Kabanata LVIII

14.1K 749 313
                                    

- NAMIOR -

PARA sa nakararami, biyaya ang pagkakaroon ng napakalakas na ulan. Ito ang magbibigay tubig para sa mga halaman at sa lahat ng nabubuhay na nilalang. Halos lahat ng mamamayan ay nakikita itong makabubuti sa kalikasan ngunit para sa dalawang paslit na naninirahan sa ilalim ng isang abandonadong tulay ay walang ibang dulot ang ulan para sa kanila kundi lamig at isa na namang magdamagang pagtitiis sa basang kasuotan at kapaligiran.

Yakap ng nakatatandang lalaki ang kapatid niyang nangangatog sa matinding panlalamig at takot sa kidlat at kulog. Parehas silang kumakalam ang sikmura at hinihintay na lamang tumigil ang malakas na pagpatak ng ulan. Hindi nila inaasahan na uulan ngayong gabi dahil hindi naman kilala ang Elior sa pagkakaroon nito ng maulang klima.

"Kuya, giniginaw po ako." Nangangatog at namumutlang pahayag ng batang lalaki na nasa limang taong gulang lamang. Mas lalo naman humigpit ang yakap ng nakatatandang kapatid sa kanya.

"Pasensya na, Orryn, wala rin magagawa si Kuya sa lamig. Magtiis na muna tayo." Mahinahon ngunit puno ng pag-aalala na pahayag ng batang lalaki na nasa edad siyam na taong gulang. Mas lalo na lamang sumiksik si Orryn sa bisig ng kapatid upang damhin ang init nito na kahit papaano ay maiibsan ang lamig na nararamdaman nila parehas.

"Kung nandito kaya sina Inay at Itay ay dadanasin pa ba natin ito?" Mahinang bulong ng bunsong kapatid habang sinusubukan na lamang nito matulog sa kabila ng basang damit at pangangatawan. Palagi naman nila ginagawa ito kapag sumasapit ang gabi --- ang itulog ang pagod ng katawan, ang lamig na nararamdaman, at ang kumakalam na sikmura. 

Natigilan naman ang nakatatandang kapatid nito sa kanyang tanong. Isang taon na ang nakalilipas magmula ng mamatay ang kanilang ina dahil sa isang malubhang sakit habang ang ama naman nila ay bigla na lamang hindi umuwi ng bahay at parang nawala na parang isang bula. Magmula noon ay silang magkapatid na lamang ang tumataguyod ng buhay nila hanggang sa magpalaboy-laboy sila sa bayan ng Elior. Nagmula pa sila sa Thaewyr at dahil sa hirap ng buhay doon ay napagdesisyunan ng magkapatid na makipagsapalaran sa Elior pagkat nandito ang Emperor. Nagbabakasakali silang makilala ito at makausap upang humingi ng tulong. Nagbabakasakali silang manghingi ng awa dito at iligtas sila sa hirap at lupit ng tadhana sa mga batang katulad nila. 

"Hindi ko alam, Orryn, hindi ko alam..." Malungkot na pahayag pa nito dahil hindi naman talaga alam ni Namior ang dahilan ng kanilang magulang kung bakit pinili ng mga ito umalis ng Maura. Sanggol pa lamang siya ng mapagdesisyunan ito ng kanyang Ama. Sa kaharian na rin sila ng Elior namulat at namuhay kaya ganoon wala sila maski isang alaala kung ano o paano ang buhay sa Maura. Kung katulad din ba ito ng mapait na pamumuhay na mayroon ang Elior na naturingang kaharian ng liwanag o mas magaan pa ang buhay sa Maura?

"Sana hindi na lang umalis ng Maura sina Inay at Itay. Baka sakaling hindi natin ito nararanasan..." Mahinang bulong muli ng paslit at sa pagkakataong ito ay bumibigat na ang talukap ng mga mata niya. Marahan naman hinimas ni Namior ang ulo ng kapatid hanggang sa unti-unti na rin ito dalawin ng antok.

"Bakit kaya sila umalis doon? Mahirap ba ang buhay sa Maura? Mainit ba doon? Malamig? Maulan..." Huling bulong pa ng batang si Orryn bago ito tuluyang lamunin ng antok at pagod. Napatitig na lamang si Namior sa mukha ng kapatid bago niya ito binigyan ng isang marahang halik sa noo at inayos pa ang pagkakahiga nito sa kanyang dibdib. 

Naikuyom na lamang tuloy ni Namior ang kanyang mga kamao dahil sa hirap na dinadanas nilang magkapatid. Sa isip niya ay ayos lamang na siya ang dumanas ng lamig, ng hirap at sakit, ng gutom basta ang nakababatang kapatid niya ay kumportable lamang at malayo sa mapagmalupit na mundo. Ngunit alam niyang impossible ang bagay na iyon maliban na lamang kung mapapansin sila ng may mabuting puso o magkukusa sila na mapansin ng mga tao.

Reincarnated as the Seventh Princess (BOOK 1/3) |COMPLETED|Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon