Ngunit ganoon pa man ay hindi pa rin ako naniniwala. Baka niyog lang iyong bumagsak dahil maraming niyog sa lugar na iyon.

Habang nakahiga ako ay iniisip ko pa rin kung ano ba iyong bumagsak. Niyog nga lang ba o ang sinasabi na ni Lola na ataul na bumabagsak sa lugar na iyon? Nakatulugan ko na lamang ang katanungan na iyon na hindi man lang nabigyan ng kahit isang salita lamang na kasagutan.

Nagising ako kinaumagahan at kay Lola kaagad ako lumapit at kwenento ang nangyari kagabi. Tinanong ako nito kung naniniwala na ba ako sa kaniya ngunit iling lamang ang naging sagot ko, kaya tinawanan lang ako nito.

Kung ano ang pananaw ko sa mga kuwento ni Lola ay ganoon pa rin, hindi magbabago iyon.

Ang kuwento ni Lola tungkol sa magkasintahan na pinatay upang gamitin ang dugo sa pagtayo ng tulay dito sa amin sa kanilang kasagsagan ang nagpapapakaba sa akin. Dahil nagpapakita raw ang mga ito tuwing ika-alas sais ng gabi. Naglalakad pa naman ako pauwi galing eskwelahan at alas sais na akong nakakauwi dahil nag-eensayo ako ng arnis pagkatapos ng klase namin para sa patimpalak na aking sasalihan gamit ang arnis.

Nasa tulay na ako pauwi sa amin nang marinig ako na parang may umiiyak sa ibaba ng tulay. Babae at lalaki ang boses na iyon. Ang iyak ay umalingawngaw kaya parang nasa malapit na ito sa akin kaya napalakad-takbo ako. May mga tao naman malapit sa akin pero ako lang yata ang nakaririnig sa mga iyak na iyon.

Halos lahat ng mga kuwento ni Lola ay naranasan ko. Kaya masasabi ko pa ba itong kathang-isip?

Ang mga kuwento ni Lola, kathang-isip nga ba?

                                   ****

One Shot Stories Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon