64

6 2 0
                                    

BAGO NA NAMAN

Bago ko isara ang libro
May bagay akong natutuhan sa mundo
Ang alitaptap din ay magbabago
At ang leon ay luluhod din sa templo 

Masaya kong sinalubong ang bagong umaga
Puno ng pag-asa ang nakaukit sa mga mata
Hindi ininda ang pasuray-suray na tadhana
Lahat iwinaksi mapinda lang ang kakaibang saya.

Bago ko tuluyang isara
Nais kong magpasalamat sa tuwina
Ang bawat oras na nilaan ay iningatan
Ang bawat araw na dumaan ay pinanghawakan.

Patawad sa pagkabigong aking naiguhit
Patawad sa maling bituin na aking sinungkit
Subalit naramdaman ko ang ligaya.
Matapos matutuhan ang mga maling pantasya.

Naging mahalaga ka sa buhay ko
Sapagkat natutuhan kong maging matatag na tao 
Natutuhan kong lumigaya nang mag-isa
Natutuhan kong lumaban kahit hindi na kaya.

Tatandaan ko ang taon na ito.
Ang taong naging saksi sa mga paghihirap ko.
Lagi kong itatabi ang librong ito.
At bibigyang lugar sa puso ko.

miss_reminisce

Isang Daang PiyesaWhere stories live. Discover now