Prologue

8.9K 185 24
                                    

Prologue

"Ma, please. Kausapin mo si papa. Ayokong mag-aral sa probinsya." Kulang na lang ay umiyak ako sa pangungumbinsi kay mama, isang umaga habang kumakain kami ng almusal.

"Hindi ko na mababago pa ang desisyon ng papa mo, sundin na lang natin ang gusto niya. Sagad na ang pasensya sa iyo ng ama mo dahil sa karereklamo mo. Kapag nagbago ang isip ng papa mo ay baka mas lalong hindi mo na iyon magustuhan, Sybelle."

Nalaglag ang balikat ko at napabuntong-hininga na lamang.

Ilang beses ko ng kinukumbinse si papa na kung maaari ay mag dorm na lang ako o boarding house dahil gustong-gusto ko na ipagpatuloy ang pag-aaral dito sa maynila. Kaya lang ay masyadong matigas si papa, walang ibang pinakikinggan kung di ang sarili niya. Kapag gusto niya, iyon ang masusunod. Dahil sa pamilyang ito, siya ang batas.

Nagtatrabaho sa Saudi Arabia si papa at five days from now, sasamahan na siya ni mama roon. Driver ng truck si papa sa isang shipping company at sa company na iyon din magtatrabaho si mama pero bilang isang office staff.

Dahil wala kaming kamag-anak dito sa maynila ay napagdesisyunan ng parents ko na ituloy ang pag-aaral ko sa probinsya at doon daw ako tutuloy sa bahay ng lola Sigrid ko, nanay ni papa. Kasama ni lola sa bahay ang tiya Nila ko na dalaga pa rin sa edad na thirty-five.

"Bakit kasi kailangan mo pa umalis, ma? Sapat naman na ang ipinapadala ni papa sa atin. Nakakakain naman tayo ng masasarap na pagkain tatlong beses sa isang araw, minsan nga ay higit pa."

"Sybelle, gusto naming mag-ipon ng papa mo para sa pangkolehiyo mo. Gusto namin na mag-aral ka sa magandang eskwelahan at iparanas sa iyo ang mga bagay na hindi namin naranasan noon. Anak, hangad namin na bigyan ka ng magandang buhay."

"Pero okay naman na ako sa kung anong meron tayo ngayon, ma."

"Mataas ang pangarap ng papa mo para sa atin. Lalong-lalo na sa iyo. Gusto ng papa mo na bago siya mag-retire ay may sarili na tayong bahay, gusto rin niyang magtayo ng negosyo at kapag nagawa niya na ang mga iyon, hindi na tayo maghihiwalay. Gusto mo iyon, diba?"

Malungkot na tumango ako.

"Kaya gusto kong tulungan ang papa mo para makaipon kami agad. Dahil kung hindi ko siya tutulungan, mahabang panahon pa siyang magtatrabaho at tumatanda na kami, anak."

Halos mag iisang dekada na si papa sa Saudi, pero wala pa kaming bahay na naipupundar. Mahal din kasi ang tuition sa pinapasukan kong private school. Iyon ang isa marahil sa dahilan kaya nauubos agad ang sweldo ni papa na ipinadadala sa amin buwan-buwan.

"Ma, okay lang sa akin kahit sa public school na ako mag-aral. Wag ka na umalis, ma." pangungumbinsi ko na naman.

"Anak naman, napag-usapan na natin ito, hindi ba? Kailangan ko tulungan na magtrabaho ang papa mo. Intindihin mo naman kami."

"Ayoko sa probinsya!" protesta ko pa.

"Bakit ba ayaw mo roon? Maganda naman sa probinsya. Private school din naman ang papasukan mo roon. Mas gugustuhin ko pa ngang manirahan sa probinsya kaysa rito sa maynila. Mas maganda ang mga tanawin doon, Sybelle. Sariwa pa ang hangin."

Napailing-iling ako. "Mas gusto ko rito, ma."

"Hindi pwede 'yang gusto mo." bahagyang tumigas ang malumanay na boses ni mama. "Alam mo naman na wala tayong ibang kamag-anak dito na maaari mong tuluyan. Isa pa, ayaw ng papa mo na walang gumagabay sa iyo habang wala kami. Iniisip lang naman ng papa mo ang kapakanan mo, anak. Ayaw niya na lumaki kang napapabarkada. At least, kung nasa probinsya ka. Magagabayan ka ni nanay at ng tiya Nila mo roon. Mas mapapanatag pa ang kalooban namin ng papa mo."

Between The Stars: The Lost Love (Pan De Azucar Series #1)Where stories live. Discover now