Primera Parte (Unang Bahagi): I ~ Capitulo Uno

6.6K 147 44
                                    

Primera Parte

(Unang Bahagi)

 ***

 I ~ Capitulo Uno

San Rafael, 1934.

Abalang-abala ang lahat sa loob ng mansyon ng mga Lucero. Karamihan ay nag-aayos at naglilinis ng mga kagamitan sa loob ng tirahan; ang iba naman ay abalang kumikilos sa napakalawak na hardin ng tahanang 'yon. Walang humpay ang pagtawag kay ganito o ganyan; may utos ng ganire at ganoon. Pinaghahandaan talaga nilang mabuti ang lahat ng mga kailangang ayusin para sa araw na 'yon─kaarawan ni Don Arellano Lucero, ang siya ring pinakamakapangyarihang tao sa bayan ng San Rafael.

Isa si Aurelia, labing-siyam na taong gulang, sa mga tauhang kanina pang bukang-liwayway nag-umpisa sa pagtatrabaho. Halos tatlong na oras na siyang pabalik-balik sa iba't ibang bahagi ng mansyon upang gawin ang bawat ini-uutos sa kanya ng mayordoma at punong kusinera. Araw-araw naman ay parati siyang napag-uutusan ng mga ito, ngunit iba ang araw na 'yon... Talagang hindi siya tinantanan ng iba pang mga trabahador. Kaya nag-uumpisa nang makadama ng pagkahapo ang dalaga, dulot ng walang-tigil na pagtatrabaho.

Dahil doon, nagawa na namang pumuslit ni Aurelia mula sa walang-katapusang utos ng mga kasamahan. Madali siyang nagtungo sa pinakadulong bahagi ng lupain ng mansyon, sa may bakuran: ang lugar na hindi naaabutan ng kahit sinong abalang trabahador sa umagang 'yon. Umupo siya sa isang bangkong may sandalan, itinaas ang dalawang binti at inayos ang palda. Pagkatapos ay isinandal niya ang kanyang ulo sa kanyang mga tuhod.

"Hay, nakakapagod naman," sitsit ni Aurelia sa sarili. Bumuntong-hininga siya at pumikit, habang dinama ang marahang paghaplos ng hangin sa kanyang balat.

Sa kabila ng kapaguran ay makikita pa rin ang pagiging maamo ng mukha ni Aurelia. Napakasimple lamang ng dalagang ito, kung tutuusin; ngunit, kapag pinagmasdan siya nang mabuti ay tiyak na aangat din ang kanyang angking kagandahan. Ang biluhabang mukha ni Aurelia ay hinahaplos ng kanyang buhok na bahagyang kulot at lampas-balikat. Bilog at mapusyaw na kulay-tsokolate ang kanyang mga mata. Bahagya lamang ang katangusan ng kanyang ilong, samantalang katamtaman ang nipis ng kanyang labi. Ang dating maputing kutis ng dalaga ay unti-unti nang natusta ng Haring Araw ngunit ang mga pisngi niya'y parating nagkakaroon ng pamumula sa tuwing nakakaranas siya ng matinding bugso ng emosyon. May katangkaran din itong si Aurelia dahil sa mahahabang mga binti niya, at nangangayayat na rin siya dahil sa trabahong ginagawa niya sa araw-araw na pamumuhay.

Idinilat ni Aurelia ang kanyang mga mata, umupo siya nang tuwid pagkatapos ay tuluyan na siyang humiga nang patagilid sa bangko. Sana naman ay walang makakita sa akin nito, ang sabi niya sa sarili. Naalala na naman niya ang mga pinagdaanan niya simula noong mawalay siya sa kanyang ama.

Halos dalawang taon na rin ang nakakaraan, at naninirahan pa siya sa bayan ng Sta. Isabel kasama ang kanyang amang si Leopoldo. Siya na lamang ang nalalabing malapit na kapamilya ni Aurelia. Matagal nang pumanaw ang kanyang ina dahil sa komplikasyong dulot ng panganganak nito sa kanya.

Matiwasay at simple ang pamumuhay nilang mag-ama─araw-araw na nagtutungo sa sakahan si Leopoldo upang doon maghanap-buhay. Kung minsan ay tumutulong din si Aurelia sa pagsasaka. Kapag may libreng oras ang ama ay tinuturuan nito si Aurelia sa pagbasa at pagsulat.

Hanggang sa isang hapon, nagkaroon ng malaking kaguluhan sa malawak na sakahan, na siyang naging sanhi ng pagkawalay ni Aurelia kay Leopoldo. Nawasak ang maliit na kubong kanilang tinitirhan, kaya nagpalabuy-laboy siya sa mga kalye kasama ang kababatang si Angelo. Napadpad na lamang sila sa bayan ng San Rafael at doon ay kinupkop sila ni Eleanor, na isa namang katulong na nanunuluyan sa mansyon ng mga Lucero. Itinuring na silang mga anak ng mabuting si Eleanor. Simula noon, kasama na rin sina Aurelia at Angelo sa mga utusan sa nasabing mansyon.

Tú eres mi amor [Ang Pag-Ibig Ko'y Ikaw] (El Fin)Tahanan ng mga kuwento. Tumuklas ngayon